Isa Para Sa Lahat

275 3 0
                                    

(Requested)

Nagsimula ang lahat sa isang chat mula sa kanya.
Isang "Hi!", isang "Hello", na nadugtungan at humaba.
Sumunod ang kamustahan, napunta sa asaran.
Hanggang sa sinabi mo na gusto mo kong ligawan.

Hindi kita kilala sa personal.
Kaya hindi ako sigurado kung tunay nga ang iyong pagmamahal.
Hindi ako nagdalawang-isip na ika'y tanggihan.
Mas piniling magkaroon ng mataas na marka kaysa magkaroon ng kasintahan.

Tama, tinanggihan kita.
Ang iyong nadadama'y aking binaliwala.
Mahal mo ko, samantalang ako walang pakialam sayo.
At hindi ko pinagsisihan ang naging desisyon ko.

Minsan sa ating usapan, nabanggit mong lilipat ka ng paaralan.
Lilipat ka sa paaralan na nais ko sanang pasukan.
Agad kong naisip na pumili na lamang ng iba.
Hindi ko din alam kung bakit parang iniiwasan kita.

Nawalan tayo ng koneksiyon sa isa't-isa.
Ang chat at kamustahan, naglaho na parang bula.
Hindi ako nabahala sapagkat matagal na kitang binaliwala.
Ni minsan hindi ko naisipan na kausapin o kamustahin ka.

Hanggang sa dumating ang araw na ika'y nagparamdam muli.
Nagparamdam at nangumusta tulad ng ginagawa mo palagi.
Bilang isang kaibigan, kinausap kita.
Kinamusta at tinanong kung may kasintahan ka na ba.

Ilang ulit kitang tinanong subalit paulit-ulit kang tumanggi.
Itinanggi mo na may kasintahan ka at iyan ang sagot mo palagi.
"Wala akong girlfriend.", iyan ang iyong isinasagot sa akin.
Kung kaya't hindi na kita binalak pang kulitin.

Naisipan kong lumipat ng eskuwela.
Hindi naman iyon mahirap sapagkat ang mga pagsusulit dito'y matagal ko nang naipasa.
Ikaw. Ikaw talaga ang dahilan kung bakit ko iyon naisipan.
Nais ko kasing makita ka sa personal at makausap nang harapan.

Sa wakas, dumating na ang araw na kung saan makikita na kita.
Maaari nang mabawasan ang nadadama kong pagdududa.
Siguro'y pwede na kitang makausap nang harapan.
Yung tipong wala nang mangyayaring taguan.

Taguan ng impormasyon, taguan ng sikreto.
Mga bagay na nagagawa sa chatbox ng isang tao.
Siguro naman, malalaman ko na kung nagsasabi ka nga ba ng totoo.
Kung tunay nga bang nais mo kong ligawan dahil mahal mo ko.

Sa ilalim ng bughaw na kalangitan, nasilayan kita.
Pakiramdam ko tumigil ang oras sa sandaling nagtama ang ating mga mata.
Ito na ba? Ito na ba yung tinutukoy nila?
Ito na ba ang sinasabing, "pag-ibig sa unang pagkikita"?

Ako'y natulala sa taglay mong karisma.
Para bang nakalimutan ko na kung paano magsalita.
Pag-ibig na nga ba ang aking nadadama o ito ba'y paghanga?
Puso'y di mapakali, parang nakikipagkarera.

Lumipas ang ilang araw, naging malapit tayo sa isa't-isa.
Kumakain sa labas, nanonood ng sine, at gumagala.
Sobra-sobra ang saya na aking nadama subalit ako'y nagtaka.
Dahil kapag kasama kita, mayroon kang pinagkakaabalahan na iba.

Palagi kang may kausap sa iyong telepono.
Sa tuwing nagtatanong ako, agad mo iyon itinatago.
Ako'y nagtaka, ako'y naghinala.
At tulad ng kasabihan, tama nga ang aking nadama.

Pagsilip ko sa iyong telepono, may nabasa akong pangalan.
Isang babaeng mag-aaral din sa pinapasukan nating eskuwelahan.
At base sa aking nabasa, mukha kayong... Naglalandian.
May tawagan, may lambingan, mga tipikal na bagay na ginagawa ng magkasintahan.

Mukhang nakakatuwa ang inyong pinag-uusapan.
Tungkol ito sa iyong... Kasintahan?
Pero, teka sandali lang, ako'y naguguluhan na ngayon.
Kung may kasintahan ka na pala, ano ang inyong koneksyon?

Dumaan ang ilang segundo, isang sagot ang pumasok sa aking isipan.
Para bang ilaw na biglang nasindihan.
At base sa aking mga nabasa't nalaman, mukhang hindi ito malabo.
Hindi malabo ang katotohanang pinagsasabay-sabay mo kaming tatlo.

Masakit man sa damdamin, tinanggap ko ang katotohanan.
Katotohanan na isa ako sa iyong mga pinaglalaruan.
Mahirap man, pinilit kong gisingin ang aking puso.
Dahil lalo lang akong masasaktan pag ipinagpatuloy ko pa ito.

Ilan ba kami sa larong ito?
Madami ka pa bang isinali na mga manlalaro?
Tatlo lang ba ang pinapaikot mong trumpo?
O mas madami pa pala kami sa inaakala ko?

Dumating ang araw na kung saan sinampal na kami ng realidad.
Realidad na nagsasabi na ang pag-ibig mo'y huwad.
Isang malaking gulo ang nangyari sa harapan ko.
Isang gulo na nangyari nang dahil sa kalokohan mo.

Hindi ako nakisali, hindi dahil sa ako'y duwag.
Hindi ako sumali dahil mas lalo lang akong mababasag.
Ayokong makipasiksikan lalo na kung wala naman talaga akong lulugaran.
Ayokong ipilit ang sarili ko sa taong nagawa akong paikutin at saktan.

Ngayon heto ako, napapalibutan ng mga taong mapanghusga.
Mga taong nagpapanggap na kaibigan ko sila.
Mga taong binabato ako ng masasakit na salita.
Dahil isa ako sa mga pinaglaruan mo at pinaasa.

Nandito pa din ang mga alaala ng iyong pagmamahal na inakala kong tapat.
Nagkamali ako sapagkat hati-hati pala kami sa bidang prinsipe sa aklat.
Para kang social media na kung saan may access ang lahat.
Isa para sa lahat, sa ating istorya'y sumakto ang pamagat.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now