࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Mababaw ang mga hininga, tiningnan ko ang kabaliwan na nagngangalang Kaius. Hawak niya ang revolver sa kanyang templo at tumatawa na parang nasiraan ng bait. Um, masyado na 'to. Hindi kaya napuno na talaga siya at nabaliw? Hala, baka nga.
"Kung hindi ko makukuha ang katapatan niyo, para sa'n pa ang korona ko? Kaya naman, para matigil na ang lahat, papatayin ko na lang ang sarili ko."
Kumakabog ang puso ko. Hindi nga? Papatayin niya na ang sarili niya?
Pumikit siya at gumalaw ang daliri.
Pinutok niya ang gatilyo at tumalsik ang dugo at utak niya sa sahig. Sumigaw ako at sumigaw din si Cian, humihingi ng tulong. Ngunit walang dumating na tulong sapagkat nagbubunyi ang mga kawal sa pagkamatay ng isang demonyo.
Sa isip ko, ganun ang nangyari.
Pero hindi.
"Siguro iyon ang masasabi ko kung isa akong duwag na Hari," sabi ni Kaius. "Pero hindi. Hindi ako isang duwag." At mabilis pa sa agila na ipinutok niya ang baril. Ngunit walang lumabas na bala.
Naglabas ako ng hiningang matagal kong pinigilan.
"Heneral Ban," itinutok ni Kaius ang baril sa heneral na kanina pa seryoso ang mukha at tila walang takot sa kanyang kaharap. "Isa ka bang duwag?"
Walang sagot.
Mukha namang natuwa si Kaius dun. Seryoso, natutuwa siya sa mga kakaibang bagay. Napakabaliw niya. "Anong nais mong makamit sa pagsuway sa'kin?"
"Ikaw, anong nais mong makamit sa kasamaan mo?" blankong balik ni Ban.
"Kasamaan?" Nagtaas ng kilay si Kaius. "Naniniwala ka bang makakamit ang tagumpay sa mabuting paraan lang?"
Walang sagot muli.
"Hindi ba't gumamit ka rin ng masamang paraan para magtagumpay sa plano mo? Hinayaan mong makapasok ang mga kaaway na dumating upang mapatay ako. Hindi ba't masama ka ring tao tulad ko?"
Ngumisi si Ban.
"Hindi ka nagtagumpay, dahil mali ang kasamaan na kinakalaban mo." Nilagay ni Kaius ang malayang kamay sa dibdib. "Hindi ako ang kasamaan na dapat niyong burahin sa mundo!"
Napukaw ang atensyon naming lahat.
Maging ang mga kawal na nagbubulungan ay natahimik.
"Ang kasamaan na nais kong burahin sa mundo—" Tinutok ni Kaius ang baril sa langit. "—ay ang sistema ng mga Bansang Trinidad! Ang tatlong Korona!"
Isa pang maala-demonyong ngiti.
"...Ang Emperyo."
"Ano?" rinig kong bulong ni Anwen.
At hindi lang siya ang nagulantang—maging ang mga kawal, heneral, opisyal at ako. Lahat kami. Maliban kay Cian. Mukhang alam na niya ang plano ni Kaius mula umpisa.
"Alam niyo, Kamahalan, takot ang taong tumanggap ng pagbabago. Simpleng pag-iba ng plano ay kinakabahan na sila. Paano pa kung ang isang tao—isang tao—ay nais baguhin ang mundo?"
Ito ba ang...sinasabi ni Cian?
"Isang hindi nakikitang caste sa lipunan ang nagkaroon nang mabuo ang Trinidad. Ang mga lalaki'y hindi maaaring maging knight sa Khragnas; ang mga babae'y hindi nabibigyan ng mahalagang posisyon sa Meriga. Ang isang Merigan ay hindi maaaring magpakasal sa isang Khragna upang mapanatili ang kulay nila na sumisimbolo ng pagiging purong-dugo. Ang tingin nila sa mga Anjan—na may kulay at dugo ng parehong lahi—ay mga mababang tao!"
