Isang Kilometro

361 2 0
                                    

(Requested)

Kailan mo ba ko mapapansin, mahal ko?
Hindi mo ba nahuhuli ang bawat pagsulyap ko sayo?
Hindi mo ba nahahalata ang aking ngiti sa tuwing nasa paligid ka?
Hindi mo ba nararamdaman na gustung-gusto kita?

Lumingon ka naman dito, irog ko.
Para naman kahit sa isang segundo, magkatitigan tayo.
Para naman pwede ko nang masabing may pag-tingin ka rin sakin.
Pakiusap, pagbigyan mo naman ang aking mithiin.

Para kang paru-paro na lilipad-lipad sa langit, mahal ko.
Habang ako yung bulaklak na umaasang mapapansin mo.
Di naman ako pangit, maganda naman ako at mabait din.
Kaya bakit pati ang iyong atensyon ay hirap na hirap akong kuhanin?

Alam mo bang nakakairita ka?
Nakakairita ka dahil parang hindi mo siniseryoso ang aking nadadama.
Alam mo bang gusto kitang i-demanda?
I-demanda at ipakulong sa puso ko upang hindi ka na makawala.

Makinig ka naman sakin, mahal ko.
Hindi ka ba interesado sa mga ikukuwento ko sayo?
Hindi mo ba naririnig ang sigaw ng aking puso?
Hindi mo ba naririnig na isinisigaw nito ang pangalan mo?

Hindi ka naman manhid, diba?
Kaya bakit hindi mo madama?
Bakit hindi mo madama ang pag-ibig ko sayo, sinta?
Bakit ba hindi mo pa rin mahalata?

Tumingin ka nga sakin, irog ko.
Subukan mong talasan ang iyong mga mata at baka makita mo na ko.
Baka makita mo na rin sa wakas na ako'y nandito.
Nandito sa tabi mo at minamahal ka nang patago.

Ni minsan hindi kita nagawang kausapin nang seryoso.
Kahit pa madalas tayong nagiging magka-grupo.
Hanggang sa isang iglap, biglang tumibok ang puso.
Biglang tumibok ang puso na dati'y inilalaan ko lamang sa aking mga idolo.

Lumipas ang mga araw nang hindi ko namamalayan.
Hindi ko namamalayang tumitindi na ang aking nararamdaman.
Ngunit kasabay ng paglalim ay ang nakakapasong sakit.
Sakit na dulot ng katotohanang sa kanya ka lamang lumalapit.

Isang kilometro. Isang kilometro ang layo ko sayo.
Isang kilometrong distansya habang pinagmamasdan ko ang ngiti mo.
Ngiti na nagpapagaan ng aking kalooban.
Ngiti na hinihiling ko na sana ako yung dahilan.

Mahirap mag-panggap na hindi ako apektado.
Na hindi ako apektado sa tuwing nasa kanya ang atensyon mo.
Na baliwala lang sakin ang mga papuri mo sa kanya.
Na wala akong pakialam kahit nakikita kong pinopormahan mo siya.

Isang kilometro ngunit hindi ko magawang humakbang papalapit.
Sapagkat sobrang bigat na ng nadadama kong sakit.
Gusto kong sigawan ka ng "Hoy! Sumusobra ka na ha!"
Sumusobra ka na dahil ang puso ko'y durog na durog na.

Isang kilometro o di kaya'y higit pa.
Higit pa sa isang kilometro ang distansya ko sa "baka may pag-asa".
Pag-asa na mapapansin mo rin ako.
Pag-asa na ako naman ang hahanap-hanapin mo.

Ngunit sadyang mahirap tanggapin ang masakit na katotohanan.
Katotohanan na hinding-hindi mangyayari yan.
Sa isang kilometrong layo, di na yan mababawasan.
Dahil sa buhay mo, ito lang aking kinatatayuan.

Taga-hanga, nangangarap, palihim na nagmamahal sa isang tulad mo.
Sa isang tulad mong hindi ko alam kung ano ang nagustuhan ko.
Oo, hanggang dito lang ang aking katayuan.
Katayuan na sa panaginip ko lamang nahihigitan.

Isang kilometro ang distanya ko mula sayo.
Isang kilometrong nadadagdagan sa bawat hakbang mo papalayo.
Papalayo sakin na hindi mo man lang magawang lingunin.
Samantalang ako'y mananatili dito na umaasa at nagmamahal pa rin.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now