Kumidlat. At hindi pa lumipas ang limang minuto ay dumilim ang langit at bumagsak ang matinding ulan, tila alam ang magaganap ngayong umaga. Lahat ng saya mula kagabi ay wala na sa hangin. Takot, determinasyon, katapangan—halu-halo ang mga iyon sa lahat.
Pagdating ni Kaius sa pier ay nakita niya ang isang parte ng pader na nakababa para sa paglabas ng mga barko. Bukod dun, nakita rin niya ang mga pamilyang nagpapaalam sa mga kawal. Yakapan, iyakan, 'magbalik kang muli'. Iniling niya ang mga naiisip at pinatatag ang kanyang loob.
Magagawa namin 'to.
Ang buong pier ay maingay. Kahit sa mga tore kung saan nakapwesto si Nara at Sorina, rinig nila ang mga pagbibigay ng utos upang ihanda ang lahat ng opensa at depensa. Magiging mahaba ang araw na 'to.
Higit sa lahat—ito ang araw na magdidikta kung anong landas ang tatahakin nila sa hinaharap. Isang madugong kalsada tungong kalayaan o kung hindi magtagumpay, kamatayan.
"Paparating na sila," ulat ni Nara nang mahagilap ng radar ang unang armada ng Meriga tungo sa kanilang direksyon.
Neutral ang mukha ni Sorina. "Ibigay na ang paalala."
Sa inang-barko na sinasakyan ni Kaius, ang Odea, umalingawngaw ang boses ni Nara sa mga speaker. "Handa na ang lahat. Maaari nang lumusong."
Sa pier ay pinanood ng mga tao ang mga barkong lumabas sa espasyo ng pader, at kahit hindi sila makita ng mga minamahal sa loob ay kumaway sila. Hawak ang mga panyo. Hawak ang pag-asang babalik sila ng ligtas at matagumpay. Sumara ang pader sa huling barkong lumabas mula sa kaligtasan nito.
Umupo si Kaius sa trono sa loob ng Odea at tumanaw sa lahat ng screen sa kanyang harapan. Si Freja, sa kanyang kaliwa at si Sigrid sa kanyang kanan. Pinagmasdan niya ang mga pulang tuldok sa screen—ang pwersa ng Anja kaharap ang mga paparating na kulay asul—ang mga Merigan.
Malaki ang armada nila, tatlong beses kesa noong huli. Lamang sila sa bilang.
Ngunit hindi natatakot si Kaius.
Ilang gabi niya itong pinag-isipan. Ilang araw na pinagpulungan kasama ng Konseho. Binago ng ilang beses at pinalakas ang plano.
Ang pagkatalo ay hindi isang opsyon ngayon.
"Dean, nasa posisyon na ba kayo?" tawag ni Kaius sa isang transmission.
Sa pinakamataas na kubyerta ng Odea, basa sa ulan ay si Dean at Dominic. Pinunasan ni Dean ang basang pisngi at ngumisi nang mapaglaro, sabik nang masimulan ang digmaan. "Nandito na, Kamahalan."
Tumingin si Freja sa relos niya. "Lahat ay nasa tamang oras na."
Malakas ang mga alon, hindi nagpapatawad. Sa kabilang pwersa'y nakaupo rin sa trono ng barkong Reinart si Jiro. Sa kaliwa, ang bago nitong Grand Knight na si Huxley. Isang matangkad na ginoo na may nakakatakot na peklat sa kaliwang pisngi patawid sa ilong tungo sa kanan.
Ang kanan ni Jiro ay bakante. Dahil ito dapat ang kay Sigrid.
"Kaunti na lang, makikita na rin kita." bulong nito sa sarili, pinaglalaruan ang mga daliri.
Tumayo siya nang marinig ang pagdating ng mabibigat na bota sa silid na iyon. Ngumiti siya nang malapad. "Kamahalan," pagyuko ni Jiro sa Emperador ng Augustine. "Natutuwa akong narito kayo."
Malamig lamang ang mga mata nito, walang anumang nais makipagbatian. Nilagpasan niya si Jiro at umupo sa trono bilang kanya. Hindi naman ito ikinainis ng Hari. Lahat ng nais ng Emperador ay ibibigay niya.
"Gusto kong makuha si Freja," utos niya sa lahat. "Gusto ko siyang buhay."
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...