57.

236 14 2
                                    

"Anong 'hindi nakapasok'?" iritang tanong ni Jiro sa kanyang Heneral.

Hindi nag-iba ang matigas na ekspresyon ng lalaki. "Patawad, Kamahalan ngunit ang mga missile na pinadala sa Anja ay hinarang ng isang barrier sa langit. Hindi namin matukoy ito, pero isa itong makabagong teknolohiya."

"Makinig kayong lahat!" sabi ni Sorina sa mga taong nasa pinakasentrong tore. Lahat ay nakikinig habang nagpopokus sa pagko-kontrol ng mga depensa. "Hindi pa kumpleto ang Protect system sa mga pader kaya kumpara sa nilagay namin sa ere, mas mahina ito. Kailangan nating patayin ang Protect sa ere at idirekta ang enerhiya nito sa pader."

"Masusunod!" sagot ng mga tao sa tapat ng screen.

Sa pasilyo naman, kung saan taimtim na nakikipag-usap si Cian kay Kaius ay bigla na lamang nagkaroon ng komosyon. Si Sigrid ay kumalas sa mga Elite na maghahatid sa kanya sa silid. "Emperatris!"

Hindi nila alam kung anong gagawin—bihag pa ba si Sigrid o isa nang mas mataas na tao kesa sa kanila? Kaya naman hinabol nila ito. Si Trystan ang nanguna sa kanila.

"Kaius!" sigaw ni Sigrid.

Matalas na tumingin sa kanya ang Emperador. "Ang utos ko'y bumalik ka na—"

"Hindi," hinihingal na sabi ng dalaga. "Gusto kong makita." Determinado ang mga mata nito. "Gusto kong makita kung totoo ang sinasabi mo tungkol kay Kuya!"

Sa karagatan, sumusulong ang mga barko ng armada. "Humanda!" sigaw ng kapitan, nakataas ang braso sa ere. Inilahad niya ang kamay sa direksyon ng matatayog na pader ng Anja. "Ngayon na!"

Umusbong ang usok nang tinira ng mga barko ang kanilang missile sa pader.

Tumama ang mga missile na iyon sa target, sumabog ng sabay-sabay sa magkakaibang parte ng harang na ipinagmamalaki ni Kaius. Ngumisi ang kapitan, inaasahan na ang pagbagsak nito.

Ngunit nang humawi ang usok ay nakita niyang wala ni isang dumaplis sa metal na pader.

Kumislap ang asul na shield, puno ng enerhiya bago nawala muli sa paningin ng lahat. "Anong—?!"

Walang nagawa ang mga missile nilang kinatatakutan noon ng mga Anjan. Ang kanilang pader ay nanatiling nakatayo, matayog at tila tumatawa sa kanilang kapalpakan.

"Ngayon, kami naman." ngisi ni Alexis saka pinindot ang isang control sa kanyang tipaan.

Mula sa nakatagong kompartamento ng pader ay lumabas ang malalaking kanyon, gawa sa makinis na metal at nakakatakot na bakal—lahat ay puno ng munisyon na iba't-ibang teknolohiya. Hanay pagkatapos ng hanay; hilera pagkatapos ng hilera.

Mula sa kinatatayuan ng kapitan sa kanyang barko ay tumindig ang kanyang balahibo nang makita ang dating makinis na pader na ngayo'y puno na ng makamandag na sandata laban sa kanila.

At sa isang iglap, sumiklab ang ganti ng mga Anjan.

Pinanood niya ang isang bomba na lumipad tungo sa kanlurang giliran at bumiyak sa mas maliliit na bomba upang kalat na maghasik ng lagim. Sa silangang giliran ng armada naman ay isang laser ang gumalaw mula sa isang kanyon, isa-isang hinihiwa ang mga barko sa dalawa. Sumabog ang mga ito at unti-unting lumubog. Sa unahan naman ay tinadtad sila ng bala mula sa mga kanyon na mas maliit ngunit binabaril ang mga ito sa napakabilis na paraan, tinatamaan ang mahahalagang parte ng barko.

Unti-unti nilang sinisira ang armada ko! isip ng kapitan.

Nagbunyi ang mga tao sa bawat tore nang makita ang tagumpay. Ang ilan ay niyakap pa si Sorina at hinalikan ang mga kamay. Mahina niyang tinulak ang mga ito, ngunit sa loob ay sobrang saya. Hindi pa tapos 'to.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon