࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Hindi ko alam ang aasahan ko pag nakita ko si Kaius. Ni hindi ko pa nga nakikita ang itsura niya kaya naiwan na lang ako sa aking imahinasyon. Hindi sa nais kong isipin ang mamamatay-taong 'yun.
Palagay ko'y taglay niya ang makakapal na kilay at nakakatakot na mga matang tila nakalubog sa kanyang mukha, itsurang bagay na bagay sa kanyang reputasyon. Kapag nagsalita siya, siguro'y may dila ng ahas na lalabas sa bibig niya. May balbas? Oo, may balbas. Ang mga aktor na kalaban ay laging may balbas, diba? Tama, tama.
"Binibini, ayos lang ba kayo?" tanong ni Ria. "Nahihilo ba kayo sa sasakyan?"
"Huh? Ah- Ayos lang ako," sagot ko.
Sana nga, ayos lang ako. Wala akong intensyong makita si Kaius pagdating ko dahil mapipilitan akong tanggapin na totoo ang lahat. Na ito na ang magiging buhay ko. Na may misyon akong patayin siya.
Panginoon, ayokong pumatay...
Nabalot ng isang nakakasukang sensasyon ang aking lalamunan sa mga naiisip habang nakatitig sa aking mga kamay. Mga kamay na kailan lang ay humaplos kay Alexis; mga kamay na ngayon ay hawak ang buhay niya.
"Handa na ba ang silid ko? Nais kong magpahinga agad-agad."
"Handa na po ang lahat."
Nakikita ko na ang Galeon sa labas ng bintana ng sasakyan; isang mala-palasyong mansyon na maliwanag sa gitna ng gabi. Tila ba isang bituin sa lupa. Kayganda-- isang kulungan o kabaong na naghihintay sa aking pagdating.
Pumarada ang sasakyan sa entrada at nakita ko ang linya ng mga kawal sa kanilang makinang na armor at mga lingkod na may itim na kurbata.
"Maligayang pagdating sa Anja, binibini!" bati ng isang payat na lalaki. Mukhang isa itong opisyal.
Nakaramdam ako ng takot. Baka paparating na si Kaius upang salubungin ako. At hindi iyon maaari. Bukas ko pa siya handang harapin.
"Pasensya na, ngunit nais ko nang tumungo sa aking silid," nagmamadali kong bulong. Tumango ang payat na opisyal at hindi na kinwestiyon pa ang hiling ko.
Umapak na ako papasok sa mansyon at sa malaking hagdanan ay nakita ko ang isang maputing lalaki, magara ang suot at seryoso ang mukha na pababa.
Kaius.
"Binibini!" tawag ni Ria nang bigla na lang akong tumakbo at lumiko sa isang pasilyo. Hindi ko sila nilingon. Basta't tumakbo na lang ako, hakbang pagkatapos ng hakbang, para hindi makita ni Kaius.
Ayoko ayoko ayoko.
Gabay ng mga ilaw na malamlam ay nagpaikot-ikot ako sa mga pasilyo hanggang sa marating ko ang isang hardin. Maraming nakatirik dito na mga pader na hinahagkan ng mga bulaklak at tuyong ugat. Sa gitna ay isang matayog na punong namumunga ng mga puting bulaklak. Nakalimutan kong tagsibol nga pala ngayon. Sa isang sandali ay nakalimutan ko ang aking mga takot at tumayo lamang upang mamangha.
Buti na lang at walang tao sa gawi na ito. Nakahinga ako nang maluwag. Kung palalagpasin ko ang mga oras, siguro ay mapapagod itong maghintay sa aking pagbati.
Naglakad pa ako papasok ng labirinto ng hardin, at natigil sa isang fountain na may estatwa ni Reyna Agatha. Kumikislap ang tubig na lumalabas mula sa banga na kanyang tangan.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...