࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
k a i u s
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Napuno ako ng saya nang makita kong balik na muli sa masiglang sarili niya si Dean. Ngayon ay walang hiya-hiya niyang nilalantakan ang pagkain sa aking opisina. Hinayaan ko siya, tutal kagagaling lang niya sa sakit.
"Rinig kong may mga bagong teknolohiya na ah," sabi niya habang ngumunguya ng mansanas. "Ang galing naman ng Sorina na 'yon. Sayang, mas matanda sa'kin."
Natatawa akong umiling mula sa aking mesa. "Wag mo nang sayangin ang oras mo. Isang tao natin sa grupo niya ang naghayag ng nararamdaman at-"
"At?" sabik na tanong niya.
Huminga ako. "Sabi niya, 'Sige. Kung maging mas matalino ka na sa'kin'."
Lumagapak ang panga ni Dean sa sahig. "Grabe 'yun ah. Nakakamangha naman kasi ang kakayahan niya. Isipin mo na lang kung nakuha siya nila Jiro o Emily."
Sumama ang lasa sa dila ko ngunit nilunok ko iyon. Kung nangyari iyon ay baka wala na kaming tsansa. Kahit ang kakayahan namin ni Dean ay walang laban sa daan-daang mga barko at tangke nila.
"Nga pala, Kaius. Kailan ka ba kukuha ng Emperatris ha?"
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nagkibit-balikat lang ito.
"Buo na ang Konseho ng emperyo mo, kumpleto na rin ang labindalawang Bahay ng Korte, nakasumpa na sa'yo ang lahat ng mga sibiliyan at kawal ng Anja. Meron ka nang batalyon ng mga Elite at isama mo na ang grupo ni Sorina-" Kumagat siya sa mansanas. "-ngunit wala kang Emperatris."
"Ano namang masama kung wala nun?" sabi ko.
"Ano namang masama kung meron nun?" Mahina siyang tumawa. "Alam mo, siguro'y kahangalan lang 'to. Pero nakarinig ako ng mga bulungan sa korte. Maganda raw sana kung magkaroon ka ng tagapagmana."
Hindi ko napigilang mamula. Agad-agad? Iniisip na nila iyon?
Sa isang mabilis na segundo, nakita ko ang mukha ni Freja sa aking isipan. Agad kong inalis iyon. Wala pa sa ganun ang relasyon namin. Ni hindi ko nga alam kung 'may' relasyon kami. Isa pa, nagsinungaling ako sa kanya kahapon--nang itanggi kong may kakayahan ako.
Mas mabuti nang hindi niya alam. Sa ngayon, si Cian, Dean at Sorina pa lang ang nakakaalam nun. Ibilang na si Sigrid.
"Alam mo 'yun. May pagnanais ang mga tao na masigurong may magmamana ng emperyong ito. Saka, nakakatakot kang tingnan mag-isa sa trono." paliwanag ni Dean. "Makakatulong sa imahe mo ang Emperatris."
Umiling ako at sinara ang mga dokumento sa aking mesa. "Nasa kalagitnaan pa tayo ng digmaan. Saka na sila maghangad ng prinsipe kapag nanalo na tayo."
"Ooh, ang sungit. Tsk," ngiti niya. "Ngayon pa lang, hindi ko na alam kung anong magiging ugali ng anak mo kung sakali."
Natigilan ako doon.
Ang pagkakaroon ng anak... Ng anak ko. Iyon ay-
"Siguro kailangan mo ng katulad ni Sigrid para maging mabait naman ang anak mo," tawa niya. "Sa'yo magmamana ng talino pero sa kanya magmamana ng ugali."

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...