66.

225 13 4
                                        


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

k a i u s

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇


Asul na ilaw lang ang tanglaw sa ikalawang palapag. Madilim at kaunti lang ang tao. Dito tila nagtatago ang mga mag-isa, umiinom nang sarili lang habang nakatanaw sa mga salaming dingding. Kita ang makulay na kasiyahan sa labas.

"Anong ginagawa natin dito?" bulong ni Freja na tila mahuhuli ng magulang kapag nag-ingay.

Pinisil ko lang ang kamay niya at lumiko kami sa isang pasilyo, kung saan walang tao. Huminga ako nang malalim. Tumingin si Freja sa mga ilaw at mga tao sa labas, walang kaalam-alam sa dalawang taong lihim silang pinagmamasdan.

Nakatalikod si Freja sa'kin at tumayo ako sa kanyang gilid. Sa ilang sandali, pareho lang kaming nagmasid sa kasiyahan sa mga lansangan.

"Ayokong saktan ka bukas," bulong ko, binabasag ang katahimikan. Marahan siyang nag-angat ng tingin. Ramdam ko ang nerbyos at pagaalala sa nalalapit na digmaan, at kahit anong pilit kong itago ang takot, alam kong alam na rin ni Freja.

Tumingin ako sa mukha niya-- ang maamong mukhang nasilayan ko nung una kaming magkita. Saka ako ngumiti.

"Ayokong saktan ka, ngunit alam kong darating at darating ang panahon na magagawa ko iyon." Kinuha ko ang kamay niya at humalik dito. Nagtagal ang mga labi ko sa kanyang balat, dinadama ang lambot nito sa pakiramdam. "Kapag. . . Kapag hindi ko nagawang makabalik-"

"Kaius-" Sinubukan niya akong pigilan ngunit umiling ako.

"Bukas, walang kasiguruhan na magiging ligtas ang sinuman." Hawak ko na ang kanyang mga pisngi, nakatitig sa mga mata niya upang ipaintindi ang lahat ng sinasabi ko. "At kapag hindi ako nagtagumpay, kung sakaling nabigo nanaman kita, gusto kong ipangako mo sa'kin na lalayo ka mula sa lahat ng ito at maging ligtas. Gusto kong kalimutan mo nang nagkaroon ng isang tulad ko sa buhay mo."

Tinuro ko sa labas ng mga bintana ang karagatan. "Kaya kita dinala dito ay upang sabihin na kapag hindi ako nakabalik, gusto kong tumakas ka mula rito, papunta sa malayong Silangan, sa direksyon na iyon. Kung saan walang makakahanap sa'yo."

"Pakiusap. . . wag mong hilingin sa'kin 'yan," nahihirapan niyang bulong.

"Kapag nangyari iyon, gusto kong mamuhay ka na walang pagsisisi. Na lagi kang maging masaya." At kapag hindi ko nagawang aminin sa'yo ang mga nararamdaman ko. . . "Kapag wala nang mga salitang makaka-sapat sa lahat ng nagawa ko upang paiyakin ka. . . Gusto ko lang malaman mo, na hanggang sa huli kong hininga, ikaw ang tanging nasa isip ko, Freja."

Kapag hindi ko na masasabi sa'yong. . .

Ikaw ang aking. . .

Tumulo ang mga luha ni Freja at hinila ako palapit. At sa mga segundong iyon, pinatahimik niya ako gamit ng halik. Ramdam ang kanyang panginginig, kinuha ko ang kanyang mga kamay at pinisil ang mga iyon. Mahina ko siyang tinulak at inipit sa pagitan ng katawan ko at ng salaming pader.

Mga nagliliyab na mata niya sa aking mga lila. At gaya noong una naming pagkikita, hinawakan ko ang mga palapulsuan niya sa salaming pader at inangkin ang kanyang mga labi. Ngunit hindi na marahas. Puno ito ng mga salitang hindi ko masabi dahil naduduwag ako. At hindi niya ako pinigilan.

Hindi niya ako tinulak o pinandirian.

Bagkus ay sinagot niya ang mga salitang nakapaloob sa mga halik ko.

Tila may sariling sikreto doon na nais iparating.

Hinilig ko ang ulo, at bumuka ang bibig naming dalawa. Napakainit, bigla na lang umiikot ang mundo nang napakabilis. Mas mabilis pa sa tibok ng puso sa pagitan namin. Sinasabay kami nito sa galaw—marahas at nagmamadali at hindi mapakali.

Kamay niya sa aking buhok.

Kamay kong humihila sa zipper ng sweater niya.

Nahanap ng labi ko ang leeg niya pababa sa kanyang mga balikat at hinahabol niya ang kanyang hininga na tila labis na ang mga nararamdaman. Ngunit walang labis. Wala sa gabing ito.

Wala sa bokabularyo ko.

Binuhat ko siya sa bewang at ipinalibot niya ang mga binti sa aking tyan. Sinandal ko siya sa pader. Humalik ako sa kaliwang balikat niya patawid sa dibdib tungo sa kanan at siya'y nakukuntento sa pagsabunot ng buhok ko. Nag-iwan ako ng marka ng kagat sa kanang balikat niya at napasinghap siya nang biglaan. Dinala niya ang ulo ko pabalik sa mga labi niya at siya ang humalik.

Sa labas, ang ingay.

Sa loob namin, pagsuko.

Sa isa't-isa.

Dilim, hawak, hininga at mga ipagtatapat na hindi masabi.

Nang ibaba ko siya ay hinila ko siya sa isang yakap, sinisiguro ang sarili na totoo ito. Na totoo si Freja at narito ako at narito siya, kaming dalawa lamang.

"Kaius," bulong niya.

Hinigpitan niya ang yakap, binabaon ang mukha sa aking dibdib. Haplos ko ang kanyang buhok. "Hmm?"

"Bumalik tayo rito," ngiti niya. ". . .Pagkatapos ng digmaan."

Pumintig ang puso ko sa mga sinabi niya. At napuno ang mga mata ko ng luha.

Tila ba sinasabing. . . 'Bumalik ka nang ligtas sa'kin.'

At sapat na iyon. Sapat na kesa sa dalawang mahiwagang salitang at alam na naming dalawa ang nararamdaman ng isa't-isa. Hindi na kailangang itanong dahil parehas kaming mga duwag at matapang at nalilito at sigurado.

"Mm. Babalik tayo dito, Freja."

At para akong bata nang ako'y ngumiti.

Kumalas si Freja at pinasadahan ng hinlalaki ang labi ko.

Ngumiti rin siya. "Aasahan ko iyan."


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.



Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon