Isang sayawan ang naganap sa Galeon bilang selebrasyon ng maraming rason. Una'y ang pag-alala sa pag-iisang dibdib ng Emperatris at ni Kaius, pangalawa'y pagpapakilala kay Freja bilang opisyal na konsorte, at pangatlo ay pagdiriwang sa pagkaligtas ni Dominic. Naroon pa ang lahat ng mga Bahay ng Korte bilang respeto sa isang linggo matapos ang kasal. Ngunit sa gabing iyon, walang saya sa buong Anja.
Nais nang maghiganti ng mga tao.
Nais na nilang lumaban.
Nakarating sa mga telebisyon nila ang balita-- lahat ng mga Anjan na makikita sa Meriga ay hinuhuli at binibitay sa publiko. Walang anumang awa. Ang Khragnas ay tahimik, tila walang anumang ginagawa si Emily. Ilang linggo nang tahimik ang Khragnas at mas lalo lang itong nagpapakaba sa mga Kaian.
"Nagpaplano na ang mga Khragna. Isang malaking paglusob."
"Kakayanin ba natin? Rinig ko'y muntik nang masira ang pader nung huling pag-atake. Isang armada pa lang iyon. Paano pa kung-"
"Isang kabaliwan. Konsorteng Khragna, Emperatris na Merigan. Anong susunod?"
"Ni hindi tunay na anak ng Emperador ang prinsipe."
"Dapat lahat din ng ibang lahi sa Anja ay ibitay!"
Galit na nanunuod ang mga tao sa malaking screen sa kapitolyo, nakasentro sa pagbaba ng Emperador sa hagdan ng bulwagan. Malamig ang mga mata nito na tila alam ang kanilang nararamdaman. Sa totoo lang, pormalidad lamang ang sayawan. Dahil tulad ng mga tao, galit rin si Kaius.
Ngunit matalino siya upang isipin na hindi lahat ng bagay ay minamadali.
"Ang Emperatris Sigrid ng Emperyong Kaian!" anunsyo ng lingkod. At bilang pagmamahal ni Kaius kay Freja, ipinasabay niya ang pagbaba ng dalawa. "-at ang Konsorteng Reyna, Dukesang Freja ng Einar."
Pumalakpak ang lahat ng mga noble na naroon habang pinapanood ang dalawang babaeng bumaba sa engrandeng hagdan, tungo kay Kaius na naghihintay sa kanila sa baba. Suot ni Freja ang puting bestida at itim na korona, habang kay Sigrid naman ay itim na bestida at dyamanteng korona-dalawang beses na mas malaki sa konsorte. Ngunit wala ito kay Freja.
Kumunot ang maraming noo dahil sa normal na sitwasyon, hindi binibigyan ng korona ang konsorte o sumasabay sa pagpasok ng Emperatris. Malinaw lang ang ibig sabihin nito, na pantay ang estado nila ni Sigrid.
Wala nang hihilingin pa si Freja.
Masaya ka na? sabi ni Sigrid sa utak niya.
Ngumisi ang dalaga. Higit pa sa masaya.
Bumukas muli ang mga pinto at bumungad ang batang may pilak na buhok, suot ang munting korona na para sa isang prinsipe. Tulad ni Kaius, may kakaibang lamig sa kanyang ekspresyon at tindig kahit pa sa murang edad nito.
Ipinroklama ang kanyang pangalan at lahat ng mga mata ay sabik na tumanaw sa kanya; ang batang nakaligtas, ang prinsipe na ngayon, sumisimbolo na mabubuhay ang Anja sa kahit anong pagpapahirap ng Trinidad.
"Ang Mahal na Prinsipe ng Emperyo at Korona, Prinsipe Dominic!"
Bumaba siya sa mga siguradong hakbang, matatag sa kanyang sariling mga paa. Lahat ng mga noble ay nakatingin. Hindi siya mababasag ngayon. Dala ang mga ala-ala ng mga magulang na binitay, ang mga magulang niyang ginawa ang lahat upang makasakay siya sa barko, ang mga magulang niyang nagpaiwan sa Meriga upang siya'y makaligtas.
At ngayon, patay na sila. At dinaya niya ang Kamatayan.
