࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Kinakati na ang mga binti ko sa matataas na damo habang naghihintay sa kakahuyan ng hardin sa palasyo. Ngunit hindi ko alintana iyon. Damang-dama ko ang bigat at takot sa mangyayari mamaya. Ang buhay ko ay tuluyan nang magbabago ngayong ipapadala nila ako sa Anja. Para sa isang responsibilidad na pinataw nila sa'kin. Ay hindi... parusa. Parusa iyon na binalot nila sa matatamis na salita.
"Freja," bulong ng isang boses at agad akong napalingon.
Dumating si Alexis sa aming tagpuan at mahina niya akong tinulak sa puno upang angkinin ang mga labi kong hahalikan na ng ibang lalaki mamaya. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat, ngunit hindi ko siya pinigilan o itinulak palayo. Puno ng pagmamadali ang halik niya... ang aming huli. Bawat balik ay may init at tamis at desperasyon; pinupunan ang mga takot na hindi namin masabi. Binaybay ng mga kamay niya ang aking leeg pababa sa balikat, braso at bewang.
Ang una kong pag-ibig. Nangilid ang mga luha ko sa naisip. Sa maraming taon na ako'y mag-isa, tanging si Alexis ang naging sandalan ko sa malungkot na palasyong ito, ang taong nagpakita ng totoong kabaitan sa'kin. Ngunit matagal ko nang alam... na ang mga katulad kong manika ay ginawa lamang upang mapaglaruan ng may kaya.
Nang kumalas siya'y dinikit niya ang noo sa'kin.
"Umalis na tayo dito. Sumama ka na lang sa'kin. Wag kang pumayag sa gusto nila," sabi niya sa isang bulong. Ngunit wala nang magbabago.
Wala nang makakapigil sa mangyayari. Dahil kahit umalis kami dito ay saan kami pupunta? Kapag nahuli kami ay tatanggalan ako ng titulo at papatawan si Alexis ng kamatayan. At ayoko... ayokong may mamatay nang dahil sa'kin. Lalong lalo na siya.
"Hindi pwede," sagot ko. "Ito ang tungkulin ko bilang prinsesa."
May sakit sa kanyang mga mata. "Kung gayon, papayag ka na lang na ipakasal ka nila sa lalaking hindi mo mahal? Sa isang halimaw?"
Pumikit ako at isang luha ang nakatakas. "Wala akong magagawa."
"Meron! Binibigyan na kita ng pagpipilian. Tumakas na tayo dito habang may oras pa. Hahanap ako ng paraan pagkatapos. May mga kaibigan ako. Pwede nila tayong-"
"Alexis," iyak ko. Natigilan siya sa pagsasalita.
Hinaplos ko ang kanyang pisngi. Ang una kong kaibigan at ang unang taong aking inibig. Ayokong sabihin 'to sa'yo, pero kailangan. Sana'y malaman mong pati ang puso ko ay nabibiyak sa ating pagtatapos ngunit ito ang dapat. "Hindi na tayo magkikita pa. Hindi na kita maaaring maging kaibigan."
"Freja, pakiusap-" Kinuha niya ang aking kamay at nilagay doon ang isang kwintas na may disenyong rosas. "Piliin mo ako..."
Sa ibang buhay, siguro ay um-oo ako, kinuha ang kanyang kamay at tumakbo mula roon. Pero iwinaksi ko ang kanyang kamay, at kasabay ng pagdapo ng kwintas niya sa damo ang pagbagsak ng aking huling luha. "...Matagal na natin dapat tinapos ang anumang meron tayo. Isa akong noble, at ikaw ay isang hamak lang na hardinero." Niyukom ko ang mga palad sa rahas ng aking mga salita. "Hindi ikaw ang nababagay na tumayo sa aking tabi. Paalam."
At ako'y lumisan, palayo sa kaibigan kong nakagisnan ng halos limang taon, ang tanging naging kaibigan ko sa palasyo. Patawad, Alexis. Ngunit noon pa man ay hindi ako ang may hawak sa sarili kong buhay.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Kung may maipagpapasalamat akong bagay sa aking parusa, ito ay kasama ko pa rin ang aking lingkod na si Ria. Pagkarating ko sa silid matapos ang pagkikita namin ni Alexis ay agad niya akong pinaliguan at binihisan ng berdeng bestida. Tinrabaho niya ang aking mukha, pinagmumukha akong isang tunay na prinsesa ng Khragnas.
![](https://img.wattpad.com/cover/73983023-288-k846468.jpg)
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...