Nagsimulang kumanta ang mga batang mang-aawit kasabay ng orkestra kasabay ng trumpeta at byolin. Simula na ng seremonyas at pinanood ni Freja ang lahat ng pangyayari mula sa hardin. Lumabas mula sa balkonahe sina Kaius at si Sigrid, kumikinang sa kanilang mga kasuotan-- elegante, regal at sinlamig ng nyebe.
Bagay na bagay sila, bulong ni Freja sa likod ng kanyang isip. Pareho silang dyamante sa gitna ng mga bato.
Kahit anong gawin niya'y hindi niya maalis ang selos sa dibdib. Kung maaari nga lang ay umalis na siya at wag nang tunghayan ang kasal. O utusan si Ria na burahin ang ala-alang ito mula sa utak niya.
"Natatakot akong piliin mo siya."
Iyon ang sinabi ni Kaius sa kanya noon nang nagseselos kay Alexis, ngunit ngayon bakit? Bakit pumili ka ng iba, Kaius?
Hindi na niya pinakinggan ang obispo at mga sagot ng dalawa. Lahat ay malabo sa kanyang pandinig at paningin. Nakikita niya, ngunit hindi siya nanunuod. Naririnig niya, ngunit hindi niya pinakikinggan. Dati'y mga salita iyon na lumalabas sa kanyang bibig sa kanilang koronasyon ni Kaius; ngayon ay pagmamay-ari na ito ni Sigrid.
Niyukom niya ang palad.
"Ipinoproklama ko sa inyong lahat-- ang Emperador at Emperatris ng Emperyong Kaian!"
Nakakabingi ang palakpakan sa buong hardin. Kahit si Freja ay pumalakpak, ngunit walang lakas doon. Nakikita niya ang ngiti ni Kaius sa lahat, isang ngiti ng pasasalamat. At nang ipatong ang mga korona sa kanilang ulo, napilitan siyang tumingin palayo.
Noon ay kinamumuhian niya ang posisyon na iyon. Ngayon, anong ibibigay niya upang maging kalahating muli ni Kaius.
Nang suotan ni Kaius si Sigrid ng singsing ay kumukulo na ang pait sa kanyang tyan. At nang isuot ni Sigrid ang singsing sa daliri ni Kaius, kasama ng isang ngiti, hindi na niya mapigilan. Kinagat niya ang labi at nagtangkang tumayo. Ngunit isang kamay ang humila sa kanya-- si Ria.
"Dito ka lang," mababang paalala nito. "Disrespeto ang umalis ngayon."
At tama siya. Alam niyang tama si Ria.
Bakit noon, hindi pumayag si Kaius na makasal sa'kin? Kung ginagamit lang din niya si Sigrid, bakit kailangan niyang magpakasal sa kanya ngayon? Bakit?
Nagtiim ang bagang ng dalaga at pinilit niyang tumingin sa mga kamay. Sa lahat, maliban sa pares na nasa balkonahe.
At doon na tumunog ang alarm.
Napatigil ang orkestra at mga tao. Kahit si Kaius ay tumingin sa mga pader kung saan umiilaw ng matindi ang pulang mga bumbilya sa bawat tore.
"Anong nangyayari?" tanong ni Ekko. Nilayo niya ang tingin mula sa screen kung saan pinapanood niya ang seremonyas na nagaganap sa Galeon.
Nasa isang tore siya, kasama sa nagpapatrolya ng pader. Mabilis na tumakbo si Alexis sa harap ng maraming screen na pinapakita ang karagatan ng Anja.
"Missiles," bulong nito. "Paparating dito, mga tatlong minuto."
Lumundag ang puso ni Ekko. Sumigaw siya sa mga kawal. "Alertuhin ang bawat tore! Ihanda ang Protect!"
Samantala, sa Vause–ang palasyo ng Meriga–nakasalampak sa kanyang trono si Jiro, ang mukha'y pininta sa galit. Yumuko ang isang kawal sa kanya. "Nagawa na po ang ipinag-uutos niyo, Kamahalan."
Hindi siya tumango. Bumulong lamang sa hangin, "Sana magustuhan niyo ang regalo ko, Kaius, Sigrid."
Napuno ang mata niya ng luha sa kapatid na nawala sa kanya.
Sa huli ay pinili mo pa rin ang Trystan na 'yon... kesa sa'kin.
Sa karagatan ng Anja, nakita pa nila Alexis ang isang armada ng mga barkong papalapit sa mga pader. Diyos ko, isip ni Ekko. Isang armada! Naging mabilis ang kilos ng mga nagpapatrolya sa pader.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...