࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
k a i u s
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Pinanood ko ang pag-alis ng mga sasakyan mula sa malalaking bintana sa pasilyo. Tinitigan ko ang mahabang sasakyan ni Jiro at sinundan ito ng nakakapasong tingin hanggang mawala. Sa isang banda, nahagip ng mata ko ang pagyuko ni Anwen, ang Grand Knight ng babaeng nakaposas sa'kin ngayon at nagmamaktol, kay Emily. Tama ang mga naisip ko. Isang espiya ang Anwen na 'yun.
Dalawang rason lang ang nakikita ko para ipadala siya ni Emily dito. Isa, upang tulungan si Freja sa kanyang misyon. Mabuti naman. Malaking tulong ang kailangan ng babaeng 'to para magawa ang imposible.
Pangalawa, para siguruhing tutupad si Freja sa utos sa kanya.
Tumingin ako kay Freja na tahimik na nakatulala sa mga paa niya. Kung totoo ang pangalawa, talagang kaawa-awa pala ang babaeng 'to.
Huh.
Makaramdam ng awa para sa kaaway? "Nababaliw ka na, Kaius." bulong ko sa sarili.
Napatingin si Freja. "Ano?"
Hinila ko ang kamay namin at naglakad na.
"Hoy! Saan ba tayo pupunta?" sigaw niya.
"Hindi ba dapat, 'Kamahalan' ang itawag mo sa'kin?" Ngumisi ako. "O baka nais mo ang 'aking mahal na asawa'?"
"A-Anong asawa? Hindi tayo kasal!"
Neutral ang mukha ko. "Oo, dahil sinira ko ang kasal natin."
"Parang masaya ka pa ah," tahimik niyang sabi.
Nilingon ko siya nang kaunti. "Hindi ba dapat ikaw ang maging masaya? Ginawa ko iyon dahil alam kong matutuwa ka kung hindi ka nakasal sa'kin."
Halos lumiwanag ang mga mata niya, pagkalito at pag-asa. "Ginawa mo iyon...para sa'kin?"
Muntik kong masapak ang sarili. Umiling ako. "Mali ako ng pagkakabuo ng pangungusap. Ibig kong sabihin, anong saysay na makasal sa isang bihag?"
"...Gagawin mo ba talaga akong bihag?"
Pinag-isipan ko. "Oo... Iyon lang ang tanging paraan para panatilihin kang buhay. O mas nais mong mawalan ng silbi?"
"Nagsasayang ka ng oras," diin niya. "Hindi ako magiging kapaki-pakinabang sa'yo bilang bihag." Humina ang kanyang boses, nanginginig. "Makikipagdigma sila sa'yo kahit ako'y bihag mo. Hinihintay lang nilang patayin mo ako upang magkaroon sila ng lehitimong rason upang umaksyon sa ginawa mong rebelyon."
Dahil hindi sila maaaring mangialam sa Anja.
Sumimangot ako.
Pumasok kami sa isang mas maliit na bulwagan kung saan may mahabang mesang puno ng pagkain. Halos mapalundag ang mga lingkod nang pumasok kaming dalawa, mabilis na gumalaw sa kanilang mga paa upang pagsilbihan kami.
"Iwan niyo kami," matalim kong utos.
At sila'y lumisan.
Nang kami na lang ay mabilis ko siyang hinarap. "Alam kong makikipagdigma sila. Inaabangan ko na iyon magmula nang pasukin ko ang palasyong ito at itagos ang aking espada sa dibdib ng dating Hari."
Pumunta kami sa dulong upuan at tinanggal ko ang posas niya. Umalingawngaw ang pagbagsak nito sa sahig.
Nakita ko ang pagngilid ng luha niya.
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...