Sundalo

616 4 0
                                    

Ayoko sanang lumayo at sumuko.
Gusto ko pa sanang manatili dito sa tabi mo.
Pero ano pa nga bang magagawa ko?
Kung iba na ang may hawak ng iyong puso?

Ilang taon ang itinagal, ngunit napunta rin naman sa wala.
Ako lang ang may maling nagawa, hindi ba?
Sa ating dalawa, alam kong ako lang ang may mali.
Hindi man sigurado, hindi ko pa rin maiwasang sisihin ang aking sarili.

Naaalala ko pa nung nahulog ang loob mo sa iba.
Kung tunay ngang minahal mo ko, hindi mo dapat yun nagawa.
Subalit, mali man sa aking paningin, minahal pa rin kita.
Dahil alam kong may mga pagkukulang ako na sa kanya mo nakita.

Ramdam kong hindi ka na babalik pa sa piling ko.
Kaya unti-unti na kong tumitigil sa kakaasang magkakaroon ulit ng "tayo".
Pasensya na kung ngayon ko lamang ito napagtanto.
Na napapagod at sumusuko din pala ang puso ng isang tao.

Ikaw yung UNA kong minahal at minamahal nang ganito.
Pero kahit ikaw ang UNA ko, mukhang hindi ikaw ang makakasama ko sa dulo.
Ayoko nang guluhin pa ang tahimik na pamumuhay mo.
Gusto kong maging maligaya ka, kahit hindi na ako ang nagpapasaya sayo.

Unti-unting bibitawan ang espadang nasa kamay.
Unti-unting kakalimutan na naging parte ka ng aking buhay.
Mahirap man ang proseso, sisimulan ko nang humakbang papalayo.
Kung sa simula palang tapos na ang giyera, bakit pa lalaban ang sundalo?

Ang sundalo'y sumuko na, yan ang sabihin mo sa kanila.
Sabihin mo sa kanila na ang puting bandera'y iwinawagayway ko na.
Titigil na muna sa pag-laban, dahil ang lakas ko'y naubos.
Masyado akong naubos nang dahil sa pagmamahal sayo nang lubos.

Ayoko sanang ibaba ang baril na aking hawak.
Balak ko pa sanang hintaying pumuti ang uwak.
Subalit may mga bagay na imposible nang mangyari.
Tulad ng kasabihan, imposibleng maibalik ko pa ang dati.

Yung dati na kung saan palagi tayong magkasama.
Yung dati na kung saan ako ang dahilan ng iyong pag-ngiti at pagtawa.
Yung dati na kung saan ako pa ang minamahal mo.
Yung dati na kung saan mayroon pang "tayo".

Gusto ko pa sanang lumaban, gusto ko pa sanang protektahan.
Ipaglaban at protektahan ang ating  nakaraan.
Gusto ko pa sanang sumugod, gusto ko pa sanang tumayo.
Sumugod at tumayo para lamang sayo.

Pero, sa simula palang ng giyera, alam kong ako'y natalo na.
Dahil minahal kita nang sobra-sobra at ibinigay ang buong tiwala.
Ibinuhos ko ang lahat ng pagmamahal ko sa iyo.
Nakalimutan kong magtira para sa sarili ko.

Ayoko sanang magpaalam at tanggapin ang pagkatalo.
Ayoko sanang itaas ang aking mga kamay bilang tanda ng pagsuko.
Ayoko sanang umalis at maglakad papalayo.
Dahil sa bawat hakbang, nadudurog ang aking puso.

Ako yung prinsesa na naging kawal.
Ako yung reyna na naging alipin nang dahil sa pagmamahal.
Ako yung pinuno na naging sundalo.
Lahat ng iyan nagawa ko dahil sa pag-ibig ko sayo.

Ipaglalaban pa sana kita hanggang kamatayan.
Subalit sa gitna ng laban, ako'y iyong iniwanan.
Iniwanan mo kong duguan, sugatan, at mag-isang lumuluha.
Dahil mas masakit pa ang iyong ginawa kesa sa mga tama ng bala.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now