12.

318 21 12
                                    


࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

k a i u s

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

"Hindi ka talaga magsasalita, huh?"

Umani si Trystan ng suntok sa mukha galing kay Cian. Nagtaas ako ng kamay. Sapat nang makita ang ilang mga pasa, putok sa labi at mugtong mata sa mukha niya. Tutal, hindi naman niya nasaktan si Freja. Wala akong rason para patayin siya... ngayon.

Ngumiti lang si Trystan. Kasing-yabang din ng pinagsisilbihan niya. Kasing-yabang ni Jiro. "Patayin mo na ako, Kaius. Handa na ako."

Blanko ko siyang tiningnan mula sa aking upuan. "Inuutusan mo na ba ako?"

"Hindi ko kinikilala ang pagiging Hari mo," ngisi niya.

Nagtaas ako ng kilay.

"Ang mga plano mo'y walang magandang maidudulot sa Trinidad."

Tumawa ako nang mahina. "Dahil ang konsepto ng Trinidad mismo ang problema. At nais ko nang tuldukan ang mapanlinlang na konseptong iyon."

"Bayani na ang tingin mo sa sarili ngayon?" singhal niya. "Isa kang baliw."

"Tawagin mo 'ko anuman ang nais mo. Balang araw, pasasalamatan mo ako sa mga gagawin kong pagbabago."

Isang kalkuladong ngiti ang ipinakita ko. Ngayon, oras na bang ibagsak ko ang bomba sa kanya? Nakakatuwa naman 'to.

"Sa tingin mo..." panimula ko. "Hahayaan ka ng mga batas ng Trinidad na mabuhay kung nalaman nilang may relasyon kayo ni Prinsesa Sigrid?"

Nanlaki ang mga mata niya.

Tumawa ako nang malakas at parang demonyong tumingin sa mga mata niyang napuno ng takot. "Alam na alam ko iyan. Naiintindihan kong tunay, Trystan."

"Wala kaming relasyon ni Sigrid!" sigaw niya at nahuli na siya sa patibong. "Ibig kong sabihin—ni Prinsesa—"

"Sigrid, huh? Ganun na siguro katagal ang relasyon na 'yan kung natatawag mo na siya sa kanyang pangalan lang." Pinagmasdan ko kasama ng tuwa ang paglukot sa kanyang mukha. "Alam mo din ba ang parusa ng batas ng Trinidad sa prinsesang gaya ni Sigrid? Huhubaran siya sa harap ng mga tao, tatanggalan ng titulo at ipaparada upang ilantad ang kanyang kahihiyan sa pakikipagrelasyon sa gaya mo."

Nakaukit na ang pagdurusa sa mukha ni Trystan. "Hindi iyan papayagan ni Haring Jiro! Kapatid niya si—"

"Aah," sumandal ako sa aking upuan. "Kapatid. Gaano kaimportante ang hamak na kapatid sa isang Hari? O sa isang Reyna? Naipadala nga ni Emily ang kapatid niya rito upang pakasalan ako. At sa mga mata niya, para na ring namatay si Freja. Dahil makakasal ang kapatid niya sa isang mamamatay-tao na gaya ko, tama?"

Nakayuko na rin siya at hindi makapagsalita.

"Ang mga kapatid sa kanilang tingin ay walang iba kundi mga pyesa lamang sa kanilang plano. Gagamitin at itatapon. Isasakripisyo para sa kabutihan nila." Naglahad ako ng kamay. "Ikaw, na Grand Knight ni Jiro, hindi ba dapat ikaw ang mas nakakaalam kung paano siya mag-isip at magdesisyon?"

Walang tugon.

"Hindi niya kayo hahayaang mabuhay ni Sigrid."

Sinamaan niya ako ng tingin. "At ano? Ibubunyag mo ang sikreto naming dalawa sa Hari para parusahan ako? Iyon ba ang nais mong mangyari? O gagawin mo akong espiya para sa kanya kaya hindi mo pa ako pinapatay?"

"Wala sa dalawa," sagot ko. "Nais ko lang malaman ang isang bagay."

Ibinaba ko ang binti mula sa pagkaka-dekwatro at sinandal ang mga siko sa tuhod.

"Bakit kayo pinadala dito ni Jiro?"

Nilayo niya ang tingin. Hinayaan ko siyang wag munang sumagot. Isa pa'y madadagdagan nanaman ang pagtatraydor niya sa Hari niya. Una'y makipagrelasyon sa kapatid nito. Pangalawa'y pagbunyag ng misyon sa kalaban.

Sobrang nakakatuwa ang mga nangyayari.

"Nais niyang magbigay ng banta sa'yo," sagot ni Trystan.

"Pati kay Freja?"

"Wala kaming intensyong patayin siya."

Tumitig ako. Kung ganon, may gamit pa si Freja para sa kanila. Pero ang ipadala mismo ang Grand Knight niya sa'kin, hindi ba't parang isinakripisyo niya na rin si Trystan? Wala na ba siyang gamit sa lalaking 'to? "Pinadala ka niya upang pagtangkaan ako. At inisip niya talagang magwawagi ka laban sa'kin?"

"Sabi niya'y hindi naman tapat ang mga kawal ng Anja sa'yo. Madali ka naming mapapabagsak dahil walang susunod sa'yo!" Ngumisi siya na nagbigay ng nakakatakot na itsura sa kanyang mga pasa. "Maniniwala ka bang madali lang kaming nakapasok dito? Pinadaan kami agad ng mga kawal mo at wala ni isang nagtanong nang sabihin naming narito kami para patayin ka."

Nanlamig ang balat ko.

Nagbalik sa'kin ang mga sinabi ni Freja sa hapagkainan.

"Ngayon, lahat ng mga tao ay nais kang mamatay—ang kapwa mong Anjan, pati na ang mga Merigan at Khragna, nais kang mawala sa mundo. Hindi ba't nakakaawa ka?"

"Sa huli, ano nga ba ang magagawa ng isang Haring hindi sinusunod ng kanyang mga alagad?" pag-uyam ni Trystan.

Yumuko ako at nagpiga ng mga kamay sa galit.

Lahat ng mga kawal ko...

Lahat sila'y mga traydor?

"Ngayong nasagot ko na ang tanong mo, ba't hindi mo na ako tapusin? Hinding-hindi ko susundin ang nais mo. Kaya wala akong magiging silbi sa'yo."

Ayoko sanang gawin 'to.

Ngunit pinipilit mo ako, Trystan. "Hindi mo ako madidiktahan."

Tiningnan niya ako.

"Cian," tawag ko. Umantabay siya sa tabi ko. "Magbibigay tayo ng regalo kay Jiro. Tutal malayo ang nilakbay ng bisita natin, kailangan nating magpaabot ng pasasalamat sa binigay nila." Ngumiti ako kay Trystan. "At ikaw ang magbibigay sa kanya nang personal. Kung ayaw mong ibunyag ko ang lihim niyo ni Sigrid."

"Wala kang proweba!" sigaw niya. "Hindi maniniwala ang Hari sa'yo!"

"Wag mo kong maliitin!" Tumayo ako at galit siyang nilapitan. "Wag mong subukan ang pasensya ko dahil hinding hindi mo magugustuhan ang ipapakita ko sa Hari mo kapag napuno ako." Kinuha ko ang leeg niya. "Bakit hindi mo itanong kay Sigrid kung may nawawala siyang liham mula sa'yo?"

At doon, natahimik siya.

Mabuti.

Dahil kasinungalingan iyon. Wala akong liham na ninakaw. Sadyang alam ko lang ang tungkol sa kanila—dahil nakita ko. Sa ngayon, kailangan kong magsinungaling para matakot siya at maihatid ang regalo ko nang maayos. Sa sandaling malaman niyang nagsisinungaling ako'y wala na siya sa Anja.

Binitawan ko siya.

"Ngayon, anong magandang pambalot?"

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon