࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
k a i u s
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Lumipas ang isang linggo ng preparasyon at dumating na nga ang gabi ng seremonyas na hinihintay ng lahat.
Suot ang magarbong uniporme ng Hari ay lumabas ako mula sa aking silid habang sinusundan ng mga lingkod. Sa aking gilid ay ang espada at baril ko, sa aking ulo ay ang korona. Binati ako ni Cian paglabas at sabay kaming naglakad.
"Handa ka na ba, Kaius?" tanong ni Cian na nakangiti. Kita kong sabik na siyang mapanood ang pagbabagong mangyayari mamaya. "Sa wakas ay narating na rin natin ang matagal nating pinaghahandaan."
"Simula na ito." Tumango ako at kahit ayaw kong aminin, ay kinakabahan ako sa mangyayari mamaya. Ngunit sa kabila nun ay masaya pa rin ako, dahil isang hakbang na ito tungo sa aming pinangarap na mundo. "Magsaya na lang tayo pagkatapos. Hangga't hindi napipirmahan ng mga pinuno ang konstitusyon ay hindi pa ito tagumpay."
Ngumisi lamang si Cian. "Hindi niyo na kailangang mamorblema. Lahat ng pinuno ng Anja ay pipirma, sigurado."
Tumanaw ako sa malalaking bintana na aming nadadaanan.
At sa labas nga ng palasyong mansyon ay sari-saring sasakyang magagara ang pumarada sa entrada. Isa-isang lumabas ang mga opisyal suot ang kanilang pormal na kasuotan–mga matatandang suot ang sambalilo, mga binatang may kadikit na mga binibini, mga matatapang tingnan na babaeng gobernador. Iba't-ibang mukha at personalidad ng Anja–lahat ay naroon upang tunghayan ang pagtatatag ng bagong bansa nila.
Nagkasalubong kami ni Ban. May ngiti itong iba sa seryoso niyang mukha at nakaayos nang elegante ang kanyang buhok. Makinis ang mga medalya sa kanyang uniporme.
"Kamahalan," yuko niya. "Handa na ang lahat."
Makahulugan ang tingin namin. Nagtaas ako ng noo. "Hindi natin alam ang pwedeng gawin ng mga kaaway ngayon. Nakukutuban kong...may hakbang sila ngayong gabi. Mabuti nang handa ang lahat."
"Tama kayo," sagot ni Ban at nauna na sa kanyang pupuntahan.
"Kung gayon, walang pupuntang kahit sinong representante mula sa Khragnas at Meriga?" tanong ni Cian.
"Wala," ngisi ko. "Sigurado akong tinapon lang nila ang imbitasyon. Kung pupunta sila'y inaamin na nila ang kanilang pagkatalo." Naglahad ako ng kamay. "Ang mga katulad ni Jiro at Emily ay mataas ang tingin sa sarili. Pero hindi sila tanga. Gagawa sila ng paraan upang sirain ang seremonyas na ito kaya talasan mo ang mga mata mo."
Tumango si Cian, naiintindihan ang panganib ngayong gabi.
Nagpatuloy kaming maglakad hanggang sa marating na namin ang huling pasilyo na babaybayin. Ngunit natigil ako sa paglalakad nang makita ang ginang sa kabilang dulo.
Suot ang isang itim na bestida at napapaligiran ng mga lingkod ay si Dukesang Avis. Nakita niya ako at nagtama ang aming mga mata. Hindi ko alam kung bakit tumaas ang mga balahibo ko, ngunit sinumang tumingin sa kanya'y makikita ang mabait nitong mukha. Iniling ko ang aking ulo, sinabi kina Cian na mauna na sila at lumapit upang batiin ang dukesa.
"Kamahalan," yumuko siya nang elegante, tulad na tulad ng isang dukesa.
"Mag-angat kayo ng ulo. Ako dapat ang nagbibigay galang sa inyo."
Ngumiti nang malapad ang dukesa. "At bakit naman, Kamahalan?"
"Dahil kayo ang nagpalaki kay Freja. Hindi po ba?" pinilit kong ngumiti bilang paggalang. "Naikwento niya kayo kahapon. Sabik na sabik siya nang malamang pinaunlakan niyo ang aming imbitasyon."

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantastik♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...