25.

305 21 7
                                    


Tahimik ang maliit na Isla ng Walang Ngalan bukod sa pag-awit ng mga ibon.

Gabi na at maliwanag ang buwan, at isang ginang ang naglalakbay sa masukal na gubat dala ang isang lampara. Hindi niya alintana ang dilim. Pagkatapos ng huling destinasyon niya'y babalik na siya sa Anja upang siguruhing nasa ayos pa ang lahat.

Inalis ni Avis ang taklob sa kanyang ulo nang marating ang tuktok ng burol-gubat. Sa malawak na lupang kanyang kinatatayuan ay nakaguhit ang malaking imahe ng magkadikit na simbolo ng kahel-pulang apoy at isang lilang pakpak. Lumuhod siya at hinaplos ito nang taimtim.

Nakarating na siyang muli dito, kung saan nagtatagpo ang dulo ng bawat kapangyarihan. Ang linya na naghihiwalay sa anghel at demonyo. Ang kanlungan kung saan pinadala niya ang kanyang mga kapatid, mga taong kapareho niyang may taglay na kakaibang kakayahan, at pinalusong na sa kanilang kamatayan.

"Maligayang pagbati, mga kapatid ko." bati niya sa mga wala na sa mundo.

Yumuko siya sa nakasarang entrada ng kabilang mundo—ang mundo ng kawalan. Kung saan ikaw ay walang iba kundi wala. Mga ala-ala, katawan o oras mo sa mundo—lahat ay wala.

Alam niyang burado na sa mundo ang mga kapatid niya, at napasa na nila ang kapangyarihan sa iba, nunit hanggang ngayon ay tila naririnig pa rin niya ang mga boses nila. Mga salita nilang sinasabi na hindi niya dapat gawin ang kanyang ginagawa.

"Alam niyo ba?" ngiti niya. "Malapit ko nang makita ang bunga ng pinaghirapan ko. Hindi masasayang ang mga buhay niyo."

Wala nang makakapigil sa kanya, dahil inalis niya na lahat ng balakid.

Ano bang ginagawa mo, Avis? Gamitin mo ang kapangyarihan sa tama!

Hindi ba't marka ng anghel ang nakuha mo?

Wag kang magpanggap na Diyos! Hindi ka isang Diyos, Avis!

"Oo tama," bulong niya habang inaalala ang mga sinabi nilang lahat. "Hindi ako Diyos."

Tumayo siya at nagtaklob muli. "Dahil higit pa ako sa kanya." Tumanaw ang mga mata niya sa malayo. "At hangga't hindi naibabalik sa'kin ang mga bagay na ninakaw ni Elka, hindi ako titigil humanap ng paraan para mahanap siya."

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon