࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Hindi pa rin bumababa ang lagnat ni Kaius.
Buong gabi akong hindi nakatulog dahil kailangan ko siyang bigyan ng init. Wala akong pantaklob na pwede kong ikumot sa kanya at isa pa, nilalamig din ako. Hindi magtatagal ay babagsak na ang nyebe—at kapag hindi kami nakarating sa kampo ni Ban agad ay mamamatay kami sa lamig.
Kung tutuusin, dapat ko nang iwan ang masamang lalaking 'to.
Pero hindi. Nagtiim ang bagang ko at niyakap ko siya nang mas mahigpit, ang hininga niya'y nasa leeg ko. Ginagawa ko lang 'to dahil may kasunduan pa kami. Hindi siya mamamatay hangga't hindi niya inaayos ang gulong sinimulan niya.
Hindi ko maintindihan, ngunit—
Sa gitna ng gabi, tila may isang himala na naganap.
Binuka ko ang aking mga mata at sa di kalayuan ay nakakita ako ng usok at liwanag. Nilakihan ko lalo ang mga mata upang makasigurong hindi ako nag-iilusyon.
Apoy.
May taong nasa gubat tulad namin. At may apoy siya. May init. Matutulungan niya kami ni Kaius.
Marahan kong nilayo ang sarili sa lalaki at binulong sa kanyang babalik ako. Hindi siya sumagot, lumalaban pa rin sa sakit. Kinuha ko ang espada sa kanyang tabi upang proteksyon at tinawid ang sapa.
Saka ko na lang naisip na mapanganib ang ginagawa ko.
Paano kung ang taong pupuntahan ko ngayon ay isang mamamatay-tao? Paano kung isa siyang taga-ghetto?
Umiling ako. Wala nang oras para pag-isipan. Kung hindi ako hihingi ng tulong ay pareho kaming mahihirapan ni Kaius.
Gumapang ako sa mga halamanan at sa pinakatahimik kong paggalaw ay lumapit sa lugar ng misteryosong tao. Naaamoy ko ang inihaw na isda at naririnig ko ang pagkiskis ng metal sa metal.
Sumilip ako nang kaunti at nakita ang likod ng isang lalaki.
Isang lalaki sa gitna ng gubat...?
Lumipad ang isang patalim sa aking direksyon at kalahating segundo akong dumapa bago ito bumaon sa'king mukha. Kumabog ang puso ko sa takot at pinagmasdan ang patalim sa katawan ng puno sa aking likod. M-Mapanganib nga ang lalaking 'to!
"Sino ka at bakit mo ko pinapanood?"
Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses na iyon at nakita ang mukha ng isang lalaking may bandanang pula sa paligid ng ulo. Itim na buhok at asul na mga mata, isang peklat na mahaba sa gilid ng leeg—sa kanya ang mukha ng isang taga-ghetto.
Tinutok niya ang baril sa aking mukha.
Tinaas ko ang bawat kamay, ang espada'y nasa lupa. "Pakiusap," bulong ko. "Kailangan ko ng tulong. Ang kasama ko ay nilalagnat nang mataas at may sugat siya—"
"Pake ko sa kasama mo," bulyaw niya. "Tinatanong kita. Sino ka—"
Natigilan siya at unti-unting binaba ang baril. Lumuhod siya upang maging kalebel ko at halos masunog ako sa tindi ng kanyang titig.
"Freja," sabi niya, tila hindi makapaniwala. "Ikaw siguro si Freja, tama ba ako?"
Hindi ako makalunok. "Pa'no mo nalaman?"
Tumingin siya sa mga punong pinanggalingan ko. Seryoso na muli ang kanyang mukha. "Ang kasama mo, sabi mo may lagnat siya at sugat diba? Na'san siya?"
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...