࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Nang bumaba kami ni Kaius tungo sa underground, akala ko'y pupunta kami sa mga kulungan, ngunit hindi. Kinuha ni Kaius ang siko ko at ginabayan ako pakaliwa sa isang mas maliit na pasilyo. Dito'y may dalawang bantay sa dulo ng pasilyo, nakatayo sa bawat gilid ng pinto. Iba ang uniporme nila sa normal na kawal at ang mukha nila'y may nakakatakot na ekspresyon.
"Sino sila?" bulong ko, lumapit pa lalo kay Kaius.
"Mga Elite," sagot niya kasama ng isang mapagmalaking ngiti. "Sila ang pinakamagagaling na kawal na nakalap namin ni Ban."
Tumango ako. Kung dalawang Elite lang ang narito ibig sabihin ay malakas nga ang mga ito kumpara sa apat na kawal. Sumaludo ang dalawang bantay kay Kaius, at nagtapon ng nagtatanong na tingin sa'kin.
"Paraanin niyo kami," utos ni Kaius, napakadali.
Gamit ng wasiwas ng kamay ay nagkulay berde ang isang sensor sa dingding, kasunod ng pag-hiss ng pinto pabukas. Napakagaling talaga ng grupo ni Sorina.
Pumasok kami sa loob, ang pinto'y sumara sa aming likuran at nakita ko na.
Si Sigrid ay nakasandal sa isang mababang tore sa gitna ng silid. Ang kanyang mga palapulsuan ay nakadikit sa toreng iyon gamit ng mga metal na ring. Gayundin ang mga paa at leeg.
Napuno ng tahimik na galit ang kanyang mukha pagkakita sa'min, at nanlaban siya sa mga gapos. Ngunit nakuryente siya-- isang mekanismong hindi ko makita. Tumigil siya sa paggalaw at nakuntentong tumitig sa'min.
Naglayo ako ng tingin.
"Nagkita tayong muli," sabi ni Kaius sa kanya, may pamilyar na ngisi. "Prinsesa Sigrid mula sa Bahay ng Lucan, kalahating kapatid ni Haring Jiro, anak ng dating Hari ng Merigan, Haring Eagry."
Kahit nahihirapan ay ngumiti pa ang prinsesa. "Ako nga. Kamusta ang buhay mo, Kaius? Anak ng mga lingkod ng Morgana, isang ampon, isang ahas?"
"Oh, mas maayos kesa noong dinestino akong ipakasal sa'yo."
Nanlaki ang mga mata ko at napansin iyon ni Sigrid. Ngumisi siya sa aking direksyon at nagsalita, "Salamat at niligtas mo 'ko. Ako sana ang ipinakasal sa lalaking iyan kung hindi ka dumating."
Hinarangan ako ni Kaius, na tila masasaktan ako ng mga salita ni Sigrid. "Magmula nang dakpin ka namin sa paliparan sa iyong pagsundo sa Emperatris ay lumabas na ang totoong ikaw." Tiningnan niya si Sigrid ulo hanggang paa. "Suwail, kahit ikapapahamak mo."
"Ikaw ang mas malaking suwail sa ating dalawa. Hindi tulad mo na mahilig sa bayolenteng paraan, sumasalalay ako sa diplomasya dahil may malasakit ako sa mga inosenteng sibilyan!"
"Malasakit?" halos idura iyon ni Kaius sa mukha ni Sigrid. "Ano namang magagawa ng isang prinsesa na tulad mo? Anong malasakit ang sinasabi mo gayong wala kang ginawa sa kabila ng mga nakikita mong kasamaan?"
"Hindi ko na kayang may makitang mamatay," sigaw ni Sigrid pabalik. Pareho na silang galit. Anuman ang nakaraan nila'y hindi ko alam, ngunit nadadama ko. "Ayoko nang magpatuloy pa ang digmaan na 'to kaya bago ako pumunta ng Anja ay gumawa ako ng paraan."

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...