࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
t r y s t a n
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Hinatid kami ni Kaius sa silid ni Sigrid, dala-dala ang mga Elite niya. Nasa tabi niya si Cian na kanina pa nag-aalala sa pagkatahimik nito. Ako naman ay nag-aalala kay Sigrid na nakatingin lamang sa mga sapatos niya habang naglalakad. Talagang naapektuhan sila ng ginawa ni Haring Jiro—ibig kong sabihin, ni Jiro kanina.
Kung nasa panig pa ako ng Haring iyon ngayon, siguro'y hindi ganito kabigat ang nararamdaman ko. Iisipin ko pa ngang nararapat lang iyon dahil kaaway sina Kaius ngunit ngayon—
Ngayon wala akong maramdaman kundi pandidiri sa ginawa niya.
Mga bata ang laman ng barkong iyon. At wala niyang awang pinagpapatay ang lahat. Mula pagkabata namin ni Jiro, alam ko na ang ganitong ugali niya. Kung napakalambot ni Sigrid, siya namang sing-tigas ni Jiro. Wala siyang pakakawalang kaaway. Isa siyang malupit na prinsipeng hinubog para maging isang Hari.
At nakita ko iyon—nang sarili kong mga mata.
"Aasahan ko kayo sa pulong bukas," tahimik na sabi ni Kaius, mata'y tila walang pokus sa'min.
"Patawad, ngunit sinong tinutukoy mo?" tanong ni Sigrid.
Si Cian ang sumagot sa kanya. "Ikaw at ang iyong Grand Knight."
"Oh." Kumurap-kurap si Sigrid at tumingin sa'kin. "Um, ibig sabihin...Tutuloy si Trystan sa kwarto ko?"
Nagwasiwas ng kamay si Kaius na parang wala lang sa kanya iyon. "Bahala kayo. Wala akong pakialam sa relasyon niyo. Kung may kailangan kayo, tawagin niyo ang mga lingkod."
At saka siya tumalikod, sinusundan ng mga kawal niya. Tatlong Elite ang naiwan sa pintuan ng silid namin ni Sigrid at binigyan kami ng tingin na nagsasabing pumasok na kami. Wala akong nagawa kundi sumunod.
Umilaw agad ang aranyas pagpasok namin na tila naramdaman nito ang aming presensya at nakita ko ang mas nakakamangha. Malaki ang kwarto na binigay nila para sa Emperatris at magarbo. May banyong malaki at may balkonahe. Nang buksan ko ang isang maliit na pintuan sa kwarto ay nalaman kong isa itong lagayan ng mga damit na pwede mong lakaran—parehong akin at kay Sigrid. Ngumisi ako. Pinlano ni Kaius ang lahat ng 'to? Para sa'min?
Bumalik ako kay Sigrid na ngayo'y nakaupo sa taas ng magarang kama, yakap ang mga tuhod. Hinaplos ko ang kanyang buhok.
"Wag mo nang masyadong isipin. Lalo lang sasama ang pakiramdam mo," bulong ko. Ngunit tumitig lamang siya sa kawalan, kasabay ng mga luha. "Sigrid, pakiusap."
"Naging bulag ba ako para hindi makita ang ganitong parte ni Kuya?"
Marahas niyang pinahid ang mga luha.
"Ganito ba talaga siya kasama para subukan kang ipapatay, para itakwil ako, para patayin ang mga batang iyon?" palakas ng palakas ang boses niya. At tinanggap ko ang bawat sama niya ng loob. "Siguro nga alam ko na noon pang pagkabata, noong walang awa niyang ipapatay ang mga pusa ko para lang hindi ako magkasakit, noong tinanggalan niya ng titulo lahat ng mga lalaking nagkakagusto sa'kin—"
Pinigil niya ang hininga upang wag humagulgol.
"—Alam ko nang malupit siya, ngunit tinakpan ko ang mga mata ko dahil nais kong maniwala...na dahil mahal lang niya ako kaya siya ganun. Nagkamali ba ako, Trystan?"
Hinila ko siya palapit at niyakap niya ako nang mahigpit.
Pinatahan ko siya, haplos ang kanyang likod.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...