68.

203 12 2
                                        



Walang kaalam-alam sina Ban sa nangyayari sa Odea, patuloy lang sila sa kanilang misyon: Ang mapasok ang barkong Reinart at kunin si Jiro.

Patuloy nilang pinaulanan ng bomba ang mga kalaban sa kanilang harap, unti-unting nililinis ang daanan. Hanggang sa bumangga ang barko ni Trystan sa Reinart. Gayundin si Ban. Sumunod si Anwen.

"Lahat ng pwersa, sugod!"

Inilahad ni Ban ang kamay at ang mga kawal na kasama niya sa barko ay tumalon tungo sa kubyerta ng Reinart. Ang mga batalyon din sa dalawa pang barko ay sumugod, pinagungunahan ni Anwen at Trystan.

Samantala, nagkakagulo ang sentrong tore sa hindi pagsagot ng kahit sino mula sa Odea. Wala nang magawa si Sorina kundi gamitin ang kanyang kapangyarihang binigay ni Kaius kung may nangyaring masama. Kapag nagtagal at wala silang ginawa, masisira ng mga Merigan ang pormasyon nila sa gilid.

"Likurang pwersa, ito si Sorina. May permiso ako mula sa Emperador na magbigay ng utos. Nais kong atakihin niyo ang bawat giliran ng paparating na kalaban. Ibibigay ko ang distansya at anggulo."

Pinindot niya ang isang tipa sa control at lumipat ito sa transmission ng kaliwa at kanang giliran. "Kaliwa at kanang pwersa! Ituloy niyo ang depensa gamit ng Protect System. Ang likurang pwersa ang aatake para sa inyo."

Huminga nang malalim si Sorina, hinihintay ang kahit anong pagbabago.

Sa screen ay napapanatili ng bawat gilid ang depensa. Magandang senyales, isip niya. Ngunit hindi talaga maganda ang kutob ko sa nangyayari sa Odea. Kailangang makahabol ang sentrong pwersa bago maisarang muli ng Meriga ang linya ng depensa nila sa unahan.

Kung nangyari iyon ay maiipit muli sina Ban sa loob ng kalaban.

Ngunit nakita niya na unti-unting sinasarang muli ng Meriga ang linya ng depensa sa harapan. At hindi lang iyon, paabante sila, katulad nila Ban, tungo sa Odea.

"Kaliwa at kanang pwersa, isara ang pormasyon! Harangan ang Odea, at wag niyong hayaang makapasok ang mga kalaban."

Ilang barko pa ang sumabog nang magbago ang pormasyon ng Anja. Ngunit nagawa nila. Hinarangan nila ang Odea at harapang nakipag-opensa sa mga paparating na barko. Umiling si Sorina at nagbigay ng utos sa mga kasamahan.

"Ihanda ang suporta," utos niya.

Gaya ng naunang laban, ang mga kanyon sa pader ng Anja ay lumitaw muli. Lahat ay makamandag. Ang unang hilera ang tumira--ang maliwanag na asul ay humiwa sa giliran ng Meriga sa kanan. Ang ikalawang hilera ng kanyon ay gayundin sa kaliwa.

Nagkaroon ng sabay-sabay na pagsabog.

Tumira ang ikatlong hilera ng mga kanyon ng pader, nagsimula mula sa kaliwa tungong kanan, hinihiwa ang mga barko sa harapan. Nadaplisan ang barko ng kakampi na masyadong lumihis sa linya at sumabog kasama ng mga kalaban.

Hindi kumislot ang mukha ni Sorina.

Sakripisyo. Sakripisyo.

"Panatalihin ang opensa hangga't hindi sumasagot ang Emperador."

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Naglabas ng hininga si Calla at nagpatuloy ang oras sa Odea. Gumalaw ang mga kawal na nadaanan nila ngunit hindi rin matagal, dahil binabaril na sila ni Mari bago sila makapagtaas ng sandata. Ang misyon nila'y dakpin si Kaius at Freja.

Halos ikutan ni Calla ng mata ang utos.

Buhay ang nais ng Emperador. Ayos lang, paduduguin ko muna ang babaeng iyon bago ibigay sa Kamahalan. Hindi naman sinabing bawal lumpuhin diba? O bawal putulan ng kamay?

Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon