Labing-Siyam at Isang Segundo

803 1 0
                                    

Isa... Dalawa... Tatlo...
Sa di inaasahang pagkakataon, nagkakilala tayo.
Nang magkasalubong ating mga mata, napatitig ako.
At para bang tumigil muli sa pag-ikot ang mundo.

Apat... Lima... Anim... Pito...
Ano nga ba ang tawag sa nararamdaman ko?
Di ko inakalang mararanasan ko ang bagay na ito.
Sa loob ng ilang segundo, nahulog na ko sayo.

Walo... Siyam... Sampu... Labing-isa...
Sa mga sandaling iyon, ang iyong mga mata lang ang aking nakikita.
Mga mata na kumikinang na parang mga tala sa kalangitan.
Tulad ng mga tala, ang iyong mga mata'y kay sarap titigan.

Labing-dalawa... Labing-tatlo...
Mas lalo akong napatitig nang ako'y nginitian mo.
Ngiti na nagpapatigil ng ulan at nagpatingkad ng iyong kagandahan.
Dahil sa ginawa mo nahulog na nga yata ako ng tuluyan.

Labing-apat... Labing-lima...
Mali ba na ako'y patuloy pa rin na umaasa?
Umaasa na baka parehas tayo na ng nadarama para sa isa't-isa?
Mali ba na mangarap na balang araw ay magiging akin ka?

Labing-anim... Labing-pito...
Sabihin mo na ako rin ay iniibig mo.
Sabihin mo na ako ang gusto mong makasama.
Kahit ngayon lang, sabihin mo na may pag-asa pa.

Labing-walo... Labing-siyam...
Ang iyong matamis na "Oo" ang aking inaasam-asam.
Nais kong magkaroon ng "tayo" kahit ngayon lang, irog ko.
Iparamdam mo sakin, kahit ngayon lang, na ako'y mahal mo.

Isa... Dalawa... Tatlo...
Ang tunog ng kampana ay dinig na dinig ko.
Ito na ang araw na pinaka-hihintay ko, mahal.
Araw na kung saan natupad na ang pangarap ko na sa iyo'y maikasal.

Isa-isang pumatak ang mga luha na naipon sa'king mga mata.
Bakit ba ko umiiyak? Di ba dapat ako ay masaya?
Hanggang sa imahinasyon ko ba'y di pa rin ako ligtas?
Paano ba ko makakaligtas sa sakit na dala ng realidad na aking dinadanas?

Apat... Lima... Anim...
Ang aking mundo'y unti-unting sinasakop ng dilim.
Hinintay pa rin kita na makarating sa altar na kinaroroonan ko.
Kahit sa imahinasyon ko man lang, sana'y maramdaman ko ang halik at yakap mo.

Sunud-sunod na ang pagpatak ng aking mga luha.
Bakit ang bagal-bagal mong maglakad, sinta?
Ngunit, ayos lang yun dahil di na yun mahalaga.
Makita ka lamang naglalakad papalapit sa akin ay sapat na.

Pito... Walo... Siyam...
Kung makakaabot ka pa ba sa oras ay hindi ko na alam.
Kahit gaano ka pa kabagal, ang maghihintay pa rin ako.
Kahit pa abutin pa ko ng ilang araw dito.

Sampu... Labing-isa... Labing-dalawa...
Ang bawat hakbang mo'y may katumbas na luha.
Di ko na maiwasang maiyak habang pinapanood kita.
Mahal, pakiusap bilisan mo na dahil hindi ko na kinakaya.

Labing-tatlo... Labing-apat... Labing-lima...
Tatlong hakbang pa mahal, malapit ka na.
Malapit ko na mahawakan ang iyong mga kamay.
At oras na ito'y aking mahawakan, hinding-hindi ko na ito bibitawan hangga't ako'y nabubuhay.

Labing-anim... Labing-pito...
Sa wakas, ika'y nasa harap ko na at nakatitig sa mga mata ko.
Bumungad sakin ang iyong matamis na ngiti na aking lubos na hinahangaan.
Kung nakakapagsalita ka lamang, ang aking madadama'y labis na kasiyahan.

Labing-walo... Labing-siyam...
Narinig ko na rin mula sayo ang sagot na aking inaasam.
Di rin nagtagal ay naglaho ang lahat na parang bula.
Unti-unti kang nawala sa paningin ko at di na kita makita.

Iminulat ko ang aking mga mata at pinunasan ang aking mga luha.
Nagbibilang nanaman pala ako tulad ng palagi kong ginagawa.
Ngunit hanggang ngayon, hanggang labing-siyam pa rin ang aking kinakaya.
Bakit nga ba hindi ko magawang ipagpatuloy pa?

Madaming pwedeng magbago sa loob ng isang segundo.
Yan ang napatunayan ko noong nagkalayo tayo.
Madaming taon na ang lumipas ngunit naaalala ko pa rin.
Kung paano nabasag ng isang segundo ang puso kong masayahin.

Sa labing-siyam na segundo, buo pa rin ang puso ko.
Ngunit pagkalipas ng isang segundo, ito ay iyong binago.
Parang usok, ika'y biglang naglaho.
Di mo man lang sinabi sakin kung ano ang nararamdaman mo.

Sa loob ng isang segundo, gumuho ang mundo ko.
Nakita ko kung paano ka biglang napaupo.
Nakita ko kung paano dumanak ang iyong dugo.
Naririnig ko pa rin hanggang ngayon ang sigawan ng mga tao.

Bakit ikaw pa? Bakit ikaw pa ang kinuha?
Bakit hindi nalang ako ang tinamaan nung bala?
Gusto kong ipikit ang mga aking mga mata at isiping panaginip lamang ito.
Ngunit ang tunog ng pagputok ng baril ay umaalingawngaw sa mga tenga ko.

Sana pala ginamit ko nalang ang huling labing-siyam na segundo para umamin sayo.
Sana pala hindi nalang kita inayang lumabas para makapag-usap tayo.
Hindi ko inakalang yun na ang huling beses na makakasama kita.
Yun na pala ang huling araw na masisilayan ko ang iyong mukha.

Magbibilang muli ako mahal, dahil nais kong makita ka.
Nais ko munang mabuhay sa sarili kong pantasya.
Ayoko munang kumawala mula sa tanikala ng kahapon.
Nais ko munang sumaya sa imahinasyon ko kung saan kasama pa rin kita doon.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now