"Tapos na ang paglalaro. Dudurugin ko na lang kayo nang matapos na ang katatawanan na 'to." Tumawa ang Emperador, isang nakakasukang tunog sa mga tenga ni Freja. Hindi niya kayang paniwalaan. Siguro'y isa lang itong biro.
Hindi siya ang ama nito.
Tinitigan niya ang mga mata ni Armand—na tila nakatitig din pabalik sa kanya. Puno ito ng mga ideyang hindi nila magugustuhan. Malupit, matigas, at walang awa.
"At pagkatapos, lahat ng mga tumatawag sa sarili niyong Kaian—lahat kayo'y unti-unti kong papatayin hanggang wala nang matira sa pamilya niyo. Babanlawan ko ang buong Anja ng dugo niyo nang malinisan ito ng mga kasalanan. Wawasakin ko kayo na parang ipis. Ako lang ang Emperador sa lahat—at wala nang iba."
Pagkatapos nun ay nagbalik ang screen sa mukha ni Kaius.
Nakatulala sa sahig at hindi makapaniwala. Umingay sa buong bulwagan, pati na sa kapitolyo. Lahat ng tao ay natataranta. Hindi makapaniwala sa nakita.
Buhay ang Emperador na kinatatakutan ng lahat.
Mas kinatatakutan pa kesa kay Kaius.
At si Kaius...
Agad siyang hinarangan ni Sigrid upang hindi makita ng lahat ang itsura nito. Nahahalata ang takot sa kanyang mukha at hindi hahayaan ni Sigrid na masira ang reputasyon ng Krus. Ang Krus na magsasagip sa kanilang lahat.
"Katahimikan!" malakas na anunsyo ni Ban. Suot ang uniporme ng Heneral ay matapang itong humarap sa lahat ng naroroon, katabi ni Cian, Trystan at Anwen.
Hinawakan ni Freja ang nanginginig na mga kamay ni Kaius, dahil—una, natatakot rin siya, pangalawa ay upang ipaalala niya sa binata kung ano siya. Isang Emperador na kailangang mamuno.
"Hahayaan niyong takutin kayo ng isang matanda?!" sigaw ni Ban. Natahimik naman doon ang mga noble. "Mahiya kayo! Hindi na kayo mga Anjan! Tinalikuran niyo na iyon hindi ba?" Tinaas niya ang isang kamay at tumuro sa itim na bandila nila—iyong may ahas. "Isa na kayong Kaian—malakas, makamandag, hindi magpapatalo!"
"Tama," sang-ayon ni Dominic. "Kung ngayon pa lang ay natatakot na kayo, bakit pa tayo naglolokohan dito? Sana'y sumuko na lang tayo sa paa nila. Ngunit hindi! Alalahanin niyo ang mga pinatay nila! Alalahanin niyo lahat ng kinuha nila sa'tin! Sabihin niyo sa'kin kung hindi natin sila dapat ipaghiganti!"
Nagising naman doon si Kaius at nagpapasalamat siya na ang prinsipe na pinili niya ay mas matatag pa kesa sa kanya. Nahiya siya sa sarili, dahil pinangunahan siya ng mga ala-ala—kung paano tinalo ng Emperador ng Augustine ang mga plano niya noon.
Kung paano siya nito nautakan.
Hindi niya na hahayaan iyon muli.
"Lalaban tayo!" Umalingawngaw ang boses ni Kaius sa lahat. Mga mata'y dumako sa kanya, hinihintay ang huling proklamasyon nito. "Lahat ng taong nais sumama sa laban ay magpalista na sa pwersa. Pagkatapos ng linggong ito—"
Hinigpitan niya ang kapit sa kamay ni Freja.
"—Makikipagdigma tayo sa Meriga!"
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Kinabukasan ay may kakaiba sa ere ng Galeon. Lahat ay may pupuntahan na destinasyon. Lahat ay abala. Marami sa mga lingkod ay idinestino sa paghahanda ng mga uniporme ng kawal at paglilinis ng mga armas kesa sa pag-aasikaso ng palasyo. Wala na rin kasing masyadong aayusin dito dahil inasikaso na ni Sorina.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...