47.

240 16 1
                                    


"Dahil Freja, ikaw ang apoy sa malamig kong mundo. Ikaw... ang tanging bagay sa aking buhay na hindi ko pinag-planuhan."

Sinabi niya iyon na walang pag-iisip. Nagsasalita na siya nang mabilis, puso lang ang sinusundan. "Nakikita mo ako bilang ang totoong ako, hindi kung anong kaya kong gawin. Ang mga imperpeksyon ko, pati na ang mga parte sa'king matagal ko nang kinitil–lahat ng bagay na nagpapaalala sa'king isa lang akong tao–nakikita mo iyon, Freja."

Inalala niya ang una nilang pagkikita—ang dalagang naka-berdeng bestida at mga matang umaapoy sa dilim. Inalala niya ang maalagang mga kamay nitong humaplos sa kanya habang inaatake ng lagnat, ang mga luha nitong sinayang sa gaya niya—

Ang lahat ng ala-ala.

Maganda at pangit.

"Ang Kaius na kilala ko ay pinatay na ng mundo—ang ngiti niya, ang pagtawa niya, ang kakayahan niyang makita ang maganda sa bawat bagay. Pero binalik mo sa'kin ang buhay ko."

Lumunok si Freja sa likod ng kurtina, puno ng emosyon.

Hindi niya inasahan ang lahat ng ito.

Hindi niya inasahang ganito na lang ang halaga niya kay Kaius.

"Ngayon, nakakangiti na muli ako. At ikaw ang rason nun, Freja."

At sa mga salitang iyon,

pareho silang

n a h u l o g.


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Nahanap nila ang mga sariling nakatitig sa isa't-isa.

Si Kaius, sa sopa. Si Freja, sa kanyang kama. Taklob ng kumot hanggang ilalim ng ilong. Walang nagsasalita sa kanila, tanging mga mata lang. Patay ang ilaw at lahat ay kumikinang sa tamang lugar.

Kumurap si Freja.

At ngumiting umiiling si Kaius.

"Ba't ka tumatawa?" tanong ng dalaga.

"Ngayon ko lang kasi napagdikit-dikit ang lahat," sagot ng lalaki. "Ikaw—nagseselos ka ba kay Ekko, ha?"

Nanlaki ang mga mata ng dalaga saka tinakpan ng kumot ang mukha.

Ayaw niyang makita siyang ganito ni Kaius. Ayaw niyang malaman nitong kailangan niya rin ang binata, tulad ng pangangailangan nito sa kanya. Pero kahit papano'y masaya siya—dahil nakikita na ito ni Kaius kahit hindi niya sabihin.

"Hindi 'yan pwede," mahinahong bulong ni Kaius. "May nobyo ka na, diba."

Tumingin si Freja sa kanya at nakita ang mukha nitong pinipilit maging kalmado. Huh? Bakit mukha siyang apektado dun, isip ni Freja. Isang segundo pa'y napagtanto niya na rin. Kumalat ang mapaglarong ngiti sa kanyang labi.

"Ikaw, nagseselos ka kay Alexis?" tanong niya.

Nilayo ni Kaius ang tingin. "Hindi ka naman akin kaya... bakit ako magseselos?"

Tinapon ni Freja ang kumot palayo sa katawan at umupo para harapin ang binata. "Hindi ko siya nobyo. Si Alexis ang...matalik kong kaibigan. Matagal ko na siyang kilala, at aaminin ko—Dumating sa puntong hiniling kong siya ang mapakasalan balang araw." Natigilan si Kaius. "Pero iyon ay nung bago kita makilala."

Kumurap kurap ang binata at pinaglaruan ang kwelyo. "Kung ganon—kayong dalawa ay—"

"Magkaibigan lang," ngiti ni Freja at nag-iba ang hangin.

Mabagal na naglabas ng hininga si Kaius, dahil kung hindi, makikita ni Freja ang paghinga nito nang maluwag. "Ah. Ganun pala."

"Kaius, sabihin mo nga sa'kin—Ano bang nangyari sa'yo nung bata ka?"

Sa kanyang kwelyo, tumigil ang kamay ng lalaki. Lumunok siya, hindi alam ang gagawin. Nais malaman ni Freja ang nangyari—at wala siyang dapat itago sa kanya, diba? Ngunit nakaramdam siya ng takot. Takot na baka pag nalaman ni Freja, hindi na ito ngingiti pa sa kanya kahit kailan.

Ipinagkrus niya ang mga daliri, mga siko'y sandig sa hita.

"Pwede bang," bulong ni Kaius. "ipangako mong hindi mo ko iiwan kahit malaman mo?"

Sumimangot si Freja. "Hindi ko magagawa iyon."

Ngumiti nang mapait ang binata. "Pero—"

"Tanggap ko nang masama ka. Minsan mo na akong sinama sa pagpapakamatay mo, tinraydor mo ako, at marami ka nang pinatay. Ano pa bang hindi ko kayang sikmurahin?"

Naging blanko ang mga mata ni Kaius.

"Freja, pinatay ko ang mga magulang ko."

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.




Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon