61.

234 15 8
                                    

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

f r e j a

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇


Nang marinig ko mula kay Nara na may nakaligtas sa insidente, agad akong nagtungo sa silid kung saan naghihintay ang batang si Dominic—bihis bilang isang noble, maayos ang buhok at nagniningning ang pilak na buhok. Lahat sa kanya ay mukhang malamig—kahit ang kanyang ekspresyon.

Ngunit lumambot ako sa kanya dahil sa mga berde niyang mata, na alam kong naglalaman ng maraming paghihinagpis.

Tulad ni Kaius.

Alam kong matutuwa 'yun sa balitang may nakaligtas. Nakita ko siyang maghirap buong gabi, tulala at pasan ang bigat ng maraming kamatayan sa kanyang balikat. Ngunit ngayon...

"Na'san siya?" agad na tanong ni Kaius nang bumulwak ang pinto ng silid na iyon. Lumingon ako mula kay Dominic, na nakaupo sa isang pulang sopa katabi ko, at sa nag-aalalang mukha ng Emperador. Ngumiti ako. Tila nagyelo naman ang kamay ni Dominic na hawak ko.

"Kamahalan," pagyuko ni Dominic, hindi sigurado kung kulang pa ang ginawa niya upang magbigay galang.

Napakainit ng kamay niya sa'kin.

"Nakaligtas ka," bulong ni Kaius, hindi makapaniwala. Mukhang hindi rin siya sigurado kung paano lalapitan ang batang nakaligtas sa pagsabog. Kaya naman ako ang naging tulay nilang dalawa.

"Maupo ka," pag-abot ko ng kamay kay Kaius. Kinuha niya iyon at imbis na umupo ay lumuhod sa karpet, saka tiningnan si Dominic nang malapitan. "Kaius, ito si Dominic. Dominic, ang Emperador—si Kaius."

Nanginginig na yumukong muli ang bata, hindi alam ang sasabihin.

At kung titingnan ko'y nanginginig din ang labi ni Kaius, hinanap ang mga mata ko upang tanungin kung totoo ba ito? Na may nakaligtas ba talaga? Ipinagdikit ko ang kamay nila at nagulat si Dominic sa ginawa ko.

"Kamahalan—" simula niya.

Ngunit pinisil ni Kaius ang kanyang mga kamay, isang malambot na ngiti sa kanyang mukha. Kung tingnan niya si Dominic ay tila anak niya ito na nakaligtas. "Akala ko... Akala ko wala nang natira... Pero ikaw, totoo ka... Diba?"

Kinagat ni Dominic ang labi. "Opo."

At nagulat ako sa ginawa ni Kaius. Sa emosyon nito, sa kanyang saya. Dinikit niya ang mga kamay ng bata sa kanyang noo. "Salamat naman." At pinaulit-ulit niya 'yun.

Tiningnan ko kaming tatlo.

Alam kong kabaliwan ngunit... mukha kaming pamilya.

Hanggang sa dumating si Sigrid.

Bumukas ang pinto, at nagmamadali ang kanyang mga hakbang. Mga mata'y nakapokus sa bata. Gaya ni Kaius, mukhang wala rin siyang tulog sa dahil sa pangyayaring ginawa ng kapatid niya at ngayon tila liwanag sa dilim si Dominic para sa kanya. "Panginoon, salamat naman!"

Lumuhod siya sa karpet gaya ni Kaius at hinawakan ang bata sa braso. "Ayos ka lang ba? May masakit pa ba sa'yo?" Gusto ko siyang ikutan ng mata ngunit pinigil ko.

"A-Ayos lang po," mahinang sagot ni Dominic, hindi alam ang gagawin sa sarili ngayong ang dalawang pinakamataas na tao sa emperyo'y nakatutok sa kanya.

Tumingin ang bata sa'kin na tila humihingi ng tulong. Pumintig ang puso ko sa ginawa niyang iyon—tila ako pa rin ang inaasahan niya.

Huminga nang malalim si Sigrid. "Alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo. Pasensya na kung nabigla ka sa'kin. Hindi ko talaga akalain... na may..." Nagpunas siya ng luha. "...Masaya lang akong ligtas ka."

At naiinis ako.

Dahil nakatingin na si Kaius sa kanya at nakangiti dahil parehas sila ng nararamdaman. Niyukom ko ang palad sa tabi. Tila naramdaman naman iyon ni Dominic kaya pinatong niya ang palad sa aking kamao.

Kumalma ako. Kahit kaunti.

"Ano nang gagawin natin para sa kanya?" tanong ni Sigrid kay Kaius. "Wala na siyang magulang at tutuluyan."

Nilakasan ko ang boses. "Ako na ang kukuha sa kanya."

Ngayon, tumingin na sa'king muli si Kaius. "Sigurado ka?"

Umiling si Sigrid at tumingin sa'kin nang mabait. "Hindi, ako dapat ang kumuha sa kanya dahil kasalanan ng kuya ko ang nangyari sa kanya. Ako ang aako ng responsibilidad sa kanya."

Numipis ang aking labi.

"Kaius, maaari ba?" tanong niya. Ayan nanaman. Sa'kin ka tumingin! Sa'kin! Wag sa kanya. Hinaplos niya ang buhok ng bata. "Aalagaan ko siya ng maayos, pangako. Gusto kong makabawi sa—"

"Hindi ba't marami ka nang gagawin bilang Emperatris?" singit ko. "Mas marami akong oras kumpara sa'yo. Mas maaalagaan ko siya kesa sa'yo. Ano sa tingin mo, Kamahalan?"

Siningkitan nila ako pareho ng mata. Si Sigrid, bahagyang nagulat sa tono ko at si Kaius naman ay naguguluhan. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at determinado silang tinitigan. Hindi ako magpapatalo.

"Konsorte mo ako, hindi ba?" Hindi ko napigilan ang talas doon. "Siguro naman may katiting akong kapangyarihan sa mga ganitong bagay."

"Freja," panimula ni Sigrid.

Nakikipagkompetisyon ka ba? sabi niya sa isip ko.

Tinaas ko ang aking noo. Ikaw?

Wala akong panahon sa mga pambatang away na ganito. Ang nais ko lang ay siguruhin ang kaayusan ng magiging buhay ni Dominic.

Pinilit kong isara ang isip mula sa kanya. Kung makapagsalita naman siya sa'kin ay parang napamakasarili ko. Salamat at hindi na rin siya nagsalita sa utak ko. Bagkus, nakatuon na ang atensyon niya sa bata.

Ngayong nakatayo na ako at sila'y nakaluhod sa carpet—nakikita kong mas mukha silang pamilya. Isang Emperador, isang Emperatris at isang prinsipe.

Tulad noong kasal nila, unti-unting sumibol ang galit ko.

Ngunit binalik ako ng boses ni Kaius. "Bakit hindi na lang si Dominic ang tanungin natin? Kanino mo nais sumama?"

Napigil ang hininga ng bata nang titigan namin siya ng Emperatris, ngunit alam ko na ang sagot niya bago pa man siya magsalita. Tinuro niya si Kaius na siya namang napangiti nang malapad na tila nanalo ng kayamanan. "Pano ba 'yan? Ako ang pinili niya."

Narinig naming tumawa si Kaius at ginulo-gulo ang buhok ni Dominic.

"Nais ko kayong tulungan," sabi ni Dominic. "Tutulungan ko kayong talunin ang mga pumatay sa sakay ng barkong iyon. Gaganti ako, at nais kong baguhin ang mundong 'to."

Hinaplos ni Kaius ang marka ng apoy sa kamay ng bata, at nakikita ko—ang batang may pilak na buhok at kanyang ama-amahan na may itim—siya ang magiging pangalawang Kaius.

"Kung gayon, tinatanghal kita... bilang aking tagapagmana. Prinsipe ng korona at tataas sa trono ng emperyong ito."

Nagliwanag ang mukha namin ni Sigrid.

Ang batang may pilak na buhok.

At ang lalaking may itim.

Si Dominic ang magiging buwan sa dilim ngEmperador.

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Anja Trilogy 01: KhragnaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon