Ako'y Isang Makata

438 2 0
                                        

Nagsimula ang lahat sa bilang na ISA.
Isang paligsahan na itinanghal sa aming eskuwela.
Isang paligsahan sa pagsulat ng tula.
Isang tula na hindi ko inakalang masusundan pa.

Hindi ko inaasahang mahihilig ako sa pagsusulat.
Pagsusulat ng mga istorya at mga tula na maaaring basahin ng lahat.
Hindi ko inakalang mapapaibig ako dito.
Ang paglikha ng sariling akda'y minahal ko nang buong puso.

Ang bawat tula'y may sari-sariling emosyon.
Ang bawat isa'y may sari-sariling aral na baon.
Ang bawat akda'y pare-pareho ng pinagmulan.
Lahat ng mga ito'y nagmula sa aking puso't isipan.

Ibinubuhos ko ang aking damdamin sa bawat salitang isinusulat ko.
Mga salitang nagsasama-sama upang ang isang pangungusap ay mabuo.
Gamit ang mga pangungusap, isang saknong naman ang aking bubuoin.
Hangga't hindi ako napapagod o nakukuntento, ang proseso ay aking uulit-ulitin.

Ano ang tawag sa taong mahilig gumawa ng mga tula?
Ako'y napaisip, ako'y natulala.
Ano nga ba ang tawag sa mga taong tulad ko?
Nang dahil sa kuryosidad, ako'y nagtanung-tanong sa mga tao.

Dumaan ang ilang araw, nakahanap ako ng sagot.
Sagot na nagbigay-linaw sa tubig na binabalot ng mga lumot.
Ako'y natuwa sa aking natuklasan.
"Makata", ang naging sagot ng karamihan.

Isang makata, yan daw ang tawag nila sa mga sumusulat ng mga tula.
Malalawak ang kaisipan kaya may naisusulat sa lahat ng mga tema.
Malikhain, mapaglaro ang imahinasyon, makukulay ang kaisipan, at marami pang iba.
Ilan lamang iyan sa mga salitang iniuugnay sa kanila.

Sa panitikan ng mga Pinoy, malaki ang kanilang naitutulong.
Hinahayaang makawala ang mga salitang nakakulong.
Ngunit kahit na ganoon, lahat sila'y alam ang kanilang limitasyon.
Alam kung ano ang tama at mali, subalit nagsasabi pa din ng sariling opinyon.

Pare-parehas man gumagawa ng mga tula, magkakaiba pa din ang mga makata.
May ilan na ginagamit ang tula sa paraan na hindi kaaya-aya.
Ginagamit ang akda upang makapang-insulto at maka-panakit ng iba.
Kahit na alam nilang mali, ay ipinagpapatuloy pa din nila.

Huwag kayong mangamba, dahil sigurado akong hindi ako isa sa kanila.
Hindi ko magagawang gamitin ang tula upang manakit ng aking kapwa.
Oo, isa akong makata na gumagawa ng mga tula.
Mga tulang may layunin na magpasaya ng mga mambabasa.

Ako'y isang makata na idinadaan sa tula ang mga problema.
Ako'y isang makata na isinusulat ang lungkot na nadarama.
Ako'y isang makata na minamahal ang bawat akdang nililikha.
Ako'y isang makata na ginagamit ang luha bilang tinta ng aking pluma.

Ako'y isang makata na nais pasayahin ang mga nagbabasa ng aking akda.
Ako'y isang makata na hindi marunong magnakaw sa iba.
Ako'y isang makata na may pangarap na nais abutin.
Ako'y isang makata na nangangarap na balang araw ang aking mga akda'y magiging libro din.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Where stories live. Discover now