65.

238 13 1
                                        


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

k a i u s

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇


Lumipas ang mga araw sa paghahanda. Sa bawat araw ay nadadagdagan ang pwersa dahil sa mga taong nagpapalista upang sumamang lumaban. Sinasanay sila nang mabilis upang maging kawal lalo na sa kalalagyan nilang pwesto sa mga barko. Si Dominic ay ineensayo pa rin ang sarili upang lalo pang lumakas at humaba ang paggamit ng kapangyarihan. Maging si Dean ay naghahanda na rin.

Si Tegan ay mataas na sa posisyon niya sa pagamutan habang si Ban naman ang namumuno sa mga Elite. Si Ekko, Alexis at Nara ay abala na rin. Kahit si Sorina ay minsan ko na lang makita.

Bukas na ang araw na hinihintay ng lahat.

Handa na ang mga preparasyon. Kaya bilang gantimpala sa paghihirap ng lahat, hinayaan ko silang magpahinga sa buong gabi mula paglubog ng araw.

"Tapos na ang pagpupulong," proklama ko sa karaniwan kong boses, regal at malamig. Tumayo ang lahat at kanya-kanyang labas sa pasilyo, nag-uunat ng mga braso. Tumango ako kay Sigrid at naghiwalay kami ng daan. Kita ko sa mga mata niya ang takot at nerbyos para bukas.

Maaari ba, sabi niya sa'kin nang palihim kanina, kapag nahuli niyo si Kuya, maaari bang makausap ko muna siya bago niyo siya patayin?

Wala akong maipapangako, ang nasagot ko. Ngunit sisikapin ko.

Imbis na magkaroon siya ng sama ng loob sa'kin ay nagpasalamat siya. Mukhang naiintindihan na rin niya ang lahat ng nais kong gawin. Pinapasok ko siya sa isip ko isang beses at nakita niya ang mga plano ko. Ngumiti lang siya at sinabing, "Masokista ka ba?"

Tinawanan ko lang siya nun.

Naudlot ang mga iniisip ko nang lumakad si Dean kasabay ko. Hindi na ito pinansin nila Cian dahil sinabi ko sa kanila ang mga taong ayos lang lumapit nang ganito.

"Kaius," bulong ni Dean. "Gusto mong sumama sa'min?"

Pumantig ang tenga ko. "Saan?"

"Sa kapitolyo. May pista doon, parang pagpapaalam sa mga lalaban bukas. Tsaka sabi mo ayos lang na magpahinga ngayong gabi diba?" ngiti niya.

"Hmm. Hindi ako sigurado." May kailangan pa akong asikasuhin at isa pa, kailangan ko ding silipin ang proyekto ni Sorina na pang-opensa.

"Tsk," kumunot ang noo nito. "Ano ba. Magpahinga ka naman. Minsan lang 'to oh. Tsaka saglit lang naman kung gusto mo. Subukan mo lang, wala namang mawawala."

Naisip ko nga. Hindi pa ako nakakaranas ng pista sa buhay ko. Noong lingkod pa lang ako'y hindi kami maaaring lumabas para lang sa mga ganun. Noong malaya naman ako ay wala akong interes. Para sa'kin ay sayang lang ito sa oras.

"Sige na," pangungulit ni Dean. Umakbay pa ito na ikinagulat ng mga Elite sa likod namin. Mahina lang na tumawa si Cian. Sanay na siya kay Dean.

"Oo nga, Kaius." sabi ng knight ko, ngayon ay bilang kuya. "Tsaka gusto ko ring makita ang pista sa Anja. Kaya sumama na tayo."

Hindi pa rin ako sumasagot. Sa utak ko, hindi ko maiwasang kalkulahin ang mga mas importante. Ngunit nang makita ko si Freja at Anwen na papaliko sa direksyon namin ay natigilan ako. Suot ni Freja ang mga normal na damit—isang makapal na puting sweater at palda, mataas na medyas saka bota. May scarf din na nakabalot sa leeg nito.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon