Dahilan

348 4 1
                                    

(Requested by: Ate_M17 )

Facebook at Messenger na ang libangan natin ngayon.
Pindot dito, pindot doon, ibang-iba sa mga gawain ng kabataan noon.
Ngunit, maraming nagbago sa aking buhay dahil sa social media.
Sapagkat, ito ang nagsilbing tulay upang makilala kita.

Isang tipikal na araw lamang ang araw na iyon.
Like dito, comment doon, tumutugon sa mga chats kung meron.
Hindi naman mahalaga kung may mag-chat man sakin o wala.
Sapagkat wala naman akong ganang makipag-usap sa iba.

Subalit, ako'y nabigla nang makatanggap ako ng mensahe.
Ang aking puso at isip ay agad na nag-debate.
Tutugon ba ko o buburahin ko ito?
Hindi naman kasi kita kilala o kaanu-ano.

Banda dulo naisipan kong tumugon sa iyo.
Agad mo itong binasa at nagsimulang kausapin ako.
Nung una'y nabalot ng pagka-ilang ang aking buong pagkatao.
Ngunit, di rin nagtagal nasanay din ako sa presensya mo.

May ilan kang naitanong... Na hindi ko tinutugunan.
Bakit ko sasagutin kung hindi naman kita kaibigan?
Hindi rin nagtagal, unti-unti akong bumigay.
At doon na nagsimulang magkaroon ng kulay ang aking buhay.

Ang bawat oras na lumilipas ay puno ng saya.
Kumpleto ang  araw ko kapag nakakausap kita.
Sa paggamit ng social media, nakilala ko ang isang tulad mo.
Isang lalaking itinuring kong kaibigan at pinagkatiwalaan ko.

Subalit, hindi maaaring pigilan ang pamumulaklak ng isang halaman.
Tulad ng kung paano umusbong ang malalim na pagtitinginan.
Lumipas ang dalawang buwan, doon ko na naramdaman.
Naramdaman na ang tingin ko sayo'y higit na sa kaibigan.

Sadyang mahilig talaga sumugal ang puso ng isang tao.
Sapagkat, hindi ko na napigilang ipagtapat sayo.
Ipagtapat at aminin na minamahal kita.
Hindi bilang kaibigan kundi mas higit pa.

May mga pagkakataon na nagiging mabait ang tadhana.
Pinagbigyan kasi nito ang hiling ko na sana ganun din ang iyong nadadama.
Hindi ko maipaliwanag ang nadadamang galak, tuwa, at saya.
Dahil ang ating mga puso'y hawak pala ng bawat isa.

Halos araw-araw palagi tayong magkasama.
At bawat minutong lumilipas ay puno ng saya.
Hindi nga lang gaanong perpekto ang ating pagsasama.
Dahil ang ating mga katangian at pagkatao, magkaibang-magkaiba.

Ikaw yung tipong mahilig mag-effort sa lahat ng bagay.
Kaya ang ating relasyon ay nagiging masaya't makulay.
Ikaw yung lalaking kapag nag-lambing, dinaig pa ang asukal.
Palaging ipinapadama kung gaano mo ko ka-mahal.

Ako naman yung babaeng "sadista", kung tawagin.
Kapag wala akong magawa, naghahanap ng bubugbogin.
At ang aking nabi-biktima'y ikaw at wala nang iba.
Ikaw na walang magawa kundi magpaubaya kahit ayaw mo naman talaga.

Ngunit kahit ganito ako, masasabi kong ako ay may taglay na talino.
Palaging pumapasok, lahat ng grades pasado.
Purisigido sapagkat determinado akong makapasa.
Upang makuha ang inaasam-asam na diploma.

Ikaw yung lalaking pala-kaibigan.
Mapa-lalaki man, o babae, di na mahalaga ang kasarian.
Hindi lingid sa kaalaman mo na ako'y dakilang selosa.
Kaya bakit kinakausap mo pa rin sila?

Babae ako na marunong at grabe kung mag-selos.
Nagkakaganito lang naman ako dahil minamahal kita nang lubos.
Mahirap para sakin ang makitang masaya ka.
Lalo na kung ibang babae ang dahilan ng iyong ngiti, sinta.

Maraming beses kitang dinedma at hindi pinansin.
Hindi nagpaparamdam kahit magpadala ka ng mensahe sakin.
Ilang ulit kang humihingi ng pasensya't paumanhin.
Paulit-ulit sinasambit na hindi mo na iyon uulitin.

Agad din naman naaayos ang problema.
Yan ang kapalit dahil nagmahal ka ng babaeng selosa.
Hindi na mahalaga kung mabalot man ng selos ang aking puso.
Dahil alam kong mananaig pa rin ang pagmamahal ko para sayo.

Dalawang taong nagkakilala nang dahil sa social media.
Dalawang taong parehas na nahulog ang loob sa isa't-isa.
Dalawang taong bumuo ng isang relasyon na puno ng pagmamahalan.
Relasyon na tumagal... Nang isa't kalahating buwan.

Hanggang ngayo'y hindi ko mawari kung bakit ganito.
Bakit nga ba ulit naging ganito ang wakas ng ating kuwento?
Ano nga ba ulit ang naging dahilan ko?
Ano nga ba ang dahilan... At nagawa kong umalis sa piling mo?

Ah, tama... Naalala ko na, irog ko.
May isang katangian ka nga pala na hindi ko gusto.
Katangian na nakasanayan mo na at hindi na maiwasan.
Yung taong mahal ko? Maraming bisyo kaya ko iniwan.

Tama. Siya yung tipo ng lalaki na maraming bisyo.
Umiinom ng alak, nagko-kompyuter, humihithit ng sigarilyo.
Yung hindi pa tapos ang klase pero agad na siyang umuuwi.
At imbis na pumasok, uma-absent siya palagi.

Sinubukan kong baguhin ang kanyang mga naka-sanayan.
Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang siya'y gabayan.
Gusto kong maging maayos ang buhay ng taong mahal na mahal ko.
Subalit kahit anong gawin ko, palagi akong nabibigo.

"Mahal kita, totoo yun, maniwala ka.
Minamahal kita kaya ko ito nagagawa.
Subalit, walang magbabago kung hindi ka gagawa ng hakbang.
Dahil sa bawat pagtulong ko sayo, gumagawa ka ng hadlang."

Yan. Yan ang gusto kong iparating sayo.
Wala akong ibang hinahangad kundi ayusin ang buhay mo.
Subalit... Sa bawat pagbuo ko sayo, ikaw pa rin mismo ang sumisira.
At sa loob ng isa't kalahating buwan... Sinukuan na kita.

Mahirap din para sakin ang iwanan kang mag-isa.
Ayoko sanang gawin yun dahil natatakot akong maligaw ka.
Subalit, anong silbi ko kung hindi ka pumapayag na gabayan kita?
Kaya mahal, pasensya na kung hindi ko kinaya.

"Kapag mahal mo ang isang tao, tatanggapin mo siya ng buo."
Yan ang kasabihan na pinaniniwalaan ng ibang mga tao.
Maraming naniniwala dyan, pero hindi ako kasama.
Hindi ako kasama, dahil iba ang aking paniniwala.

Kung mahal mo talaga ang isang tao, gagabayan mo siya.
Tutulungang maging maayos ang buhay ng iyong sinisinta.
Gagabayan sa lahat ng oras upang ang mga maling nakasanayan ay maitama.
Kung totoong mahal mo siya, tutulungan mo siyang magbago para sa ikabubuti niya.

Hindi sa lahat ng oras kailangan mo siyang tanggapin.
Hindi sapat na dahilan ang mahal mo siya upang baliwalain ang mga mali niyang gawain.
Kaya mahal, pasensya na kung ika'y aking binitawan.
Ngayon alam mo na kung bakit ganun ang ibinigay kong dahilan.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now