࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
f r e j a
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Nakadaan ang mga umatake sa kisame, sabi ni Cian. Kaya naman hahanap raw sila ng panibagong kwarto para sa'min ni Kaius at sisiguruhing doble ang proteksyon dito. Tumango na lang ako sa buong proseso. Nang mailipat na ng mga lingkod ang huling gamit sa bagong silid ay hindi na ako nakapagpigil.
"Cian, anong nangyari kay Anwen?" tanong ko.
Hindi kami magkakilala ni Anwen ngunit nag-aalala ako para sa kanya. Tila ba may nais siyang sabihin sa'kin nang patumbahin siya ni Cian sa aking harapan.
"Sa ngayon, ang utos ni Haring Kaius ay ikulong siya." Tinaasan niya ako ng kilay. "Sigurado ba kayong wala kayong kinalaman sa lahat ng ito?" Nagitla ako. "Ibig kong sabihin, Grand Knight niyo si Anwen at nakita ko siyang nag-eespiya sa labas ng silid niyo kagabi. Malakas ang kutob ko na kaya siya nandoon ay dahil sinisiguro niyang walang mangingialam sa pag-atake."
Kumunot ang aking noo, nasaktan sa kanyang mga sinabi. "Iniisip mong...may parte ako sa nangyari kagabi?"
"Tinanong ko iyon, Kamahalan." ngiti niya. "Tanong, hindi bintang."
Hinarap ko siya at sinamaan siya ng tingin. "Makinig ka. Kagabi'y inatake rin ako ng isa sa kanila. Muntik na rin akong mamatay 'no!"
"Kung iyan ang sabi niyo." Nagkibit balikat siya at tumalikod upang umalis.
"Teka! Nais kong makita si Anwen. Dalhin mo 'ko sa kanya!"
Tumigil si Cian sa kanyang paglalakad at hinarap ako, nagtataka.
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
Hinatid ako ni Cian sa ilalim ng Galeon kung saan naroroon ang kulungan. Hindi tipikal na mga rehas ang harang, kundi modernong uri. Hindi nakikitang kuryente. Tila ba kahit anong oras ay makakalaya ang sinuman na makukulong sa isang selda dito. Kung hindi lang sa mahinang hum ng kuryente ay baka sinubukan ko nang pumasok sa isa.
"Anwen," sabi ko nang makita siya sa dulo. Agad siyang nag-angat ng tingin mula sa pagkakaupo sa sahig.
"Reyna," sagot niya at lumuhod kahit nakakulong.
Tinaasan siya ng kilay ni Cian. "May gana ka pang magpanggap na ginagalang mo siya o magkasabwat kayo. Isa lang sa dalawa ang rason sa nakikita ko ngayon."
"Cian," banta ko. Ngunit ngumiti lang siya at nagsimula nang umalis.
"Wala akong interes sa pag-uusap niyo kaya aalis na ako, Kamahalan."
Tss. Pareho silang walang modo ni Kaius. Siguro kaya naging masama ang ugali ni Kaius ay dahil din kay Cian, ano? Nakakainis sila. Pinilit kong ngumiti habang tinitignan ang mukha ng aking knight. "Pasensya na. Parang hindi kasi ako gusto ni Cian eh."
"Mukhang ako rin," ngiti ni Anwen. "Katulad siya ng kanyang pinaglilingkuran. Walang tiwala sa mga nakapaligid sa kanila."
Natuwa ako. "Ibig bang sabihin, magkatulad din tayo, Anwen?"
"Po?"
"May tsansa kayang magkapareho tayo ng ugali?"
Kumurap-kurap siya at isang emosyon na malambot ang dumaan sa kanyang mukha. "Hindi ko po alam."
Umupo siya sa sahig.
Kaya umupo rin ako kahit puti ang aking bestida.
"Kamahalan! Ang damit niyo-"
"Hayaan mo na," ngiti ko. "Nais kong... makausap ka. Alam mo kasi, ngayon lang ako nagkaroon ng knight. At wala pa akong kaalam-alam. Base sa nakikita ko sa mga kapatid ko, nagiging kaibigan nila ang mga knight nila?"
"Siguro," sagot ni Anwen. "Sa iba'y gamit lang ang tingin nila sa mga tulad ko. Ang iba'y kapatid na ang turing. Depende na iyon, Kamahalan."
Ipinagkrus ko ang mga binti at sabik na lumapit. "Anwen, maaari mo ba akong tawagin lang na Freja?" Tumitig siya. "Kahit ngayon lang?"
"Reyna, iyan ay-"
"Mas matanda ka sa'kin, diba? Pwede ba kitang ituring na ate?" Sumimangot ako at pinaglaruan ang mga daliri. "Kasi...'yung mga ate ko... hindi nila ako tinuturing na kapatid. Kaya... hindi ko alam ang pakiramdam na alagaan ng isang ate."
Ngumiti ako sa kanya at tumitig siya sa'kin. Napuno ako ng lungkot. Hindi ko alam kung gaano ako kadesperada sa isang kapatid hanggang ngayon. "Buong buhay ko, ginawa ko ang lahat para mapansin ng mga ate ko. Pinanood ko silang maglagay ng kolorete sa mukha at maglakad ng elegante at dalhin ng taas noo ang mga bestida nilang kumikinang.
Ngunit wala sa kanila ang tumingin sa'kin. Kahit si ate Milly ay kinakausap lang ako kung may kailangan. Walang nagtuturo sa'kin kung paano magtirintas. Walang ate na magkekwento sa'kin tungkol sa gwapong prinsipe sa sayawan. Wala."
Suminghot ako at pinunasan nang marahas ang mga mata.
"Buong buhay ko, pakiramdam ko lagi akong mag-isa."
Yumuko si Anwen at matagal na hindi nagsalita. "May nakababata akong kapatid na babae," kwento niya. "Pero...wala na siya."
"Wala na siya?"
"Umalis siya sa bahay. Naglayas. Sabi niya hindi niya na kayang kontrolin ng pamilya namin ang buhay niya." Sumandal siya sa pader at ngumiti. "Napakaganda pa naman ng ngiti niya. Mga tatlong taon ko na rin siyang hindi nakikita."
Nakakalungkot naman iyon. At nakakainggit. Naglayas siya at ngayo'y wala nang kumokontrol sa buhay niya. "Anong pangalan niya?"
Tumingin si Anwen sa pader. "Ekko."
Ekko.
Nakakatuwa naman ang pangalan niya. "Kapag nagkaroon tayo ng panahon, hanapin natin siya."
Nanlaki ang mga mata ni Anwen. "T-Talaga?"
"Oo naman!" ngiti ko. "Nalulungkot na rin siguro siya dahil hindi ka niya kasama."
Napuno ng luha ang mga mata ni Anwen at sa tingin ko, kung wala lang harang sa pagitan namin ay nayakap ko na siya. Bagkus, binigay na lang niya sa'kin ang isang matamis na ngiti.
"Salamat, Freja." Napuno ang dibdib ko ng init at saya. "Ngunit ikinakatakot kong hindi na natin magagawa iyon."
"B-Bakit naman?"
"Mamayang hapon, ipapapatay na ako."
࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇
BINABASA MO ANG
Anja Trilogy 01: Khragna
Fantasy♟️Book #1. "Ngunit kaninong buhay ang presyo ng iyong hiling?" Isinakripisyo si Freja upang ipakasal kay Kaius-- ang kinakatakutan ng lahat dahil sa pagiging mamamatay-tao at mang-aagaw ng trono ng Anja. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti niyang n...