CHAPTER 37

57.9K 1.2K 27
                                    

Nakatanaw na naman si Cloud sa labas ng bintana ng opisina ni Hernan Salve, ang kanyang biyenang lalaki na nakaratay sa ospital at siyang dahilan ng lahat ng gumugulo sa isipan at puso niya ngayon.

Kung hindi dahil sa pagmamakaawa ng matandang lalaki ay hindi siya mapipilitang magpanggap na sumasalba sa negosyo nito. Hindi pa nalulugi ang negosyo gaya ng alam ng karamihan. Sinadya ng matandang palabasin na nalulugi ang kompanya upang may dahilan itong ibenta iyon sa kanya.

Ang kapalit? Ang anak nitong si Lorraine. Lingid sa kaalaman ng lahat, at kahit ni Lorraine, sa babae ipinamana ng matanda ang kompanya. Ginawa lang siyang instrumento nito upang maging legal ang lahat. Hindi nga naman maipapamana ng matanda ang kompanya kay Lorraine dahil anak lang ito sa labas.

Napabuntong hininha siya nang maalala na naman si Lorraine, ang kanyang asawa. Inaamin niyang nangungulila siya sa mga haplos, yakap at halik nito ngunit kailabgan na niyang pigilan ang sarili.

Ayaw na niyang masaktan pa. Kung dati ay dinurog nito ang puso niya, ngayon ay pinulbo na nito.
Gusto na niyang iumpog ang ulo sa semento upang matauhan. Kahit kailan ay hindi siya mamahalin ng asawa. Ilang beses na nitong ipinamukha sa kanya iyon pero nagbulagbulagan siya.

Unang kita pa lamang niya sa larawan nito na kasama si Sophia noong mga bata pa lamang sila ay nakuha na nito ang atensyon niya. First love kumbaga. Napakaganda kasi nito.

Ito ang dahilan kung bakit siya lumuwas ng Maynila upang doon mag high school. Ipinangako niya sa Lolo niya magiging asawa niya si Lorraine pagdating ng panahon at dadalhin niya sa hacienda. Ngunit hindi pala madali ang lahat.

Hindi siya nagustuhan ng babae. Ni katiting na amor ay wala ito para sa kanya. Sa palagay niya nga'y pinandidirihan siya nito. Hindi naman lingid iyon sa kaalaman niya dahil sa tuwing nagtatangka siyang lumapit dito dati ay sinisinghalan siya nito.

Nalaman pa niya sa kapatid niyang si Sophia na may napupusuan daw si Lorraine na ibang lalaki, si Raphael. Kilala niya ang lalaki dahil photographer ito ng School Magazine nila kasama si Ian. Siya kasi ang Presidente ng Supreme Student Council. Lamang ito sa kanya sa hitsura at kasikatan. Grades lang yata ang maipagmamalaki niya rito.

Dahil natatakot siyang maungusan ni Raphael ay nagtapat siya kay Lorraine ng pag-ibig sa gitna ng campus nila. Gumastos siya ng malaki noon at bumili ng sangkaterbang bulaklak. Ngunit imbes na matuwa ang babae'y sinigawan at hinamak siya nito. Hindi pa ito natuwa at sinampal siya. Binigyan niya raw ito ng malaking kahihiyan.

Simula noon ay sinubukan niyang layuan ang babae lalo pa't nalaman niyang naging magkasintahan ito at si Raphael. Naging hot couple ang dalawa sa eskuwelahan nila. Sa tuwing dumadaan ito kasama ang kapatid niya't si Leah ay tumatabi siya at umiiwas.

Nang ipadala siya at pinag-aral ng mga magulang sa America ay tuluyan nang nawala ang pag-asa niya sa babae. Pero kahit nasa America na ay updated pa rin siya sa buhay nito. Nandoon nga siya noong tinanghal itong first runner up sa Ms. Universe, hindi nga lang siya nagpakita. Proud siya para sa babae.

Kahit noong nagkaroon siya ng dalawang karelasyon ay hindi nawala ang pagmamahal niya rito. Malamang kaya hindi nag work out ang relasyon niya sa iba dahil laging si Lorraine ang isinisigaw ng puso niya.

Nang umuwi siya ng Pilipinas at pamunuan ang negosyo ng pamilya niya'y nakilala niya ang ama ni Lorraine. At iyon na ang hudyat ng lahat. Tutol man siya sa gusto nitong mangyaring pakasalan niya ang anak nito'y kinagat niya pa rin iyon. Iniisip niyang iyon ang huling alas niya upang mapaibig si Lorraine.

Muli siyang napabuntong hininga habang tinitingnan ang mga larawang kuha nito sa labas ng pinto ng isang condominium unit. Ang unang larawan ay ang pagpasok nito doon. Pangalawa ay lumabas itong magulo ang buhok at damit, lilis pa ang bra.

Pangatlo at ang pinakamasakit na larawan ay ang pagyayakapan nito at ni Raphael. Parang tinarakan ng napakatalas na kutsilyo ang puso niya. Matagal na niyang alam na may komunikasyon ito at si Raphael. Makailang ulit niya itong nariringgang kausap ang lalaki sa cellphone.

Ipinadala ang mga larawang iyon sa kanya ni Leah. Halatang gusto nitong makaganti sa asawa niya. Kailangan pa niyang ipahanap si Leah upang kunin ang original copies ng mga larawang iyon. Mahirap na lalo pa't napag-alaman niyang wala na sa tamang katinuan ang babae.

Baka ipagkalat nito ang mga nga larawang iyon at masira pa ang imahe ng asawa niya. Tiyak na masasaktan ng husto si Lorraine kapag nagkataon.
Ganoon niya ito kamahal, na kahit binubuhusan na nito ng acido ang sugatan niyang puso'y kapakanan pa rin nito ang iniisip niya.

Pero wala talaga.
Ang akala niya'y natutunan na siya nitong mahalin sa mga araw na nagdaan na magkasama sila. Nitong mga huling araw kasi ay naging sobrang malambing ito.
Isa lamang pala iyong maling akala. Wala siyang puwang sa puso nito.

At napapagod na siya.
Buong buhay niya, kaligayahan lagi nito ang inuuna niya. Paano naman siya? Kailan ba siya liligaya? Patuloy na lamang ba siyang magbubulag-bulagan at masasaktan? Hahayaan na lang ba niyang tapaktapakan nito ang ego niya?

Nawawalan na siya ng pag-asa. Ayaw niya sanang sumuko at patuloy na ipaglaban ang pag-ibig niya rito ngunit wala siyang nakikitang saysay. Wala siyang nakikitang patutunguhan ng lahat ng iyon. Gusto na rin niyang lumigaya at makahanap ng totoong magmamahal sa kanya.

Hindi na siya bumabata, kailangan rin niya ng totoong pamilya. Kailangan na niya ng mga anak at asawang susuporta sa kanya.

Kung talagang hindi sila ang para sa isa't isa ni Lorraine, palalayain na niya ito at ibabalik sa totoong nagmamay-ari ng puso nito. At siya, kahit nasasaktan ay maghahanap na lang ng totoong taong kaya siyang ipagmalaki at mahalin ng lubusan.

Napalingon siya sa pintuan nang biglang bumukas iyon.
At doon, pumasok ang babaeng dahilan ng lahat ng sakit sa kalooban niya. Ang babaeng kahit kailan ay babaunin niya ang pag-ibig hanggang kamatayan.
Ang babaeng hindi nararapat sa kanya...



"Cloud..." tila naiiyak na bigkas nito sa pangalan niya habang nakatingin sa kanya.



Gusto niyang salubungin ito ng yakap at halik dahil sa pangungulila. Ilang araw na iniwasan niya ito.
Kinapa niya ang sariling damdamin. Ang akala niya'y manhid na siya ngunit nandoon pa rin pala ang sakit. At nilalamon na siya niyon.

The Beauty And The BILLIONAIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon