PERO

639 2 0
                                    

Sa lahat ng uri ng salita, yan ang pinaka-ayaw ng ibang mga tao.
Dahil mapapaisip ka kung ang kadugtong ba nito ay positibo o negatibo.
Minsan ginagamit ito kapag nagbibigay ng kondisyon.
Ngunit kadalasan, ginagamit ito kapag nagbibigay ng rason.

Naaalala ko pa yung araw na bumitaw ka.
Nanghihingi ako ng rason at nagbabaka-sakaling maisalba pa.
Hindi ko maintindihan kung bakit umaayaw ka na.
Umaayaw ka na ngunit nagawa mo pa rin gumamit ng matatamis na salita.

Bakit ganyan ka, mahal ko?
Bakit pakiramdam ko ako'y pinapaasa mo?
Pinapaasa na "balang araw", babalik ka muli dito.
Kahit yung "araw" na yun ay dinaig ang piratang pelikula sa pagiging malabo.

Bigyan mo ko ng kahit isang  rason, mahal ko.
Yan ang pakiusap ko sayo noong papalabas ka na ng pinto.
Hinarap mo ko ngunit nanatiling tikom ang mga bibig mo.
Hinintay kitang mag-salita kahit dinig ko na ang unti-unting pagkabiyak ng aking puso.

Tinignan mo ang aking mga mata na para bang ako'y ibang tao.
Ang mga mata mo noon na puno ng pag-ibig, kasing-lamig na ng yelo.
Sinubukan kong hanapin ang sarili ko sa iyong mga mata.
Ngunit ako'y nabigo dahil ibang tao ang aking nakita.

Gusto kong lumuhod sa harapan mo noon at magmakaawa.
Magmakaawa na wag kang bumitaw sa relasyon nating dalawa.
Noong mga panahon na iyon, handa akong gawin ang lahat ng sasabihin mo.
Wag ka lang lumayo ng tuluyan at umalis sa buhay ko.

Muli kong narinig ang mga matatamis na salita mula sayo.
Iba nga lang ngayon dahil may mga kadugtong na ito.
Mga kadugtong na di ko inaasahang sasabihin mo.
Mga kadugtong na naging dahilan ng pag-guho ng aking mundo.

" Mahal kita, PERO nagbabago ka na.
Mahal kita, PERO nakakasawa na ang relasyon nating dalawa.
Mahal kita, PERO nakakarindi na ang iyong mga paalala.
Mahal kita, PERO nakakasakal na ang pagkapit mo, sinta.

Mahal kita, PERO hindi tayo nagkakaintindihan.
Mahal kita, PERO labis na akong nasasaktan.
Mahal kita, PERO nakakapagod na ang ating pag-aaway.
Mahal kita, PERO ang relasyon nating dalawa ay wala ng buhay.

Mahal kita, PERO may nakilala akong isang tao.
Mahal kita, PERO ibang-iba ang ugali niya sayo.
Mahal kita, PERO siya yung nasasandalan ko sa tuwing nagkakalabuan tayong dalawa.
Mahal kita, PERO siya na ang nagbibigay sakin ng lakas at  sigla.

Mahal kita, PERO unti-unti ng nawawala ang nararamdam ko para sayo.
Mahal kita, PERO iba na ang tinitibok ng aking puso.
Mahal kita, PERO nasa puso ko na rin siya.
Mahal kita, PERO nahulog na ko sa kanya.

Mahal kita, PERO kailangan ng maghiwalay ng ating landas.
Mahal kita, PERO kailangan ko na siyang puntahan bukas.
Mahal kita, PERO kailangan ko ng lumisan.
Mahal kita, PERO ang istorya nating dalawa ay akin ng tutuldukan..."

Hindi ako nakapagsalita matapos marinig ang mga yan.
Hindi ko maipaliwanag ang sakit na aking nararamdaman.
Akala ko ba'y ako lang ang iyong iibigin?
Akala ko ba'y kahit anong mangyari, mananatili kang akin?

At kahit ngayong wala ka na, iniisip pa rin kita.
Iniisip at nagtatanong kung babalik ka pa ba.
Bakit ba tinatanong ko pa yan sa sarili ko?
Kung mas maliwanag pa sa sikat ng araw, na siya pa rin ang pipiliin mo.

Ito na ang huling araw na iiyakan kita.
Ito na ang huling araw na aasa akong babalik ka.
Ito na ang huling araw na masasaktan ako ng dahil sa inyong dalawa.
Dahil ito na ang araw na kung saan pinapalaya na kita.

Mahal pa kita, PERO sawa na kong maghintay sa wala.
Mahal pa kita, PERO sawa na kong magpaka-tanga.
Mahal pa kita, PERO sawa na kong masaktan ng paulit-ulit.
Mahal pa kita, PERO sawa na ko sa pag-iyak sa bawat saglit.

Mahal pa kita, PERO hindi ako maka-sarili.
Mahal pa kita, PERO alam ko na hindi na ako ang dahilan ng iyong ngiti.
Mahal pa kita, PERO ayokong maging hadlang sa inyong pag-iibigan.
Mahal pa kita, PERO kailangan ko ng bitawan ang lubid na aking kinakapitan.

Mahal pa kita, PERO ayoko ng umasa.
Mahal pa kita, PERO sadyang hindi tayo ang itinadhana.
Mahal pa kita, PERO pinapalaya na kita sa aking puso.
Mahal pa kita, PERO kailangan ko ng magpatuloy kahit wala ka na sa tabi ko.

Mahal pa kita, PERO gusto kong sumaya ka.
Mahal pa kita, PERO alam kong sa kanya ka liligaya.
Mahal pa kita, PERO pakiusap wag ka ng babalik pa.
Mahal pa kita, PERO ayokong maging "rebound" sa tuwing wala siya.

Mahal pa kita, PERO sana wag kang iiyak sa harap ko.
Wag kang iiyak sakin dahil sa iniwan ka na ng bago mo.
Wag kang babalik sakin bitbit ang iba't-ibang rason.
Tulad nalang ng natukso ka lang noon, PERO natauhan ka na ngayon.

Mahal pa kita, PERO pakiusap wag ka ng bumalik sa buhay ko.
Masakit man sabihin ngunit sarado na ang pinto.
Kahit ilang ulit mo pang katukin ito, hindi na ito magbubukas para sayo.
Ilalaan ko na lang ang puso ko sa ibang tao tulad ng ginawa mo.

Mahal pa kita, PERO kinakalimutan na kita.
Unti-unti ko ng papatayin ang pagmamahal na sa iyo'y nadadama.
At kapag nawala na ang pag-ibig ko sayo, bukas na ulit ang pinto.
Hindi para sa mahalin kang muli kundi para maging kaibigan ko.

Ayokong magmahal muli ng taong iniwan ako para sa iba.
Ayokong magmahal muli ng taong sinaktan ako ng sobra.
At ngayong ilang taon na ang lumipas, nakahanap ako ng tulad mo.
Nakahanap ako ng tulad mo PERO may ilang pagkakaiba kayo.

Yung nakaka-away ko siya PERO di niya ko natitiis o dinidedma.
Yung kahit mahirap akong intindihin, tanggap pa rin niya.
Yung napapagod PERO hindi agad sumusuko.
Yung minamahal at tinatanggap ako ng buong-buo.

Ang tanging hiling ko lang para sayo, ay maging maligaya ka.
Maging maligaya ka kahit na ang kapiling mo ay iba.
Wag mo sanang gawin sa kanya ang ginawa mo sakin.
Sana kahit yan man lang, ay magawa mong tuparin.

Dito na nagtatapos ang lahat ng pinagsamahan natin.
Hindi ko pinagsisisihan na minsan kang naging akin.
Salamat sa ginawa mong pag-iwan sakin noon.
Kung hindi dahil sa ginawa mo hindi sana ako ikakasal sa kanya ngayon.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now