Sa sandaling lumabas ang mga salitang iyon sa bibig ni Kaius ay naalala ni Freja ang pagbaril niya sa sariling ama. Ang pagtalsik ng dugo nito, at ang pagbagsak nito. Nanlamig siya at naparalisa ng mga matang lila.
"Sampung taon ang nakakaraan, ako na isang alipin sa Bahay ng Morgana ay pinaglaruan ng duke Exequiel."
Tila may mapait na pakiramdam na kumakalat sa katawan ni Kaius, nagsimula sa puso. Kinokonsumo siya nito habang inaalala. Ang kanyang ina at ama na nakaluhod sa marbol na sahig ng opisina ng duke. Ang paghablot ng duke sa buhok ng kanyang ina habang siya, na bata pa, ay umiiyak at nagmamakaawa.
"Ang ama ni Cian, ay isang taong marahas at walang awa. Nais niyang makita ang paghihirap ng iba dahil dun siya sumasaya. Pakiramdam ko–laro lang ang lahat sa kanya–at ako. . . Ako ang tanging sumusuway."
Hinilig ni Kaius ang ulo tungo sa liwanag ng buwan.
Ganitong-ganito rin ito noon. Madilim at tanging buwan na lang ang nagbabantay. "Kinuha niya ang baril sa kabinet niya, kinasa ito at nilagay sa maliliit kong kamay. Naalala ko ang bigat nito. Sing-bigat ng pinapagawa niya sa'kin."
Tila may bulak na sa kanyang lalamunan.
Nais siyang lapitan ni Freja ngunit hindi siya makagalaw.
"Sabi niya, 'Barilin mo sila'." bulong ni Kaius, nahihirapan. Umiinit ang sulok ng kanyang mga mata sa luha. "Tinutukan niya ako ng baril sa likod ng ulo nang hindi ako gumalaw. 'Barilin mo sila!' sigaw niya sa'kin at naalala kong umiiyak si Ina habang nakaluhod. Wala akong marinig na iba kundi ang sarili kong puso. Hindi ko alam ang aking gagawin.
"At pagkatapos, ngumiti sa'kin si Ama. At tandang-tanda ko pa ang mga sinabi niya." Piniga ni Kaius ang mga kamay. "Sabi niya, 'Anak, ayos lang. Magiging maayos din ang lahat. Gawin mo na.' At sinunod ko siya, Freja. Ako ang naglagay ng bala sa kanilang ulo."
Ibinaon ni Kaius ang mukha sa mga palad.
Ang boses nito na sobrang nagustuhan ni Freja ay garalgal na. "Pinatay ko sila. Dahil sa isang duke na walang magawa sa buhay niya kundi paglaruan ang mga alipin. Walang naging hustisya, dahil makapangyarihan siya lalo na nang maging Hari ng Anja. At sa Trinidad, ang mga makapangyarihan ang nasa tuktok. Sabihin mo sa'kin–Mali bang gustuhing sirain ang sistemang iyon?"
Tinawid ni Freja ang distansya nilang dalawa.
Niyakap niya ang nakayukong si Kaius at pumikit. "Patawad."
Pinatulo ng binata ang mga luha. At tahimik na humikbi.
"Hindi ko alam," bulong ni Freja. "kung gaano karaming pagdurusa ang laman ng puso mo hanggang ngayon. Hindi ko alam na ganito ka pala nasasaktan. Patawad, Kaius."
Kumalas si Freja at binati ng luhaang mukha ng binata.
Pumintig ang puso niya.
Kayganda–ang mukhang ito na puno ng sakit at hinubog ng paghihirap. Hindi niya mapigilang haplusin ito. Lalo pa't siya–siya, na walang anuman sa lalaking ito–ang unang nakakita ng mga luha nito.
Pinahid ng mga daliri niya ang bawat luha, maalagang pinupunasan ang mga pisngi nito. "Naiintindihan ko na. Kung bakit mo tinago ang totoong ikaw mula sa mata ng iba." Pumikit ang binata sa palad niya. "Naiintindihan ko na kung bakit nagpapanggap kang malakas at walang kinakatakutan."
Inangat niya ang tingin ni Kaius upang magtama ang kanilang mga mata.
"Ito ang...totoong ikaw, hindi ba?"
"Tama na. Ayos lang ako," sagot ni Kaius.
Ngunit umiling ang babae. "Nagsisinungaling ka. Alam ko, dahil nanginginig ka kapag hindi totoo ang sinasabi mo."
"Freja, pakiusap."
Lumapit ang dalaga hanggang mga hininga na lang ang pagitan nila. Mahina niyang tinulak ang lalaki hanggang nakasandal na ang ulo nito sa likod. Lumuhod siya sa sopa, sa ibabaw ng mga hita nito.
Sa mga mahabang segundo, tumitig lamang sila sa isa't-isa. Ang mga mata ni Kaius ay nahihirapan at naghihintay.
"Hindi kita iiwan," bulong ni Freja.
At nilapat ang mga labi kay Kaius.
Maingat, marahan–tulad ng pagbabad ng paa bago lumusong sa ilog, tulad ng pagtikim bago kumain, tulad ng paghahanap ng mga tamang salita bago umamin.
Ngayon lang niya nalaman–kung gaano kalambot ang mga labi ni Kaius.
Ang mga kamay nito sa kanyang bewang.
Ang mga kamay niya sa mga pisngi nito.
Hinalikan niya ang mga kasinungalingan palayo.
Hinalikan niya ang sakit, pinapalitan ito.
Binubuhay siya–ang lalaking pinatay ng mundo.
Apoy.
Iyon siya, hindi ba?
At sa mga halik nila, iyon ang nangusap.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...