Kayo Muna

145 0 0
                                    

Iminulat ang mga mata sa panibagong umaga.
Kaagad bumangon at sinimulang ayusin ang kama.
Isang gabi nanaman ang lumipas, hindi pa din nakakauwi ang asawa.
Isang tipikal na araw lamang ito para kay Ginang Maria.

Isang tasa ng kape lamang ang kanyang agahan.
Pagkatapos ay kinuha ang pandesal upang lagyan ng palaman.
Hindi niya iyon binawasan o kinagatan.
Sa halip, inilapag niya lamang mga pagkain sa isang pinggan.

Pagkalipas ng ilang minuto, bumaba na ang kanyang bunso.
Sumunod ang panganay na nag-aaral na sa kolehiyo.
Kumakalam man ang sikmura, nginitian niya ang mga ito.
Sabay sabi ng katagang, "Kumain na kayo dito."

Habang kumakain ang kanyang mga supling, inaayos niya ang mga uniporme ng mga ito.
Isa-isang hinahagod ng plantsa ang gusut-gusot na mga blusa at polo.
Sunod naman ay kanyang sinilip ang banyo.
Sinisigurong hindi madulas ang sahig at hindi barado ang inidoro.

Nang makaligo na ang bunso, sunod na pumasok sa banyo ang panganay.
Habang si Ginang Maria ang nagsisilbing bantay.
Sa nahihirapang bunso, siya ang gumabay.
Isa-isang binutones ang polo kahit namamanhid na ang mga kamay.

Nang umalis ang mga anak, naiwang mag-isa sa bahay si Ginang Maria.
Kaagad niyang sinimulang linisin ang mga kalat sa lababo at mesa.
Nagwalis ng sahig, inayos ang mesa, nagtapon ng mga basura.
Tanging musika ang naging kasama habang siya'y abala.

Tumutulo ang pawis, napaupo siya sa papag na sa gabi'y nagsisilbing kama.
Ang walis at basahan ay inilapag muna.
Huminga ng malalim, sandaling nagpahinga.
Pagkaraan ng ilang minuto, bumangon muli siya.

Umuwi na ang asawang hinihintay niya.
Iniabot sa kanya ang sobreng naglalaman ng pera.
Maliit ang halaga, kaya kailangan tipirin upang mapagkasya.
Sinimulan niyang asikasuhin ang kanyang pinaka-mamahal na asawa.

Tahimik niyang hinugasan ang mga pinggan sa lababo.
Palubog na ang araw, hindi pa din siya nakakaligo.
Binaliwala ang nangangalay na mga braso at ang sumasakit na ulo.
Pauwi na ang kanyang mga anak kaya kailangan na niyang magluto.

Malalim na ang gabi nang matapos na niya ang mga gawain.
Ang pagod at nananakit niyang katawa'y hindi binigyang-pansin.
Sa kanyang asawa at mga anak lamang nakatuon ang kanyang paningin.
Nakangiting ibinulong ang pangakong hinding-hindi niya babawiin.

"Kayo muna bago ako.
Iyan ang aking ipinangako.
Umasa kayong hinding-hindi iyan mapapako.
Para sa inyo, handa akong mag-sakripisyo.
Mamahalin ko kayo ng buong puso.
Hanggang sa huling hininga, mananatili ako dito.
Kayo ang uunahin sapagkat sa kuwento ng buhay ko, kayo ang kumumpleto."

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now