Mga dalawang oras na siguro silang tumatakbo sa kagubatan–o dahil sa kalagayan ni Kaius ay mabilis na naglalakad–nang marating nila ang isang batis. Ipinaupo ni Freja ang binata sa isang trosong nakatumba at kumuha ng dahong pang-salok sa tubig. Namamanhid na ang binti ni Kaius ngunit alam niyang dapat pa silang tumuloy. Walang oras para mamahinga.
Hindi magtatagal ay maghahanap ang mga kalaban sa gubat na nakapaligid sa Galeon. At malaki ang tsansang matatagpuan sila.
Ngunit ang sugat niya...
Kinuha niya ang espada sa gilid niya at hiniwa ang pantalon upang makita nang mabuti ang sugat. Kailangang matanggal ang bala at malinisan ang sugat. Dumating sa tabi niya si Freja dala ang dahon na may tubig.
"Anong ginagawa mo?" alala niyang tanong.
Hindi nag-angat ng tingin si Kaius. "Akin na 'yan." Ibinigay naman ni Freja ang dahon at binuhos ni Kaius ang tubig sa sugat niya. Hindi siya kumislot sa sakit.
Dahil ang susunod na gagawin niya ang kailangan niyang paghandaan.
Noong pinadala siya sa ekspedisyon sa malayong Silangan, nakita niya ang isang kasama niyang natamaan ng baril sa balikat. At gamit ng mga kamay nito, inukit niya palabas ang bala gamit ng kutsilyo. Hindi siya taong-medikal pero nagawa naman niya.
Ayos na 'yun, isip ni Kaius at gamit ng dulo ng patalim ay ginawa ang pareho nito.
Sumigaw siya sa sakit at walang magawa si Freja kundi tumitig at manood. Hindi niya alam ang maitutulong. Ang bala na pinipilit ilabas ni Kaius ngayon ay ang balang dapat pumatay sa kanya. Ngunit pinili ni Kaius na saluhin ito...
Para ano?
Para sagipin ako? Hindi ba't kani-kanina lang ay handa na siyang pasabugin ako kasama ng mga pinuno ng Anja?
Huling sigaw at hinukay na ni Kaius ang bala gamit ng daliri niya. Kumuha agad si Freja ng tubig at binuhos muli sa nagdudugong sugat ni Kaius. Naapakan pa niya ang palda ng bestida kaya muntik nang madapa. Sumimangot si Freja at kinuha ang espada ni Kaius saka hiniwa ang tela ng kanyang damit.
Ang malinis na parte nito'y hiniwa pa ulit niya upang ipambalot ni Kaius sa sugat.
Mababaw ang mga hininga ay tinanggap ito ni Kaius at mahigpit itong tinali.
"Kailangan na nating magpatuloy," sabi ni Kaius at kinuha ang espada mula sa dalaga. Ginamit niya itong tungkod para maglakad.
Hindi na nagsalita pa si Freja, dahil ayaw niyang maging pabigat pa sa lalaking sumagip ng buhay niya. Pinalibot niya muli ang braso ni Kaius sa kanyang balikat at nagpatuloy sila, ginagabayan ng buwan.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Magbubukang-liwayway na nang napagdesisyunan ni Kaius na magpahinga. Nasa gitna pa rin sila ng kagubatan ngunit sigurado siyang nakalayo na sila para makakuha ng dalawang oras na tulog. Isa pa'y sumasakit na ang sugat niya nang sobra at pulso na lang nito ang nararamdaman niya.
"Mauna ka nang matulog. Ako na ang magbabantay," sabi ni Freja.
Nagulat si Kaius sa pagboboluntaryo ng dalaga ngunit hindi na kinwestyon. Sumandal siya sa puno at pinikit ang mga mata.
Umupo si Freja sa damuhan, tumalikod kay Kaius at pinatakas na ang mga luha na kagabi pa nais kumawala. Iniyakan niya ang lahat–si Anwen na siguro'y wala na ngayon, ang Emperador na kanyang pinatay, ang kanyang Ina at si Ria na iniwan niya sa kaguluhan. Ano nang mangyayari sa kanila?

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...