࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Bago sumapit ang huling araw ng linggong ito, marami na ang naging opisyal na kasapi ng emperyong Kaian. Mga tao mula sa iba't-ibang panig ng Anja ay dumayo sa kapitolyo upang magsumite ng kanilang aplikasyon, tinatakwil na ang pagiging Anjan at niyayakap ang bagong katauhan. Ang mga nais manatiling Anjan ay binigyan ng pagpipilian—ang umanib o umalis.
Alam kong mali ito ngunit pinilit kong hindi na pansinin. Ayoko nang humanap ng dahilan para magalit kay Kaius. Tapos na iyon—Pinatawad ko na siya.
Tinanggap ko na ang bawat itim na sulok ng pagkatao niya.
At pinangako ko na sa sarili ko, tatayo ako sa tabi niya. Kahit anong mangyari.
Nagkita kami ni Ekko nang magpasa ako ng sariling aplikasyon. May ilang mga kawal na ngumisi sa aking direksyon, ang iba'y nagtataka ngunit marami ang walang pakialam. Isang Khragna na magiging isang Kaian; isang traydor sa kanyang lahi.
"Wag mo na silang pansinin," bulong ni Ekko sa'kin. "Kapag natapos ang lahat ng ito, mawawala na ang dibisyon sa mga lahi kaya magtiis na lang tayo."
Nagyukom ng palad si Anwen sa likod ko. "Minsan, ang sarap nilang turuan ng leksyon." Gaya ko, mga purong dugong Khragna rin si Anwen at Ekko ngunit hindi kasing-sama ang tingin sa kanila ng mga kawal.
"Si Ria nga pala?" tanong ni Ekko.
"Nauna na siyang magpasa ng aplikasyon kaninang umaga."
"Hindi siya masyadong lumalabas ng silid, huh?"
Tinago ko ang pagngiwi. "Hindi siya masyadong komportable sa paligid ng maraming kawal."
Ngayong mataas ang tensyon sa pagitan ng Anja at ng dalawang bansang magulang ay naka-alerto ang lahat. Puno ang Galeon ng mga kawal, gayundin ang kapitolyo. Narinig ko pa kay Anwen na naglagay na rin ng patrolya buong madamag sa mga pader, inaabangan ang anumang pag-atake.
At ang isang malaking pagbabago nitong linggo ay ang pagmo-modernisa ng Galeon. Kinailangan pa naming lumipat ng silid sa underground para lang makaiwas sa matinding ingay ng konstruksyon. At ang lahat ng iyon ay natapos ng maayos at mabilis dahil kay—
"Sorina," bati ni Ekko sa isang kayumangging babaeng paparating kasama ng ilang mga lalaking naka-salamin.
Napansin siya ng babae at ngumiti ito. "Magpapasa ng aplikasyon, eh?" Lumapit pa sila at naramdaman ko ang mga mata nito sa'kin. "Ikaw si Freja, tama ba?"
Inangat ko ang aking ulo, nabiglang kilala niya ako.
"Ang kapatid mong si Emily—" naglagay siya ng kamay sa noo. "—ay isang sakit sa ulo. Naalala ko noong may proyekto kami sa departamento at bigla na lang niyang ikinansela. Kaydaming salapi ang nasayang!"
Yumuko ako at tila naalala niya ang sarili. Tumawa siya nang mahina.
"Masaya akong makilala ka," abot niya ng kamay. Kinuha ko iyon. "Ako si Sorina, ang punong inhinyera ng Galeon."
May naging pagbabago sa hangin, o baka ako lang iyon? May kakaiba sa pagtingin sa'kin ni Sorina na tila binabasa niya ang buong katauhan ko. Napaatras ako at napansin niya, saka ngumiti na parang pusa.
"Pasensya na, tinatandaan ko lang ang lahat sa'yo."
"Anong ibig mong sabihin?"
Pinakita niya ang kaliwang palapulsuan at nakita ko doon ang apoy na marka. Isang marka ng demonyo. Kahit si Anwen ay hindi makapaniwala sa nakikita.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...