࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
"Ang saya saya ko lang na ngumiti kang muli sa'kin. Kahit na hindi ako karapat-dapat."
Napatigil ako sa paglalakad nang maalala ang mga sinabi ni Kaius. Humingi siya ng patawad–at hindi iyon ang unang beses. Marami na, simula pa noong nasa gubat kami. Hindi ko pa rin alam kung bakit niya sinalo ang bala para sa'kin.
Pero sa lahat ng pagkakataong pinakita niya sa'kin ang kahinaan niya...
Wala akong ginawa kundi itapon iyon muli sa mukha niya.
Hindi sinasadya, nagkaroon ng lungkot sa puso ko. Dinala ko ang mga kamay sa dibdib. Bakit ako nalulungkot? Masama siyang tao, dapat lang sa kanya iyon. Pero...
Naalala ko ang mga sinabi ko kay Alexis kanina.
"Si Kaius...Mag-isa lang siya. Buong oras na 'to, lumalaban siyang mag-isa. Walang nakakaintindi sa kanya."
Ang mundo'y malapit nang maging puti. "Ano bang ginagawa ko?"
Parehas lang naman kaming mamamatay-tao.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇At dahil wala na akong trabaho (kasi iniwan ko si Kaius) ay naisip kong sumama sa patrolya. Kailangan ko ring makausap si Ekko. Pakiramdam ko kailangan kong humingi ng tawad sa kanya.
Sa mga puno ay nilibot ko ang paningin. Saka ko nakita ang pigura niyang nakaupo sa isang sanga. "Ekko!"
Napaayos siya ng upo na tila nagulat at lumingon sa'kin. Nakita kong muli ang maganda niyang ngiti, pero ngayon ay may tinta na ng lungkot. "Ah, Freja. Anong ginagawa mo dito?"
Tinuro ko ang kinauupuan niya. "Pwede ba kitang samahan?"
Nagtataka ay tumango rin siya saka nilaglag ang lubid na hagdan. Inakyat ko iyon hanggang sa mag-abot siya ng kamay at makaupo ako nang maayos. Huminga siya nang malalim. "Akala ko magkasama kayo ni Kaius para sa trabaho?"
"Sino bang nagsabing ilagay ako kasama niya?" tanong ko.
Ngiti. "Si Dean."
Hay, kaya naman pala eh. Umiling ako, pinapanood ang mga ibon na lumipad. "Nakakainggit sila," sabi ko. "Makakaalis sila ngayong taglamig na para humanap ng ibang tahanan. Pero tayo-" Nagtinginan kami ni Ekko. "-Kapag nawala ang tahanan natin, mahirap nang humanap ng bago."
Napuno ng luha ang mga mata ni Ekko, naaalala muli si Anwen. At ang bahay na iniwan niya. Sa kabila nun ay ngumiti siya at kinurap-kurap ang mga luha.
"Hindi totoo 'yan," ngiti niya. "Tingnan mo 'ko. Iniwan ko ang tahanan ko para ipaglaban ang tahanan ng mga Anjan. Akala ko, hindi na ako makakahanap ng bagong pamilya." Hinawakan niya ang kamay ko. "Ngunit ang mga taong narito–si Ban, Alexis, Tegan, Dean at marami pang iba–sila na ang bagong tahanan ko."
Kumunot ang noo ko. "Pero ayaw mo na bang bumalik sa Leogrance? Makita ang mga magulang at kapatid mo?"
Hinaplos niya ang kanyang baril.
"Gusto ko," simpleng sagot niya. "Ngunit hindi ko na kayang iwan muli ang tahanan ko. At dito sa kampo, nakita ko ang lugar na kinababagayan ko."
"Patawad," nagyuko ako. "Iniwan ko si Anwen doon."
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...