MaPa

649 7 2
                                        

Hindi ko alam kung paano ko ba ito sisimulan.
Dapat ba akong gumamit ng isang kasabihan?
O gagamit ba ko ng isang salita na maaaring dugtungan?
Paano? Ano nga ba ang magandang paraan?

Ito'y isang piyesa na naiiba ang tema.
Isang uri ng tema na marahil ay nagawa na rin ng iba.
Ito'y isang tula na isinulat ko bilang isang regalo.
Regalo para sa dalawang tao na mahalaga sa buhay ko.

Tama, ang piyesa na ito ay para sa kanilang dalawa.
Isang piyesang puno ng pagmamahal ko para sa kanila.
Isang regalo na buong puso kong iniaalay.
Sapagkat ang mga salita dito'y tapat at tunay.

Mula sa simula, sila na ang aking mga kasama.
Sila ang una kong nasisilayan sa bawat umaga.
Sa tuwing ako'y nalulungkot, palagi nila akong pinapasaya.
Sila ang aking nilalapitan sa tuwing ako'y may problema.

Sa kanila ako tumatakbo kapag ako'y nasasaktan.
Sila ang sumasalubong sa akin kapag wala na akong malapitan.
Ginagamot nila palagi ang mga sugat na aking natatamo.
Mga sugat na bunga ng katigasan ng aking ulo.

Lahat ng kanilang utos ay aking sinusuway.
Mas pinili kong palakihin ang aking mga sungay.
Lahat ng kanilang mga paalala'y aking binabaliwala.
Mas pinili kong magalit at isiping nangingialam lamang sila.

Sila ang palaging tumatanggap sa akin.
Hindi ko din alam kung paano pa nila ako nagagawang tanggapin.
Hindi ako mabait, mas lalong hindi masunurin.
Wala akong ibang ginawa kundi sila ay suwayin.

Kaya paano? Paano pa nila iyon nagagawa?
Bakit parang hindi yata sila nagsasawa?
Hindi ba sila napapagod sa kakaintindi?
Hindi ba sila nakakaramdam ng pagod at sawa kahit kaunti?

Isa-isang pumatak ang aking mga luha.
Pakiramdam ko, ako'y nagising bigla.
Nagising sa katotohanang mali ang aking ginawa.
Katotohanan na matagal ko na ring binabaliwala.

Unti-unti akong kinain ng konsensya.
Konsensya at hiya para sa lahat ng aking nagawa.
Bakit nga ba hindi ko agad napansin?
Na nasasaktan sila sa lahat ng mga mali kong gawain?

Sila. Sila na palaging nariyan.
Sila na hindi ako kailanman nagawang talikuran.
Sila na sumasalo sa akin sa bawat pagbasak ko.
Sila na walang ibang ginawa kundi ang mahalin ako nang buong puso.

Hindi sapat ang salitang, "salamat".
Hindi iyon sapat upang mapantayan iyon lahat.
Hindi sapat ang isang salit upang iparating sa kanila ang aking nadadama.
Kung kaya't naisipan kong gumawa na lang ng isang tula.

Ma, Pa.

Ang tulang ito ay para sa inyo.
Sana ito'y magustuhan niyo.
Pasensya na kung hindi ko ito magawang sabihin sa inyo nang harapan.
Masyado kasing malakas ang hiya na aking nararamdaman.

Kayo. Kayo ang naging gabay ko.
Palaging gumagabay, hindi kailanman sumuko.
Kayo ang mga sagwan ng bangka na aking sinasakyan.
Kung wala kayo, wala rin ako dito sa aking kinalalagyan.

Ma, Pa.

Salamat. Maraming-maraming salamat po.
Salamat sa lahat ng inyong mga sinakripisyo.
Salamat sa mga paalala, aral,at  payo ng ibinibigay ninyo.
Bilang pasasalamat, tanggapin niyo sana ang isa ko pang regalo.

Ma, Pa.

Tanggapin niyo sana ang aking mga matataas na marka.
Matatagalan pa yung iba kaya sa ngayon po, ito po muna.
Saka ko na iaabot sa inyo ang diploma at mga medalya.
Ipinapangako ko sa inyo na ang inyong paghihirap ay magbubunga ng maganda.

Ma, Pa.

Hayaan niyo sanang makabawi ako sa inyo.
Gagawin ko ang makakaya ko upang matupad ko ang aking ipinangako.
Kaunting tiis at tulak pa, kakayanin natin ito.
At balang araw, makikita niyo rin akong umakyat sa entablado.

Ma, Pa.

Nais kong malaman niyo na mahal na mahal ko kayo.
Hindi man halata, pero iyon ay totoo.
Kaya sana ito'y nagustuhan ninyo.
At dito na nagtatapos ang tulang isinulat ng aking puso.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now