Dumating na ang imbitasyon kay Emily, at sigurado siyang may pinadala rin si Kaius para kay Jiro. Inikot niya sa kanyang mga kamay ang makinis na papel na may gintong laso—ang naglalaman ng mensahe ng kapalpakan ni Freja at Anwen.
Dalawa lang ang ibig sabihin nito, hindi sila nagtagumpay o bumaliktad na sila. Wala na din ang hardinerong ipinangta-takot niya kay Freja.
Ang malawak na silid ng korte sa kabila kung saan naroroon ang mga pinuno ng bawat bahay ay maingay sa pagtatalo sa tamang gagawin. Nais niyang puntahan ang mga iyon at sigawan sila upang tumahimik.
"Pupunta ba kayo, Kamahalan?" tanong ni Rhaine sa kanyang tabi.
Hinilod niya ang templo. Ang magagandang mata ay puno ng galit. "Hindi. Ang pagdalo ko sa seremonyas na iyon ay magiging simbolo na kinikilala ng Khragnas ang 'bagong Anja' na sinasabi niya." Pinunit niya ang imbitasyon hanggang maging pira-piraso na lang ito. "Nababaliw na ngang talaga si Kaius kung iniisip niyang mapayapa ang magiging proseso nito."
Hindi papayagan ng Emperador ang paghihiwalay ng Anja sa Trinidad.
Magkakaroon muna ng madugong gyera bago matupad iyon.
"Paano si Binibining Freja at Anwen? Magpapadala ba tayo ng tao para kunin na sila?" tanong muli ng kanyang Grand Knight.
Malamig ang tingin ni Emily. "Wag na. Sigurado akong mauuwi din naman ang lahat sa digmaan kaya mamamatay din sila. Wala silang kwenta."
Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa trono at bumaba sa mga baitang.
"Ngayong pumalpak ang plano, kailangan na nating paghandaan ang susunod na hakbang—"
Napahawak siya sa kanyang ulo sa sobrang sakit nito.
"Kamahalan!"
Nasalo siya ni Rhaine bago siya gumulong pababa sa mga baitang. Ngunit hindi pa rin natigil ang sakit na bumabasag sa kanyang bungo. Sumigaw siya at nagpalahaw ng iyak habang humihingi naman si Rhaine ng tulong.
Sa mga mata niya'y dumaan ng mabilis ang iba't-ibang imahe.
Tawanan, tatlong babaeng bata, damo at araw at hardin ng mga bulaklak, mga kamay nilang magkakahawak habang naglalaro, pangako, mga salitang hindi malinaw.
"—ipangako niyo—"
"—na hindi tayo mag-aaway para sa trono—"
Imahe ng isang kapatid. Gayong wala naman siyang kapatid.
Imahe ng isang kaibigan. Na ngayo'y pinagkanulo niya sa kamatayan.
At huli, imahe ng isang malabong mukha ng babae na palapit sa kanyang mukha, binubulong ang mga salitang, "Patawarin niyo 'ko, Prinsesa. Kailangan kong gawin 'to. . . mga ala-ala mo. . ."
Ang sigaw niya bago siya hinawakan nito sa noo.
"Tama na—Tama na," iyak ni Emily.
Dumating ang mga lingkod.
Sumakit ang ulo niya hanggang sa wala na siyang maramdaman.
Isang luha ang tumulo sa pisngi niya. At nawalan siya ng malay.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...