10.

371 24 3
                                        


"Anwen, kanino ang katapatan ng isang knight?" tanong sa kanya ng punong-guro noong estudyante pa lang siya.

Walang alinlangan, sumagot siya. "Tanging sa kanyang sinumpaan!"

"Ano ang mas matimbang? Ang pagsunod sa iyong sinumpaan o ang pagsunod sa tama?"

"Ang utos ng iyong sinumpaan ay ang tama, kahit anong mangyari!"

"Magaling," tumapik ang guro nila sa kanyang balikat. "Ang pinakamahalaga sa isang knight ay kung saan nananatili ang kanyang katapatan. Kung alam mo kung sino ang pinaglalaban mo, hindi ka magkakamali sa gagawin."

Ngayon ay dumating na ang pinakamabigat na pagsubok niya bilang knight—ang tukuyin kung sino ba talaga ang kanyang pinaglilingkuran. Si Reyna Emily ba o ang sinumpaan niya ng katapatan na si Reyna Freja?

Matagal nang nawala sa kasikatan ang Bahay ng Leogrance sapagkat isinuko ng pamilya niya ang pagpapadala ng mga anak sa mga ekspedisyon. Ngunit hindi si Anwen. Hindi siya papayag na maging binibini ng isang mataas na pamilya para ipakasal lang sa mga anak ng duke. Kung hindi siya natutong lumaban, sigurado siyang tapos na ang mga araw niya sa mundo.

Kaya sinanay niya ang sarili, kinalimutan ang galit ng mga magulang sa kanya sa pagsuway, at pinaghirapan ang pwesto sa tuktok.

"Patawarin mo ako kung ayaw kitang payagan sa pagsali sa susunod na ekspedisyon." Matamis ang boses ni Reyna Emily noon nang sabihin niya ito. "Iyon ay dahil sa nais kitang bigyan ng mas mahalagang misyon."

"Iutos niyo sa'kin, Kamahalan! At gagawin ko."

Napakasigurado ng boses niya, malinaw ang mga prinsipyo sa buhay.

Ngumiti ang Reyna, inilahad ang kamay. "Susumpa ka sa kapatid kong si Freja bilang Grand Knight kapag naging reyna na siya ng Anja. At kapag napaibig niya na si Kaius, ang kalaban ng Trinidad, ay papatayin mo ang lalaking iyon."

Nagitla siya sa mga narinig.

Patayin? Pumapatay ang mga knight, oo. Ngunit hindi patalikod. Hindi tinuro sa kanila ang pagpatay nang patalikod; laging sa patas na paraan. Ang mga gumagawa lang nun ay duwag at walang dignidad. Hindi sila karapat-dapat na matawag na knight. Pero ngayon...

Ang Kaius na iyon ba ay... isang napakalaking pahamak sa lahat para bigyan siya ng utos na ganito?

Susugat ito sa kanyang dignidad, ngunit ito'y tungkulin.

Nagtanong siya ng iba. "Paano kung hindi ko nagawang patayin si Kaius?"

Isang hindi komportableng minuto ang lumipas bago sumagot si Emily. "Kung gayon, si Freja ang iyong patayin."

"Kamahalan—"

Nilakasan ni Emily ang boses. "Kapag namatay si Freja, palalabasin natin na pinatay siya ni Kaius. At kapag nangyari 'yon..." Tila kuminang anag mga mata ng Reyna—mabagsik at mapanlinlang at makapangyarihan. "...ang rebelyon ni Kaius ay hindi na lang mananatiling problema ng Anja, kundi magiging problema na rin ng buong emperyo. Mapipilitang pumagitna ang Emperador."

Patayin si Freja...para patayin ang lalaking iyon?

Kaya niyang isakripisyo ang kapatid para lang sa rason na 'to?

"Ayoko sanang dumating pa sa punto na iyon, kaya aasahan kita sa misyong ito. Tinatanggap mo ba ang tungkulin na 'to, Anwen?" matamis na tanong ni Emily.

Nagkaroon ng ulap sa kanyang pananaw. Nagkaroon ng alinlangan at takot.

"...Masusunod, Kamahalan."

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon