24.

301 21 9
                                    


Halu-halo ang opinyon sa mataong pamilihan sa kapitolyo. Sa mga dingding ng bawat establishimento ay ang mga paskil ng nalalapit na seremonyas sa Galeon—ang pagtatatag ni Kaius ng bagong Anja.

Kabaliwan, sabi ng ilan ngunit mas maraming Anjan ang kumakapit sa pag-asang lalaya na sila. Sa wakas, hindi na sila magiging alipin lang ng mga Merigan o Khragna. Makakaalis na rin sila sa caste.

Ngumisi ang babaeng tahimik na umiinom sa kanyang mesa. Tinitigan niya ang mga lalaking nag-iinuman at nakinig sa walang kwenta nilang pag-uusap.

"Kapag natatag na ang bagong Anja, magpapatayo ako ng sarili kong panaderya."

"Bibili ako ng sarili kong lupain para magsaka!"

"Aalis na ako sa mansyon nung amo ko. Bahala na siyang maghugas ng pwet ng kabayo niya! Hahaha!"

Bumulong ang babae sa kanyang sarili, "Sa tingin niyo, ganun lang kadali ang lahat? Mga hangal kayo." Uminom siya muli. "Kaya kayo nasa baba ng caste eh. Walang utak na mga Anjan."

Ngunit isang pangalan ang pumukaw sa kanyang atensyon. At iyon ay...

"Pero kung Anjan ang mamumuno sa'tin sa sinasabi ng Hari, ano na ang mangyayari sa Khragnang bihag niya?"

"Yung Freja?"

Humigpit ang kapit ng babae sa kanyang baso pagkarinig ng pangalan na iyon. Sa dibdib niya'y sumibol ang apoy ng galit na matagal niyang inaapula.

"Aba malay ko kung anong gagawin ng Hari sa kanya," tawa ng lalaki. "Wala akong pakialam sa sinumang Khragna o Merigan."

"Psst, wag kang maingay. May Khragna sa kabilang mesa."

Sinamaan ng babae ng tingin ang mga lalaki. Siya ang tinutukoy ng mga ito. Kailangan na niyang umalis bago magkagulo. Inayos niya na ang bag at nilagay na muli ang taklob sa kanyang ulo at tela sa kanyang bibig.

"Oo nga no? Ano bang ginagawa ng isang Khragna dito ha?" lasing na sigaw nung lalaki na mayabang. Tumayo ito at nilapitan ang babae bago pa siya makaalis.

Tumayo lang nang mahinahon ang babae habang nilalapit ng lalaki ang mukha nito sa kanya. Inaamoy na tila may amoy siya ng pagiging Khragna. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Kailangan niyang maging maingat bago ang araw na hinihintay niya. Hindi siya dapat gumawa ng gulo.

Kailangan pa niyang makaganti.

Sa taong bumura sa kanya.

"Para sabihin namin sa'yo, hindi tanggap ang mga ibang lahi dito! Ang lakas din ng loob mong magpunta dito ngayong magkakaroon na ng bagong Anja!"

Blanko ang mga mata ng babae. "Ibang lahi? Matanong nga kita, saan ba nanggaling ang lahi ng Anjan ha? Hindi ba't sa Merigan at Khragna din? Magpasalamat kayo at nagkaroon ng 'Anjan' dahil sa'min."

Inambahan siya ng lalaki. "Ang daldal ng bunganga mo ah?"

Ah, bahala na. Naghahanap ng basag-ulo 'tong mga 'to eh.

Niyukom ng babae ang palad niya, tinatago ang marka ng kanyang kapangyarihan—hugis apoy na kulay kahel-pula. Hindi matalinong gamitin ang kapangyarihan ngayon, isip niya, at saka nagtanim ng suntok sa mukha at tyan ng lasing.

Nagalit ang mga kasamahan nito kaya wala siyang nagawa kundi lumaban.

Lumaban—ang tanging pinag-aralan niya ng sampung taon. Natuto siyang humawak ng kutsilyo at espada at baril kesa sa pagbalanse ng libro sa ulo, eleganteng paglalakad o pulitika. Natuto siyang pumatay kesa mangabayo. Natuto siyang mamuhay nang mag-isa kesa mapaligiran ng maraming manliligaw at lingkod at kaibigan.

Iniwan na niya sa likod ang buhay-prinsesa.

Iniwan niya na lahat.

Napilitan siya, dahil kay Freja.

Hinigit niya ang braso ng huling lalaki at binuhat ito, saka binagsak sa mesang kahoy. Pagkatapos ay inayos niya ang sarili at mabilis na nilisan ang lugar. Binati siya ng usok at lamig ng hangin sa pamilihan. Nagpatuloy siya.

At nang makakita siya ng isang paskil ay nilapitan niya ito.

Tinitigan niya ang litrato ni Freja.

Bumunot siya ng patalim mula sa sinturon niya at winasiwas ito sa papel. Ang mukha ni Freja ay nahati sa isang linya. Burado ang ngiti.

"Sampung taon," bulong ng babae. "Sampung taon akong naghirap para paghandaan ang pagbagsak mo. At sisiguraduhin ko—" Gamit ng mga daliri ay pinunit niya mula sa pader ang paskil. "—na mararanasan mo din ang ginawa mo sa'kin."

Binuksan niya ang kanang palad at nakita ang marka doon.

Apoy na kahel-pula.

Simbolo ng demonyo. Hindi siya nagsisising ito ang nakuha niya.

"Papatayin kita," sabi niya. "Gaya ng pagpatay mo sa'kin."

"Tapos ka na ba?"

Isang boses ang kanyang nasa likuran. Hinarap niya ito at nakita si Mari, ang Anjan na magnanakaw na 'kumupkop' sa kanya at nagturo sa kanyang gumawa ng maduduming trabaho.

Tulad ng asasinasyon.

"Ang laki ng galit mo sa babaeng iyan," sabi ni Mari sa kanya. "Ang mga emosyong ganyan ay makakahadlang lamang sa iyo."

"Hindi ako katulad mong pera lang ang gusto sa buhay," matalim na sagot sa kanya ng dalaga.

"Hmm. Masama bang maghangad ng buhay na iba sa kinagisnan mong impyerno?" Lumapit si Mari sa paskil sa dingding. "Anja, Khragnas, Meriga o ang emperyong Augustine. Kung mahirap ka, walang pinagkaiba saan ka man nakatira o anuman ang lahi mo. Lahat ng mga tao'y kaaway mo sa huli, handa kang traydurin. Iyon ang katotohanan saan ka man magpunta."

Tiningnan niya ang dalaga sa harap niya.

"Sabihin mo, pagkatapos mong mapatay si Freja, hindi ka na makakabalik sa buhay-prinsesa. Sa huli, pera at karangyaan din ang magiging hangad mo pagkatapos ng paghihiganti."

Nagsimulang maglakad palayo si Mari.

"Ewan ko kung bakit naiipit ka pa rin sa dati at ngayon na tila tumigil ang oras para sa'yo," usal nito. "Basta ako, hindi ako mananatiling nasa nakaraan."

At ito'y nawala na sa mga eskinita, tipikal sa pagiging magnanakaw. At kahit nakakapaso ang mga salita ni Mari, hindi magawang magalit sa kanya ng dalaga. Alam niya ang buhay na pinagdaanan ni Mari sa kamay ng kapwa nitong Anjan...

Ngunit hindi siya matatahimik kung hindi niya nakuha ang paghihiganti.

Marahil tama ka, Mari. Sa hinaharap, baka gustuhin ko din ang komportableng buhay tulad mo.

Ngunit hindi sa ngayon.

Hindi hangga't nabubuhay ang babaeng nagbura sa'kin sa mundo.

Tumalikod siya at tumungo sa kabilang direksyon ng lungsod, patungo sa palasyo ng Galeon.

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon