60.

255 14 7
                                        


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

n a r a

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇


Noon, isa lang akong mensahero para sa kampo. Ngayon, ganun pa rin ngunit sa tore na ako nakapwesto—pinapasa ang mga mensahe mula sa pader tungong Galeon gamit ng transmission. Ngunit ang balita ng mga namatay na sakay ng envoy na pinasabog ng Meriga ay hindi maaaring ibigay sa mga pamilya gamit nun kaya kailangan naming ibigay ang mensahe nang personal.

Sa kapitolyo, nagtatag ng mga tolda kung saan maaaring kunin ng mga pamilya ang nakalap na mga bangkay. Sinisid ito ng mga kawal na pinadala ng Emperador ngunit marami ang hindi na matagpuan. Kung meron mang makita ay ilang parte na lang ang dating buong katawan.

Nagpuyos ang damdamin ko. Mga hayop na Merigan talaga!

"Merle po, tama?" tanong ni Ban sa isang mag-asawa na umiiyak at magkaakbay. Binasa niya ang numero ng apelyido mula sa isang clipboard. Tumango-tango naman ang mag-asawa. Numipis ang labi ni Ban. "Dito po. Kailangan ko lang kumpirmahin kung ito ang anak niyo."

Linya kada linya ng mga body bag ay binubuksan at iniiyakan at sinasarang muli upang dalhin sa mga trak. Naglabas ako ng hininga. Mabuti na lang at hindi ako tulad ni Ban na nasa rotasyon upang kumumpirma. Hindi ko makikita ang mga labi ng nasawi.

Isang grupo ng mga kawal ang nakita kong paparating.

Agad akong tumayo upang kunin ang pangalan ng paparating na body bag. Ngunit natigilan ako. Dahil hindi bangkay ang paparating—kundi isang buhay na batang lalaki.

Nanginginig ito kahit balot na balot sa maraming kumot, buhat ng isang kawal.

Binaba siya sa harapan ng mesa ko at pinaupo sa isang upuan.

"Nakita namin siya sa baybayin, walang malay." sabi ni Alexis, ang kawal na bumuhat sa bata. Kumunot ang noo ko. "Malaking himala. Nakaligtas ka." Hinaplos niya ang buhok ng bata at ngumiti dito. "Iiwan ko na siya sa'yo, Nara."

Tumango ako at ngumiti sa batang nilalamig. "Anong pangalan mo? Ilang taon ka na?"

Nahanap ako ng mga berde niyang mata. "D-Dominic. Labing-dalawa."

Isinulat ko iyon agad sa listahan. "Nasa'n ang mga magulang mo? May kamag-anak ka bang kilala sa Anja?"

"Wala," sagot nito sa maliit na boses. "Wala na akong pamilya."

Kinagat ko ang aking labi at isinulat iyon, saka kumuha ng mainit na tsokolate para sa kanya. Nang bumalik ako ay kinuha niya iyon agad. Napakagwapong bata nito. Hindi ko mapigilang kurutin ang pisngi niya.

"Sabihin mo sa'kin, pa'no ka nakaligtas sa pagsabog?"

Natigil siya sa paggalaw na tila nakaalala ng masamang panaginip. Nalaglag ang pilak niyang buhok sa mga mata. Nagsimula siyang umiyak. "Tumalon ako nang makita ko 'yung mga barko na naglalaban. Nagnakaw ako ng salbabida...at tumalon."

Lumamlam ang mga mata ko, iniisip pa lang ang paglaban niya para mabuhay. Siguro'y sobrang natakot siya.

Pinunasan niya ang mga luha. "Pinanood ko silang sumabog...Wala akong nagawa...Gusto ko silang tulungan pero wala akong nagawa..."

"Shh," kinuha ko sa kanya ang baso at nilapag sa mesa saka siya niyakap. "Ayos lang ang lahat. Nandito ka't buhay. Hindi mo sila natulungan ngunit nabuhay ka at mula ngayon, marami kang matutulungan dahil narito ka pa." Hindi talaga lahat... maswerte. Ngunit hindi ko iyon sinabi.

Nang kumalas ako ay doon ko lang nakita.

Ang isang marka ng apoy sa likod ng kanyang kanang kamay.

Isang batang Markado.

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon