Pagkasabog na pagkasabog ng barko ay tumawa si Jiro nang malakas, halos magdikit na ang tyan niya at mga hita. Tumindig ang balahibo ng mga lingkod sa loob ng bulwagang iyon. Nilayo nila ang tingin sa kanya.
"Anong pakiramdam, huh?" tanong niya sa blankong screen. "Anong pakiramdam?! TALO NA KAYO."
Sa mahabang pulang carpet na nag-uugnay sa pinto at trono ay hindi namalayan ng lahat ang paparating. Pinatigil ng matangkad na dalaga ang oras, at nag-yelo ang mga kawal at lingkod. Ngunit hindi si Jiro. Sa gilid ng dalaga, naglalakad ang isang mas maliit na babae.
Narinig ni Jiro ang mga yapak ng kanilang sapatos at napatingin.
Saka niya napansin na hindi gumagalaw ang mga tao sa paligid niya. Agad siyang nagtaas ng kilay sa dalawang babaeng nakaluhod at nakayuko sa kanya.
"Talo?" tanong ng mas maliit na babae. Ngumisi ito. "Sa palagay ko'y malinaw na sila ang nanalo laban sa inyong armada, Kamahalan."
Nainsulto si Jiro ngunit pinigil ang sariling hiwain ang ulo ng babaeng nasa harap niya. "Sino ka? At anong ginawa mo sa mga tao ko?"
Tinaas ni Calla ang kamay at pinitik ang daliri. Gumalaw ang mga kawal at lingkod, gulat na gulat sa biglaang pagpapakita ng mga babae. Bumunot ang lahat ng espada at tinutok sa dalawang bisita.
"Ang ngalan ko'y Calla," sabi ng matangkad na babae. "At ito si Mari."
"Anong kailangan niyo?"
Isang masidhing ngiti ang gumuhit sa labi ni Mari. "Isang proposisyon, Kamahalan. Upang makipagtulungan sa'min."
Tinaas ni Jiro ang isang kilay. "Makipagtulungan? Sa inyo?"
"Alam niyo ba kung bakit kayo natatalo sa kanila?" tanong ni Calla.
"Iyon ay dahil nakikipagtulungan sila sa mga nilalang na may kapangyarihang tinatawag na Markado," pagpapatuloy ni Mari.
Nagsimula uling tumawa si Jiro, handa nang iwasiwas ang kamay upang dalhin sila palayo. Markado? Kapangyarihan? Kabaliwan!
"Narito kami upang tulungan ka, Kamahalan. Parehas tayo ng kalaban. Narinig niyo na ba ang alamat ng banal na tipan?"
Huminto si Jiro sa pagngiti.
"Kung nais niyong matalo si Kaius," maingat na sabi ni Mari, puno ng galit. "Kailangan niyo kaming dalawa."
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...