70.

285 14 6
                                    


Hindi makapagsalita si Freja, at hindi rin niya maramdaman ang kakayahan sa kanyang ugat. Tila pinipigil ito ng kung sino, sa tingin niya'y ang babaeng maliit sa tabi ng Emperador. Sinamaan niya ng tingin ang matanda sa kanyang harapan.

"Nakita ko na ang hinaharap ko sa laban na 'to," ngiti ng Emperador. At doon lang napansin ni Freja ang isang marka ng apoy sa isang mata nito. "Nakita kong pupunta ka sa aking harapan."

Ito ba ang kapangyarihan niya? Ang makita ang hinaharap?

"Namumutla ka. Iyan ba ang normal na reaksyon ng isang anak sa kanyang magulang?" tanong nito.

"Hindi kita ama! Ni hindi ka naging ama sa'kin!" sigaw ni Freja, galit dahil hindi niya magamit ang kapangyarihan na inaasahan niya. "Isa ka lang kasinungalingang nilagay sa utak ko ni Ria!"

"Ah, si Ria. Ang sinungaling." Ngumiti ang Emperador. "Hinding-hindi magsisinungaling si Ria sa'kin. Ano pa't siya ang kapatid ko?"

Mula sa mga anino ng trono ay lumabas si Ria.

Tumingin siya kay Freja suot ang ekspresyon na kasing lamig ng kanyang ama. Lumuha si Freja sa nakikita. Ang isang taong pinagkatiwalaan niya'y tinraydor nanaman siya. Una'y minanipula nito ang mga ala-ala niya; pangalawa'y pagtatago ng katauhan nito mula sa kanilang lahat.

Isa siyang kaaway!

Isa siyang traydor.

"Patawad, ngunit nais man kitang lokohin ay totoo ang sinabi ko, Freja." sabi ni Ria sa kanya. "Ikaw ang anak ni Armand kay Elka. Ang konsorte mong ina? Naalala mo pa ba siya?"

Ang konsorte kong ina na namatay bilang kabayaran sa pagbura ko kay ate Calla. Erin. Ang aking ina na si Erin.

"Iyon ang orihinal na katawan ni Elka, ngunit lumipat siya sa ibang katawan at nagtago mula sa iyong ama. Ang kaluluwang nasa loob ng katawan ng iyong ina nang siya'y namatay ay hindi kay Elka, kundi sa isang babaeng minanipula ko ang ala-ala upang maging iyong ina."

Hindi Erin, kundi Elka—iyon ang totoong ngalan ng aking ina?

Napakadaming tanong na nabuo sa isip ni Freja. "Kung ganon, hindi ko pa talaga nakikilala ang aking ina? Ang Erin na tumayong ina ko ay isang peke?!"

"Oo."

Nabasag ang puso ng dalaga sa narinig. Puro kasinungalingan. Hindi niya na alam ang totoo sa hindi. Ni hindi niya alam kung totoo bang Freja ang pangalan niya o kung naging totoo man lang ba si Ria sa kanya.

Tumayo ang Emperador at galit na tumingin sa anak. "At balak mo pang gamitin ang markang binigay ko sa'yo laban sa'kin? Wala kang utang na loob."

Nagtiim ng bagang si Freja. "WALA AKONG UTANG SA'YO!"

Nagkaroon ng putok ng baril—

At duguang bumagsak sa sahig ang mga kawal na kumo-kontrol sa mga screen sa silid na iyon. Humarap si Freja sa kanyang likuran at nakaramdam ng kaluwagan, kahit kaunti, nang makita si Alexis.

Tinutukan ni Alexis ng baril ang Emperador. "Itaas niyo ang kamay niyo."

Ngumisi si Mari at dahil malayo sa kanyang kamay ang baril ay ginawa ang sinasabi ni Alexis. Gayundin si Ria, ngunit hindi ang Emperador. Blanko lamang ang tingin niya sa binata habang naglalakad ito palapit kay Freja.

Nagkaroon ng bara sa lalamunan ni Freja.

Sobrang saya niya sa loob-loob. Makakaligtas siya mula sa mga ito. Si Alexis ang pag-asa niya. Sigurado ang baril sa mga kamay ng binata, hindi nilulubayan ang mga kaaway.

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon