♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?"
Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...
Asar, isip ko, hindi ko inaasahan ang lahat ng ito. Hindi ko akalain na darating sina Emily at Jiro para tulungan ang Emperador. Pati ang mga pesteng Grand Knights ay nandito din. Sa susunod, babantayan ko na talaga ang mga kisame!
Tumatakbo pa rin ako sa mga pasilyo habang sinusundan ng dalawang Grand Knights. Bumaon ang dalawang bala sa dingding nang lumiko ako nang mabilis. Kailangan kong makaalis dito! Inalala ko ang direksyon na sinabi ni Ban sa'kin noon. Sabi niya'y kung pumalpak ang plano, magpunta raw ako sa kampo ng mga rebelde.
Ang organisasyon na binuo niya nang lihim.
Dapat ay hindi na ako nag-aalangan. Ang buhay ko ang mas mahalaga. Pero bakit? Bakit nais kong balikan si Freja doon? Wala siyang halaga kung gagawin ko siyang bihag. Wala siyang espesyal na kakayahan para makatulong sa mga rebelde. Kung isasama ko siya, magiging pabigat lang siya sa'kin. Parehas kaming babagal sa pagtakas.
Pero bakit?! Hinihila ako ng mga paa kong bumalik.
Napatigil ako sa pagtakbo nang marating ang isang pader. Wala nang mapupuntahan. Sinubukan kong buksan ang dalawang pinto sa bawat gilid ngunit ayaw bumukas ng mga ito.
Hindi pwede. Nanlamig ang katawan ko. Pagkatapos ng lahat, dito na ba ako mamamatay?!
Narinig ko ang mga yapak ng dalawang Grand Knights at humarap ako sa kanila.
Tinutok nila ang baril sa'kin.
Sinamaan ko ng tingin si Trystan. Ang hayop na 'to. "Wag ka nang lumaban, Kaius. Tanggapin mo na ang tadhana mo!"
"Walang kang utang na loob!" sigaw ko. "Niligtas ko ang buhay mo noon!"
Umiling siya. "Kung ganon, hangal ka. Sinabi ko nang dapat patayin mo na lang ako. Gumawa ka ng malaking pagkakamali nang palayain mo ako."
Nagtiim ang aking bagang. "Wala kayong alam sa nangyayari sa mundo. Hindi niyo alam dahil namuhay kayong mga aristokrata! Mali ang mga pinagsisilbihan niyo!"
Galit na bumulyaw si Rhaine. "Ikaw ang baluktot ang pag-iisip! Masyado ka nang nasira sa mga ambisyon mo na ayos lang sa'yong isakripisyo ang maraming buhay para sa makasarili mong hiling! Dapat ka nang mam-"
Naramdaman ko ang kakaibang kapangyarihan nang segundong iyon.
Tumigil ang lahat.
Nakabuka ang bibig ni Rhaine at masama ang tingin ni Trystan sa'kin ngunit hindi sila gumagalaw. Tumingin ako sa paligid, hinahanap ang pinanggagalingan ng kapangyarihan.
Isang taga-tigil ng oras?
Tumingin ako sa relos sa aking pala-pulsuan at nakitang gumagalaw pa rin naman ang segundo doon.
Sa bulwagan!
Naroon ang gumagawa nito.
Lahat ng mga taong nadadaanan ko ay nakatigil na tila nagyelo. Pinilit kong tumakbo nang mas mabilis. May gumagamit ng kapangyarihan sa loob ng Galeon at ngayon lang ulit ako nakadama ng ganito magmula noong...
Noong nakilala ko si Noreen.
Ang nagbigay sa'kin ng sarili kong marka.
Umabot ako sa pinto ng entablado kung saan ako lumabas kanina at narinig na muli ang putukan ng baril. Kinakabahan ako sa hindi malamang dahilan. Gumalaw na ulit ang mundo at nakita ko, sa segundo nang umapak akong muli sa entablado, ay ang pagbaril ni Freja sa ulo ng Emperador.
Tila tumigil muli ang mundo para sa'kin.
Si Freja. Hawak ang baril. Ang katawan ng Emperador, bumagsak.
"Anong-"
Sumigaw si Emily at lumuhod sa gilid ng Emperador. At naibagsak ni Freja ang baril na hawak niya, tila naguguluhan sa nangyari. Nakita ko ang pag-angat ng braso ni Emily. Mabilis akong tumakbo upang harangan si Freja dahil...
Pinutok ni Emily ang baril at naramdaman ko ang bala na bumaon sa taas ng aking tuhod. Muntik na akong bumagsak ngunit hinawakan ako ni Freja. "Kaius?!"
Hinila ko ang mga braso niya at kinaladkad siya palayo habang mabilis na paika-ika. Hindi ko maintindihan—binaril ni Freja ang Emperador?
Ngunit hindi iyon mahalaga ngayon. Kailangan naming makatakas mula sa gulong ito bago mapalibutan ang buong Galeon ng mga kawal ng kalaban.
Pinalibot ni Freja ang braso ko sa mga balikat niya at tinulungan akong humingkod. Nanginginig ang buong katawan niya at tila naroon pa rin siya sa entablado, nakapatay. Hindi talaga ako makapaniwala.
Ngunit kailangan kong magiging matatag para sa aming dalawa.
Binigay ko ang mga direksyon.
At walang salita siyang sumunod.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.