Tumango ako. Ngunit kung titingnan, karamihan sa mga namumuno sa'tin ay halong-dugo din naman. Tama si Kaius, may diskriminasyon sa tatlong lahi sa trinidad.
Ang mga Merigan at Khragna ang nakakataas, habang ang mga Anjan ay nasa ibaba. Ang mga babae sa Meriga ay nakakatanggap ng hindi patas na pagtrato, gayundin sa mga lalaki sa Khragnas.
"Ang kalayaan na ipinangako sa inyo ay isang panlilinlang! Sa tingin niyo, bakit wala nang Anjan ang pinapayagang mamuno sa sarili niyong bansa?"
Ngumisi si Ban, tila alam na ang sagot.
Puno ng determinasyon si Kaius. "Dahil ayaw ng mga Merigan at Khragna na magkaroon ng kontrol ang mga Anjan! Ang mga Hari at Reyna ng Anja ay sunud-sunuran pa rin sa emperyo ng Augustine dahil galing sila dito. Sinasabi nilang may kalayaan ang Anja ngunit isa lang iyong kasinungalingan upang hindi mag-aklas ang mga Anjan."
"Ngunit isa kang Merigan, hindi ba? Ampon ng bahay ng Morgana," singhal ni Anwen na yakap ko pa rin sa mga braso. "Bakit mo sinasabi sa'min 'to? Ano bang nais mo?!"
Umiling si Kaius at tiningnan si Anwen.
"Puti ang aking balat, at ang titulo ko'y isang Merigan—ngunit ang aking ina'y isang Anjan. At iyon ang tunay kong titulo! Isa akong Anjan! Ang mga tradisyong tumatali sa inyo sa monarkiya, sisirain ko iyon hanggang sa wala nang taong makakapagmanipula sa mga mahihina. At sisimulan ko ang mga pagbabagong ito—" Pinigil namin ang aming mga hininga. "—sa paghihiwalay ng Anja mula sa Trinidad!"
Ihiwalay?
Ibig sabihin...
"Isang Anja na mga Anjan ang namumuno, hindi mga tuta ng Meriga at Khragnas sa Markahan. Isang Anja na hindi dumidepende sa kahit sino o sa emperyong Augustine. Isang Anja na totoong malaya—malaya sa diskriminasyon ng kulay o kasarian."
Ibinaba ni Kaius ang baril at inilahad ang kamay kay Ban, na siyang nakangiti na nang malapad ngayon.
"Kung magiging masama ako para sa layunin na iyon, gagawin ko. Kaya Ban, samahan mo akong maging masama upang itama ang mundong ito."
Hiniwa ni Cian ang mga tali na gumagapos kay Ban.
At ang heneral ay ngumisi, tumitig sa mga lilang mata ni Kaius. "Nagkamali ako ng kinalaban. Isa ka palang interesanteng tao, Kaius." At saka siya yumuko't lumuhod sa harap ng aking Hari. "Ako'y sasama sa inyo hanggang sa dulo ng pangarap na 'to."
Umuwang ang aking bibig at tiningnan si Anwen. Hawak niya ang leeg, at tila malalim ang iniisip niya.
Tumayo si Ban at nakipagkamay kay Kaius. "Nasa iyo ang katapatan namin."
"Maraming salamat," ngisi ni Kaius.
Humarap si Ban sa lahat ng mga kawal na naghihintay. Tinaas niya ang braso at nilagay ang kamao sa dibdib. "Ituon niyo ang katapatan kay Haring Kaius. Mula ngayon, ang ating kaaway ay ang Meriga at Khragnas. Ang empryo ng Augustine! Ang sinumang susuway ay itakwil na ngayon ang pagiging Anjan!"
Gumalaw ang lahat, iisang utak. Isang mithiin.
"Mabuhay si Haring Kaius!"
At ganun ko napanood, gamit ng mga sariling mata, ang kapangyarihan na taglay ni Kaius—ang ahas na kalaban ng Trinidad. Napuno ako ng takot at paghanga.
Siya nga, ang dapat katakutan ng lahat.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...