Upang ipaghiganti sila.
Tumayo siya sa harap ni Kaius. Sa kanyang likod, ang Emperador; sa kanyang bawat gilid ay ang dalawang pinakamataas na babae sa emperyo. Magkakasama, sila'y bumuo ng isang hugis krus.
"Maraming salamat sa pagpapaunlak niyong lahat," anunsyo ni Kaius. "Masaya ako sa pagtanggap niyo sa aking pamilya."
Sa gilid ng bulwagan, nangiwi si Alexis. Hindi niya matanggap na pumayag si Freja na maging konsorte. Ganito na ba kababa ang tingin niya sa sarili? Ngunit sa ilalim nun, kumukulong selos. Bakit ganito na lang niya ako kadaling ipagpalit? Bakit?
Ako, na matagal na niyang kilala kesa sa lalaking iyon.
"Wala ako rito upang magsaya," pagpapatuloy ni Kaius, ang boses niya'y umaabot sa mga tao sa kapitolyo. "Nagdadalamhati ako sa pagkamatay ng maraming anak; mga batang hindi na makakasamang muli ng kanilang pamilya. Mga inosenteng buhay na kinuha ng Meriga! At hindi lang iyon-" Tinaas niya ang kamao. "-kundi ang mga Anjan na pinapatay nila sa kanilang lupa!"
Sumigaw ang mga tao sa kapitolyo, puno ng galit, sang-ayon sa bawat salita.
Si Freja ang sumunod. "Kaya naman, hindi kami makakapayag na magpatuloy ito. Maghihiganti tayong lahat at sasama kami sa inyo."
Tinaas ni Sigrid ang noo. "Itinatakwil namin ang pagiging Khragna at Merigan sa pandidiri sa kanilang mga ginagawa! Kaming dalawa ni Freja, ay mga Kaian na simula ngayon, at ipinapangako namin sa inyo...na pagbabayarin namin ang mga maysala!"
Pumalakpak ang lahat ng mga tao. Si Trystan ay taimtim ang tingin sa nangyayari, gayundin sina Ban at Ekko. Ang mga tao sa kapitolyo ay naghiyawan sa pagkasabik, tila naroon din sa Galeon kasama sa pagdiriwang.
Nagsalita si Dominic, ang boses ay parang sa prinsipe. "Kaya samahan niyo kami dahil kailangan namin kayo sa hakbang na ito. Kami ang krus ng emperyong ito-" mas nilakasan niya, tila nagsasaboy ng gasolina sa apoy. "-at kami ang maniningil ng mga kasalanan nila!"
"Mabuhay ang emperyong Kaian!"
"Mabuhay!"
At nagpaulit-ulit iyon, malapit hanggang sa malayo. Kumalat mula Galeon hanggang kapitolyo hanggang sa malalayong bayan ng Anja. Bawat tao, bawat sundalo, bawat sawing puso, bawat nagluluksang kaluluwa.
Ngunit naputol ang lahat ng pagbubunyi-
Dahil ang bawat screen ay nag-iba.
Isang tawa ang umalingawngaw sa buong bulwagan at nahintakutan silang lahat. Nanlamig ang buong katawan ni Freja. Napaatras si Sigrid at napauwang ang bibig ni Kaius. Napakasama ng halakhak na iyon na nagdala ng kilabot sa lahat.
"Imposible," bulong ni Freja, nanginginig ang mga kamay.
Si Ria, na nasa mga anino ng poste ay tumango. Alam na niyang mangyayari ito.
"Naglalaro pa rin kayo sa kalokohang ito, kita ko." sabi ng lalaking matanda sa screen. "At ngayon, bumuo ka na ng emperyo kasama ng mga traydor, huh?"
Ang Emperador ng Augustine.
Si Emperador Armand. Ang aking ama.
Buhay siya.
"Paano...?" Tumingin sa'kin si Kaius ngunit sa mukha ko'y alam niyang wala rin akong sagot doon. Paano siya nabuhay? Ang ala-ala ko'y perpekto- Alam kong namatay na siya doon. Pero-
"Nagbalik na ako," halakhak nito. "At ako ang pakong magdadala sa inyo sa kamatayan."
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...