55.

271 17 7
                                    



࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

s i g r i d

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇



Binihisan nila ako sa isang itim-pilak na bestidang gawa sa mga balahibo ng ibon. Ang aking buhok ay tinirintas sa paligid ng aking ulo at nilagyan ng mga ornamentong kumikinang. Pagkatapos ay pinatungan nila ang mga balikat ko ng kapa na itim na may pilak na laso. Tila ba walang kasiyahan sa aking damit—na siyang aking nararamdaman. Ito ba ang nadama ni Freja noon?

Tila mamartsa ako sa aking kamatayan.

"Handa na ba ang aking Emperatris?"

Nagulat ako sa boses sa pintuan. Agad na nagyuko ang mga lingkod sa aking tabi. Nakita ko si Kaius, suot ang kanyang unipormeng pang-koronasyon na kakulay ng akin. Sa likod niya'y napakaraming Elite at hindi na ako nagtataka. Binigyan ko siya ng blankong tingin.

Dinala niya ang mga mata sa aking ulo hanggang paa, tila iniinspeksyon. Kinagat ko ang aking labi sa kahihiyan. Tumango siya. "Magaling," sabi niya sa mga lingkod na nag-ayos sa'kin.

Yumuko lang sila nang mas malalim, mga ngiti sa kanilang mukha.

Binalik niya ang tingin sa'kin.

"May regalo ako sa'yo," sabi niya, hindi maikakaila ang masamang plano sa likod ng tono. Bigla kong naalala ang mga nabasa sa utak nina Freja at Cian—na isang mabuting tao ang lalaking kaharap ko ngayon.

Isang mabuting tao na may itim na puso.

"Dalhin niyo siya," tawag niya sa isang Elite at hinintay ko ang sorpresa niya. At talaga ngang nasorpresa ako.

Si Trystan, suot ang uniporme ng isang knight katulad ni Cian. Tinulak siya papasok sa silid ko at nagtama ang aming mga mata. Nagmamakaawa ito at pagod na tila hindi siya nakatulog ng ilang gabi.

"Siya ang magiging Grand Knight mo," ngiti ni Kaius na tila dapat ay masiyahan ako sa desisyon niya. "At siya rin ang magiging paalala sa'yo upang wag gumawa ng maling hakbang."

Sa kamay niya'y hindi ko napansin ang isang parisukat na instrumento. Pinindot niya ito at napa-ungol si Trystan sa sakit, saka bumagsak sa kanyang mga tuhod, hawak ang kanyang leeg.

"Trystan!" Agad ko siyang inalalayan at nakita ko na—ang isang itim na band sa palibot ng kanyang leeg na may maliliit na bilog kung saan nanggagaling ang kuryente. "Anong ginawa mo sa kanya!"

"Iyan ang mangyayari sa kanya kapag may ginawa ang isa sa inyo ng kapangahasan. Naiintindihan mo ba, Sigrid?" Sinamaan ko siya ng tingin. Kung makakapatay lang ang tingin ko. "Hindi ko kayo pinagkakatiwalaan. Hangga't hindi niyo naiintindihan ang determinasyon ko, hindi ko kayo pakakawalan."

Ngumiti siya, isang kalkuladong mapanlinlang na ngiti.

"Handa ka na bang simulan 'to?"




࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

f r e j a

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇


Kumpleto na ang lahat ng bisita sa hardin kung saan gaganapin ang seremonyas. Kami'y uupo sa baba habang nasa balkonahe naman sa ikalawang palapag ng Galeon ang obispo at ang ikakasal.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon