43.

295 22 10
                                        



Mga walang galang na Khragna at Merigan, isip ng Emperatris habang inaalalayan papasok ng envoy. Hindi man lang ako sinalubong mismo ng Hari at Reyna! Isang prinsesa lamang ang babati sa'kin pagdating ko? Ganito na lang ba kaliit ang respeto nila sa Emperatris?! Kaya naman pala namatay ang asawa ko sa lupang 'to.

Mga walang utang na loob.

Nakasimangot na iniisip ng Emperatris kung bakit pa sinusuportahan ng emperyo ang Trinidad. Bakit din ba ginawa 'yun? Para lang ipagpatuloy ang pangarap ng dating namumuno dito na sina Agatha at Reinart?

Tutal patay na ang Emperador, makukuha ko na lahat ng kapangyarihan. Oras na upang baguhin ang mga bagay.

Ngumisi ang ginang. Kailangan na lang niyang tapusin ang seremonyas na ito at pagkatapos, iiwan na niya lahat ng gulo dito sa Trinidad. Wala na siyang pakialam. Magpatayan na sila o ano, basta't siya'y babalik sa Augustine upang—

Bumagsak ang mga knights niya sa kanyang gilid.

At nanlalaki ang mga mata niyang nakita ang dugo nila sa kanyang bestida. Binaril pa ng mga naka-maskarang tao ang mga kawal niyang Augustine.

"A-Anong—?!" takot siyang tumingin sa paligid. "Prinsesa!" Ni hindi man lang niya alam ang pangalan ng prinsesang Merigan. Bahala na. "Prinsesa! Nasa'n ka?!"

Tinutukan siya ng baril ng isang babae. Si Ekko.

Narinig na lang ng Emperatris ang mahinang tawa na papasakay sa envoy na iyon. "Hinahanap niyo ako, Kamahalan?" Boses ng isang lalaki. Nilingon siya ng ginang at nginitian siya ni Kaius nang maala-demonyo. "Nagulat ba kayo?"

"Sino ka?" alarmang tanong ng ginang.

"Ang aking ngalan ay Kaius. Ngayon, lahat kayo'y sumuko na sa'min at sumunod kung ayaw niyong matulad sa mga kawal na 'to," sinipa ni Kaius ang isang katawan.

Isang opisyal ang humarang sa Emperatris. "Kamahalan! Madali kayo at umalis na—"

Isang bala ang dumiretso sa kanyang puso galing kay Kaius. Naging malamig na ang mukha ng binata. "Hindi ko na uulitin pa." Tiningnan niya ang mga opisyal na nanginginig sa takot. "Sumuko na kayo at tanggapin ang inyong tadhana."

"Anong kailangan mo sa'min? Rebelde ba kayo? Pera ba ang nais niyo?" galit na sigaw ng Emperatris.

Ngumisi si Kaius at umiling. "Mali kayo. Hindi kami mga rebelde, at hindi namin kailangan ng pera mo." Tiningnan niya si Ekko at gumalaw na ang grupo ng dalaga upang itali ang mga opisyal at Emperatris.

"Hayop ka! Hindi ka mapapatawad ng emperyo sa ginagawa mo!"

"Ayos lang," sagot ni Kaius. "Dahil... gagawa kami ng bagong emperyo. At kami ang mga unang mamamayan ng emperyong iyon."


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Tumunog na ang trumpeta sa buong hardin ng Galeon.

Rinig na rinig iyon ni Cian at Anwen mula sa mga pasilyo ng mansyon habang dinadala sila ng mga Grand Knights sa entablado. Hindi maiwasang mapangiti ni Cian—dito na pala siya mamamatay. Pero ayos na iyon. Ang tanging hangarin lang niya buong buhay ay ipaghiganti ang kanyang Ina, ang kanyang Merigang ina na nilapastangan ni Exequiel.

Ina, ako man ang bunga ng kasalanan ng hayop na iyon sa'yo...Kahit na kasuklaman mo ako hanggang sa iyong kamatayan, ika'y aking igaganti. Pangako.

At ang tinuring niyang kapatid na si Kaius, ang inampon ni Exequiel noong duke pa lang ito... Napangiti siya. Nagawa na ni Cian ang lahat upang tulungan siya sa kanyang mga plano't mithiin.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon