Sinusundan ng mga kawal at lingkod niya'y tumungo si Sigrid kasama ni Trystan at Jiro sa mga kulungan. Hindi siya mapalagay. Alam niyang gagamitin siya ng kuya niya upang malaman kung nagsisinungaling o hindi si Cian at Anwen.
Si Trystan lang naman ang nakakaalam ng kapangyarihan niya, pero pakiramdam niya'y alam na rin ito ni Jiro. Ngunit baka naman nag-iisip lang siya masyado. Imposibleng malaman ni Kuya ang tungkol dito.
Dumating sila sa isang malaking selda kung saan may mesa at tatlong upuan—dalawa doon ay inuupuan ni Cian at Anwen. Ang isa sa katapat ng mga ito ay ang kanya.
"Patawad sa pagkuha ng oras mo ngayon, kapatid ko." sabi ni Jiro sa kanya. "Alam mong ikaw lang ang mapapagkatiwalaan ko sa mga sinungaling na tulad nila."
Yumuko siya. "Walang problema, Kamahalan."
Tinanggal saglit ang kuryente na harang at pumasok na si Sigrid sa selda. Nakita niya ang mga pasa at sugat sa mukha ni Cian at ang nabendahang tyan ni Anwen. Nakaramdam siya ng awa. Ngunit nanonood ang kuya niya, hindi dapat magpakita ng simpatya.
Umupo siya at hinarap nang mahinahon ang dalawang nakagapos.
"Alam ko ang pakay niyo pero hindi pa rin ako magsasalita," sabi ni Cian.
"Wala akong aaminin na iba bukod sa wala akong kaalam-alam sa plano ng Kaius na iyon," ang sabi naman ni Anwen.
Nababasa na niya agad ang nasa utak nilang dalawa.
Tss. Bakit siya ang magtatanong? Akala ba nila aamin ako sa prinsesang 'to? Sino ba siya? ang isip ni Cian.
Bakit ba ayaw nilang maniwala sa'kin, isip ni Anwen.
Huminga nang malalim si Sigrid habang tinitingnan ang dalawa.
Hindi na siya nagpaligoy-ligoy.
"Alam niyo na siguro," panimula niya. "na kayo'y paparusahan ng kamatayan bukas. At kung hindi kayo makikipagtulungan sa amin, wala nang tsansang masagip kayo sa tadhanang iyon."
Suminghal si Cian sa kanya. "Kahit naman makipagtulungan kami sa inyo, kamatayan pa rin ang kahahantungan namin! Wag mo na kaming lokohin gamit ng mababait mong salita!"
Kinusot ni Sigrid ang bestida sa ilalim ng mesa.
"Kung magbabalik-loob kayo sa Trinidad at isumpa ang katapatan niyo—"
"Ang katapatan namin ay sa tanging sinumpaan lang," sagot ni Anwen. "At sumumpa na ako kay Binibining Freja. Hindi na iyon mababawi pa!"
Tumpak mo, isip ni Cian, patukoy sa katabi niya saka sinamaan ng tingin si Sigrid. Nagpatuloy ang prinsesa. "Nasaan sila? Nasaan ang dalawang iyon?"
"Huh! Malay ko," aroganteng sagot ni Cian.
"Hindi ko alam," sagot naman ni Anwen. "Noong isang araw ko pa sinasabi!"
Tiningnan ni Sigrid si Anwen at nalaman niyang wala nga talagang alam ito kung nasaan ang dalawa.
Pero si Cian...
Gamit ng kapangyarihan niya'y pinasok niya ang isip nito. Hindi iyon ordinaryo sa kapangyarihan niya kaya mas matindi ang konsumo nito sa kanyang lakas. Hinanap niya sa utak ni Cian ang sagot at halos maramdaman niya ang mga harang dito. Tila pinipigilan siyang makapasok.
Ngunit nahanap niya.
Sa gitna ng gubat sa silangan ng Caerin, isang kampo. Doon ang lugar na tatakbuhan ng mga makakaligtas kung sakaling palpak ang maging plano ni Kaius.
Doon marahil nagpunta ang dalawa.
Kung buhay pa nga sila.
"Oh bakit natutulala ka lang dyan ha?" simangot ni Cian sa prinsesa.
Kumurap si Sigrid at huminga nang malalim. Saglit na namuti ang paningin niya. Niyukom niya ang mga palad at pinilit na magpokus. "Tatanungin kita ulit. Nasaan silang dalawa?"
"Umalis ka na," sagot ni Cian. "Wala akong ibibigay na sagot."
Tumayo si Sigrid at tumingin kay Jiro na nagbabantay sa labas.
"Salamat sa oras niyo," sabi niya sa dalawang preso at lumabas na sa selda.
Nang makaharap niya ang kapatid niyang Hari ay kagat niya ang labi. "Kamusta?" tanong ni Jiro. "Nakuha mo ba ang sagot?"
Sa gitna ng gubat sa silangan ng Caerin, isang kampo.
Pinaglaruan niya ang mga daliri at buong tapang na tiningnan si Jiro sa mga mata. "Hindi Kuya, patawad. Totoo ang sinasabi nila—Hindi nila alam."
Nakita niya ang gulat sa mga mata ng kapatid ngunit kailangan niyang titigan ito, dahil kung binaba niya ang tingin ngayon, malalaman nitong nagsisinungaling siya.
"Ganun ba," bulong ni Jiro. "Salamat, Sigrid. Pasensya na sa abala."
"Walang anuman," sagot ng prinsesa. "Maaari na ba akong bumalik sa silid?"
"Oo naman," ngiti ng kapatid.
Tumalikod na siya at nanginginig na naglakad palayo. Bago iyon ay nakita niya ang mukha ni Trystan, at ang nakakunot nitong noo na tila tinatanong siya—
Bakit ka nagsinungaling?
Sa isip ni Sigrid ay nagwawala na siya. Ito ang unang beses na nagsinungaling siya sa kuya niya. Isa na ba siyang traydor?
Pumikit siya.
Tinago mo ang sikreto namin, Kaius.
Nabayaran ko na ang utang namin sa'yo. Itatago ko din ang sikreto mo.
Ngayon lang.
"...Ngayon lang," bulong niya.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...