࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Wala na si Kaius sa higaan nang sumapit ang umaga.
At ang medyo nakakapagtaka ay nakahiga na ako sa kama niya at maayos na kinumutan. Siya ba ang...gumawa nito?
Nang ako'y bumangon, nakita ko ang kwintas na rosas sa lamesita sa aking gilid. Kinuha ko iyon at nakuntentong ngumiti. Ligtas na si Alexis; kahit na hindi ko siya kasama ay mas mabuti na iyon. Lumaya na siya kay Ate Milly at sa kaguluhang naka-kabit sa'kin.
Mabuti na iyon. Sana ay mabuhay ka nang payapa. Ngayon, makakapag-paalam na ako sa alala nating dalawa.
"Saan kaya nagpunta si Kaius? Teka, may lagnat pa 'yun ah." Agad akong umalis sa kama at nagmamadaling nag-ayos ng sarili. "Ang tigas talaga ng ulo nun!"
Sampung minuto pa at nahanap ko rin si Kaius na nakatayo sa balkonaheng nakatanaw sa hardin–ang parehong lugar noong pagpaparusa. Sa labas ay ang mga batalyon na nagsasanay sa pamumuno ni Ban, maingay at disiplinado ang mga galaw. Pinagmamasdan sila ni Kaius na katabi si Cian at Anwen. Umubo ako.
"Mahal na Reyna," sabay na yumuko si Anwen at Cian.
Hmm? Tinatawag na nila akong Reyna?
Tumango ako na nagtataka at tinaasan ng kilay si Kaius.
"Anong kailangan mo?" tanong niya, mga pisngi'y mapula sa lagnat.
"Ikaw," sagot ko.
Nanlaki ang mga mata ng dalawang Grand Knights.
Nautal ako. "I-Ibig kong sabihin–ikaw ang pinuntahan ko–kasi yung lagnat mo–diba–"
Sumibol ang mapang-asar na ngisi sa mukha ni Cian. "Ah, oo nga. Hindi ba't inalagaan niyo ang Hari kagabi? Sa tingin ko'y hindi pa siya lubos na magaling."
"Cian," banta ni Kaius. "Magaling na ako."
Tumingin ako kay Anwen. At mukha naman siyang makikisabwat. "Kanina'y pagewang-gewang pang lumakad ang Hari. Hindi sapat ang isang gabi para sa pagpapagaling ng lubusan."
"Anwen!" gulat na sabi ni Kaius.
Nagkibit-balikat ako at kinuha ang braso niya. "Narinig mo sila. Hindi ka pa magaling." Sinimulan ko siyang kaladkarin.
"Magaling na nga ako," pilit niya.
Ngunit mainit pa rin ang kanyang balat. "Sinungaling," ngiti ko at tumingin sa dalawang Grand Knights. "Kayo na ang bahala sa tungkulin niya ngayong araw."
Kamao sa mga dibdib, yumuko sila. "Masusunod, Reyna."
Natigil ako sa paglalakad at lumingon pabalik. Aaminin kong masarap sa tenga ang tawag na iyon.
"Bakit tila nahihiwagaan ka?" mahinang tanong ni Kaius sa'kin, maalaga ang mga mata. "Pinatunayan mo ang iyong katapatan at katapangan ng mga nagdaang araw... At inalagaan mo ang kanilang Hari sa gitna ng kanyang panghihina."
Namula ang mga pisngi ko at nahihiyang nagkagat ng labi. "Wag mong sabihin iyan, bihag ako ng Anja. Wala nang iba."
"Walang bihag ang may ganitong klaseng kalayaan," sagot niya, nakatingin sa aking kamay na nakahawak sa kanyang braso. "Isa pa'y... Kung naging tama ang mga pangyayari, ikaw naman talaga ang aking pakakasalan at kokoronahan."

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...