Isang Pag-alala

218 1 0
                                    

Sa nakalipas na labing-pitong taon ng aking buhay, naroon ka.
Umaalalay, gumagabay, at itinuturo kung ano ang tama.
Marami kang ipinagbawal, marami ka ding paalala.
Mga bagay na nais mong dalhin ko hanggang sa aking pag-tanda.

Hindi ka perpekto, subalit itinuro mo sakin ang salitang, "respeto".
Itinuro mo na dapat totoo ako sa aking kapwa at sarili ko.
Ikaw yung babaeng minahal ko nang buong puso.
Oo minahal kita, pasensya na kung hindi ko naipakita iyon sayo.

Itinuro mo sa akin ang magdasal at manalig sa ating Ama.
Itinuro mo sakin na magtiwala sa mga plano Niya.
Pinipilit mo kong magdasal, kahit alam mong malilimutan ko lang iyon muli.
At sa bawat araw na nakikita kita, palaging may ngiti sa iyong mga labi.

Kadalasan, hindi ka nakikinig sa kanilang mga paalala.
Lahat ng iyong gusto'y palagi mong ginagawa.
Kahit pa alam mong bawal iyon sayo, gagawin mo pa din.
Bilang lamang ang mga oras na kung saan nakikinig ka samin.

Hindi ako mabuting tao, matigas ang ulo ko.
Hindi ako naging mabait o masunurin sayo.
Tama, ganyan ang ugaling ipinakita ko sa harapan mo.
Ibang-iba sa mga mabubuting asal na iyong itinuturo.

Batid kong nasasaktan kita sa bawat pag-suway ko sayo.
Batid kong nalulungkot ka sa biglaan kong paglayo.
Batid kong hinihiling mo noon na sana awitan ulit kita.
Subalit, huli na para makabawi pa ko sayo, hindi ba?

Sa araw ng Lunes, bagong taon na.
Bagong taon na haharapin ko nang wala ka.
Isang panibagong taon na sasalubungin ko nang lumuluha.
Isang panibagong taon na mapupuno ng lungkot at pangungulila.

Noong nandito ka pa, bihira kita madalaw at makita.
Ngayong wala ka na, gusto kong hanapin ka at palagi kang makasama.
Gusto kong isipin na panaginip lamang ang lahat ng ito.
Gusto kong isiping lahat ng ito ay biro lamang at nandito ka pa sa piling ko.

Labis na pagsisisi ang aking nadadama.
Pinagsisisihan ko iyong mga araw na hindi kita kinakamusta.
Gusto kong ibalik ang oras para lang yakapin ka.
Yakapin at sabihin sa iyo na, "mahal na mahal kita".

Nang dahil sa isang sakit, tuluyan ka nang nawala.
Bumigay ang katawan, ipinikit ang mga mata, at tuluyan nang nagpahinga.
Lahat ng iyan ay nangyari nang wala ako sa iyong tabi.
Kung kaya't batid kong hindi agad maiibsan ang nadadama kong hapdi at paghati.

Ikaw ang nagsilbing ikalawang ilaw sa aking buhay.
Isa ka sa mga taong nagbigay dito ng kulay.
Isa ka sa mga taong itinuro sakin kung ano ang tama.
Isa ka sa mga taong nagpadama sa akin ng ligaya.

Salamat, maraming salamat sa lahat ng iyong ginawa para sakin.
Salamat sa mga aral at payo na aking bibitbitin.
Pasensya na kung naging matigas ang ulo ko sa iyo.
Hayaan mo, gagawin ko ang makakaya ko para maging isang mabuting tao.

Siguro'y tapos na ang plano na ibinigay sayo ng ating Ama.
Kaya siguro naisipan Niya na kailangan mo nang magpahinga.
Natutuwa ako dahil alam kong hindi ka na mahihirapan pa.
Nakalulungkot lamang dahil kami'y iniwanan mo na.

Ito ang tula na isinulat ko gamit ang tinta ng kalungkutan at aking mga luha.
Isang tulang puno ng lungkot, pagsisisi, at pangungulila.
Isang tulang isinulat ko bilang pag-alala sa kanya.
Isang tulang iniaalay ko sa pinakamamahal kong lola.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now