࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Si Emperador Armand ay nasa harapan namin.
Ang Emperador ng Augustine, ang ama ng Tatlong Korona. Tumingin ako kay Kaius at nakita ko ang nanginginig niyang mga kamay. Ang lalaking walang kinatatakutan, heto ngayon at mukhang kinakaharap na ang bangungot niya. At isa lang ang ibig sabihin nun– ang taong ito, ang Emperador, ay hindi birong kalaban.
Nagtanggal ng guwantes ang Emperador at ngumiti. "Sa tingin mo ba'y hindi ko papansinin ang imbitasyon mo tulad ni Emily at Jiro? Isa kang hangal kung naisip mong kagaya nila ako."
Walang makapagsalita sa buong bulwagan. Ang mga hakbang lang ng Emperador ang naririnig. "Anong ginagawa mo, ha? Gumagawa ka ng sarili mong mundo? Sa tingin mo'y lahat ng tao'y luluhod sa paa mo?"
Nilayo ni Kaius ang tingin. Nais ko siyang pakalmahin ngunit kahit ako'y hindi makagalaw. Dumating ang Emperador sa baba ng mga baitang. Ang ngiti niya'y nakakalason na ngayon.
"Ni hindi ko nga alam ang pangalan mo hanggang nito lang, nang mabasa ko ang Kaius sa imbitasyon, sinasabing dumalo ako sa seremonyas ng pagtatag ng bagong Anja." Tumawa siya. "Bagong Anja? Ha! Kalokohan!"
Tila nasampal si Kaius sa mga narinig at sa wakas ay nahimasmasan na siya.
"Tapos na ang seremonyas na ito!" sigaw ni Kaius at nagtaas ng noo. "Naitatag na ang konstitusyon ng bagong Anja at sumasang-ayon na ang lahat! Wala ka nang magagawa."
Nagsalita ako, piniling maging kalmado. "Mahal na Emperador, isang malayang bansa ang Anja at hindi na maaaring mangialam ang kahit sinong taga-labas sa mga batas nito, kahit pa ang Emperador. Respetuhin niyo sana ang-"
"Wala akong respeto sa inyong dalawa," pangibabaw niya.
Natahimik ako.
"Kayo'y mga traydor sa Trinidad na binuo at iningatan ng mga ninuno natin! Nangahas kayong sirain ang balanse at sistema na matagal naming pinaghirapang panatilihin at ngayo'y humihingi kayo ng respeto?"
"Balanse?" tawa ni Kaius. "Sistema? Ang mga binuo niyo'y walang iba kundi madaya at marahas na mundo! Kayong mga nakaupo sa trono ay bulag doon dahil nakakulong lang kayo sa magagara niyong palasyo at pinoprotektahan ng tinatawag nyong tipan!"
Ano?
Nagbulungan ang mga noble. "Tipan? Ang alamat tungkol sa kakaibang kapangyarihan ng monarkiya?"
"Kung gayon ay alam mo ang tungkol sa tipan. Pero... Hindi ba't pinoprotektahan ka rin ng tipan na nais mong sirain? Sinasabi mo bang kaya mong magtagumpay nang mag-isa?" ngisi ng Emperador.
"Oo," walang alinlangang sagot ni Kaius. "Kung kinakailangan."
At doon ko na lang nakita ang isang silindrong metal na may pindutan sa tuktok sa kamay ni Kaius. Nahintakutan ako dahil pakiramdam ko 'yan ay...
"Ngunit hindi mga kawal ang gagamitin ko," ngisi ni Kaius at nakita kong muli ang bersyon niyang mapanlinlang at makasarili. "Gagamitin ko ang mga taong naririto!"
At sabay-sabay, ang mga kawal na nasa loob ng bulwagan ay tinutok ang mga baril nila sa Emperador. Nagsigawan ang mga pinuno ng Anja sa takot at gulat. Sinubukan kong hawakan si Kaius. "Kaius, anong ginagawa mo?!"
Ngunit dalawang mga braso ang pumigil sa'kin at hinila ako palayo. Si Cian. Tinutukan niya ako ng baril sa templo.
"Wag kang mangialam, Reyna." bulong ni Cian sa aking tenga.

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...