69.

227 16 10
                                        


Binunggo ng Reinart ang Odea at ngayon, maaari ng talunin ng mga kalaban ang bawat barko. Nagsimulang umabante ang mga likurang pwersa ng Anja sa pagtatangkang protektahan ang Odea, ngunit pinulbos lamang sila ng kanyon ng Reinart.

"Ano ang bagay na 'yan?!" nahintakutan na sabi ni Nara.

"Isang photon cannon," bulong ni Sorina sa sarili, nanginginig ang mga kamay. "Pinaghihiwalay niya ang maliliit na particle ng isang bagay hanggang sa mawala ito." Kinuha niya ang mikropono at nanawagan sa lahat. "Diyan lang kayo sa mga posisyon niyo at dumepensa! Walang rason upang gawin kayong target ng Reinart!"

Itinigil din ang opensa ng pader, tinaas muli ang barrier kahit sa takot ni Sorina ay alam niyang hindi tatalab ang Protect laban sa photon cannon nila. Kaya naman, hindi sila pwedeng maging target nito.

Huminto ang paggalaw ng lahat.

Maging ang mga barko ng Meriga ay tumigil. Lahat ng atensyon ngayon ay nasa dalawang inang-barko, nguso sa nguso.

"Lahat ng kawal, umatras!" sigaw ni Ban sa mga kasamahan. "Protektahan ang barko natin!"

Umatras sila at tumalon tungo sa Odea, sinusundan ng mga kawal ng Meriga. Si Cian na naghihintay mula sa kubyerta ay nagsimulang makipaglaban sa tabi ni Anwen. Si Ekko ay pumwesto sa pinakatuktok na kubyerta, binabaril ang lahat ng makitang kaaway. Si Alexis ay abala rin sa pakikipaglaban.

Nagtalsikan ang mga dugo. Kawal sa kawal.

Espada laban sa espada.

Isang paggalaw ang nakita ni Alexis sa itaas na kubyerta ng Reinart—at hindi siya maaaring magkamali. Si Freja.

Sinipa niya ang lalaking nasa harap at sinaksak ito sa dibdib saka nagmamadaling tumakbo upang pasukin ang barko ng kalaban.


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

"Sigrid! Sigrid, wag..." mahinang sinasampal ni Kaius ang pisngi nito. Umiitim na ang ilalim ng mata ng Emperatris; ang buhay nito'y dumudulas na sa pagitan ng mga daliri niya. Agad niyang hinawakan si Dominic.

"Palakasin mo 'ko," utos niya.

Tumango ang bata at pinalakas siya at doon niya lang naramdaman ang kapangyarihan ni Tegan. Wala nang oras. Humiram siya doon at ipinadaloy sa katawan ni Sigrid.

"Pakiusap, gumana ka."

Mababaw na ang mga hininga ni Dominic, masyado na niyang nagamit ang kapangyarihan ngayong araw. At ano pang segundo'y maaari na rin siyang bumagsak. Ngunit hindi—

Hindi na siya uli mawawalan ng magulang.

"Sigrid, pakiusap."

Narinig na lang nila ang ingay ng bala na lumabas sa tyan nito, pati na ang pagsara ng sugat. Pinagpatuloy pa ni Kaius ang pagpapagaling sa kanya, inuutos sa mga buto nito ang pagpapalit ng nawalang dugo. Hanggang sa nakatulog si Sigrid at bumagsak si Dominic sa kanyang tabi.

"Ayos ka lang?" alalang tanong ni Kaius sa kanyang prinsipe.

Mahinang ngumiti ang bata. "Umalis ka na, Kamahalan. Ang Konsorte...Si Binibining Freja. Kailangan mo siyang iligtas—"

Humalik si Kaius sa noo nito, nais iparating ang lahat ng pasasalamat doon. "Babalik ako. Pangako ko, babalik ako."

Tumango si Dominic at lumisan na ang Emperador.


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Tinanggal ni Jiro ang kapa nang makaapak sa barko ng Odea kasama ni Huxley. Sumigaw siya bilang bwelo at sinugod ang pinakamalapit na kawal sa kanya. Sinaksak niya ang tyan nito, ang isa'y hiniwa ang ulo. Si Huxley ay ganun din—walang awa sa mga pinapatay.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon